Sa iisang larawan ay mapayapang nagsanib ang naglalakihang kongkretong mga gusali at ang maaliwalas na luntiang kagubatan. Maririnig ang ugong ng mga kotse, bus, at mga motor na nagdaraan habang nalalanghap ang preskong hangin. Isa na namang maulan na Abril sa makulay na tagsibol.
Umpisa ng Moon Cake Festival noong ako’y unang dumating mahigit dalawang taon na ang lumipas. Namangha ako noon sa dami at iba’t ibang uri ng pagkaing nakahanda. Nasabi ko sa sarili ko, ganito kaya talaga dito? Hindi ko naman maintindihan ang mga klase ng pagkain at alam kong hindi ko kayang tikman lahat, pero nakakatuwa lang talagang isipin. Mahilig din pala sa pagkain ang mga Taiwanese! Hindi lang dinarayo ang mga Night Markets dahil sa iba’t ibang gamit na mabibili sa murang halaga kundi dahil din sa sari’t saring klase ng pagkain na mabibili. Malalaman mong andyan ka na dahil sa amoy ng “smelly tofu”. Tama, totoong kakaiba talaga ang amoy nito, pero masarap naman daw. Inaamin kong hindi ko talaga gusto ‘to. Marami namang noodles, lalo na ang beef noodles, mga tinapay, mga pagkaing dagat, mga prutas at minsan may gulay din. Samahan mo pa ng kamote, siguradong nakain mo na ang lahat ng uri ng pagkain sa isang gabi! Pero ang paborito ko talaga sa lahat at nakakapagpapasaya sa akin ay ang “tan ping”; na sinamahan ng keso, pinahiran ng espesyal na sauce, at binudburan ng paminta! Iniisip ko pa lang ngayon, natatakam na ako!
Katulad sa Moon Cake Festival, marami pa silang mga okasyon dito na nagpapahalaga sa kanilang mga diyos at mga ninuno. May mga espesyal na mga araw kung saan nagdarasal at nag-aalay sila ng mga pagkain. Pinaghahandaan talaga nila ito. Marahil ang pinakamahalaga sa lahat ay ang Lunar New Year . Mahaba at may iba’t ibang araw kung saan ginagawa ang mga ritwal na pagdarasal at pasasalamat para sa masaganang taon. At syempre pa, kasunod nito ay ang napakakulay at napakaliwanag na Lantern Festival! Nakakabilib talaga ang dedikasyon ng mga Taiwanese sa kanilang paniniwala. Sa mga panahon na sinusulat ko ito ay buwan ng pagsibol ng mga puno ng Tung. Sa aking mga nabasa, ang punong ito ay mahalaga para sa mga taong Hakka sa Taiwan dahil ito ang kanilang pinagkukunan nuong unang panahon. Ang pagdiriwang na ito ay pagbabalik tanaw at pagpapasalamat sa tulong na nagawa ng mga Tung Trees sa kanilang pamumuhay. Bukod dito, talaga namang napakagandang tingnan ang mga bulaklak ng Tung Trees. Maswerte ako at nakapaglakad ako sa daang nasabuyan ng mga nalagas na bulaklak nito.
Mapalad ako at isa akong migranteng manggagawa na nakatira sa Taipei. Ito ay napakaunlad at punong-puno ng buhay. Napakaraming magagandang lugar ditto na maari mong mapuntahan sa pamamagitan lamang ng MRT. Simula ng dumating ako dito ay parami ng parami ang mga lugar na may linya nang tren. Sinadya daw talaga ito upang mabilis na marating ng mga tursista at mga tagarito ang iba’t ibang pasyalan. Naranasan ko ring matakot na baka mawala ako dahil hindi naman ako kagalingan magsalita ng lenggwahe dito; at lalong hindi ako nakakabasa ng Chinese characters. Subalit nakita ko kung gaano ka disiplinado ang mga taong sumasakay sa mga pampublikong sasakyan. Nakapila talaga sa mga escalator at nagbibigay daan sa mga nagmamadaling tao. Naghihintay ng maayos sa abangan ng tren at walang nagtutulakan upang makapasok. Kaya naman noong nasubukan ko nang umalis mag-isa, alam kong hindi ako kalian man mawawala sa lungsod na ito.
Mahilig talaga akong gumala at bumisita sa iba’t ibang lugar. At dahil hindi naman kami maraming libreng oras o araw at hindi palaging mayroong pwedeng sumama sa akin, natuto akong tuntunin ang iba’t ibang magagandang tanawin ditto ng mag-isa. Hindi naman talaga mahirap ang pagsakay dito sa Taipei, at isa pa, matulungin din ang mga tao. Pwede ka pang makiusap na magpakuha ng litrato. Hinahanap ko lang ang mga lugar na ito sa internet; dinownload ko din sa aking cellphone ang mapa ng ruta ng MRT; at higit sa lahat, natutong magkabisa ng mapa. Nasasabik ako sa tuwing may nabubuo na akong plano o kahit wala talagang plano at pupnta lang sa kung saan dadalhin ng aking mga paa. Isang beses ay nalaman ng isang anak n gaming residente sa nursing home na balak kong magpunta sa Jiufen. Binigyan niya ako ng tagabulin na nakasulat pa sa salitang intsik upang may maipakita daw ako kung sakaling sa tingin ko ay nawawala na ako. Piliin ko daw na pagtanungan ang mga Nanay at huwag sa kung sinu-sino lang. Nakarating naman ako nang walang problema at masayang pinagmasdan ang animo’y mahikang kislap ng Jiufen!
Ang isang lugar na aking binabalik-balikan ay ang Xinbeitou. Una, gustong-gusto ko ang halimuyak ng hot spring. Mistulang nakabalot din sa ulap ng usok ang buong lugar. Siguro nga ay may nakatirang mabait na dragon sa ilalim ng Thermal Valley at siya ang nagdudulot ng malapantasyang kapaligiran. Meron din ditong mga gusali na nagpapakita ng kanilang kasaysayan at kultura at mga munting gubat. Higit sa lahat, para sa isang dalagang nagnanais na magkaroon ng sariling aklatan balang-araw, ay napakalaking inspirasyon ang kaayusan, kaanyuan, pati na ang lokasyon ng kanilang aklatan dito. Hindi mo na gugustohing umalis pa!
At ang mga parke! Parang ang lahat ngmga maliliit na espasyo, mga gilid ng daan, at mga ilalim ng daanan ng tren ay oportunidad upang paglagyan ng parke! Hindi mo maaaring sabihin na wala kang lugar upang mamasyal o maglakad-lakad, tumakbo at mag-ehersisyo, at kahit magbisikleta. Bilib ako sa pagpapanatili nilang malinis, maganda, at punong-puno ng naglalakihang mga puno at makukulay na mga bulaklak ang mga parke dito. Kung gusto mo pa ng hamon, maari kang maglakad sa Yanmingshan. Napakaganda dito tuwing tagsibol lalo na kung kakasimula pa lang dahil maraming namumukadkad ditong Sakura (cherry blossoms). Isa pang paborito ko ay ang Yuanshan. Siguro na rin sa dito ako madalas na dumadaan pag nagpupunta ako sa simbahan. Sinasadya ko talagang dito bumaba at maglakad-lakad muna upang makita kung may mga bagong tanim na bulaklak o mga dekorasyon. Nakakatuwa at nakakainggit ang mga Lolo at Lola na kayang-kaya pang maglakad-lakad sa mga ganitong lugar. Talagang napaka-aktibo pa nila at malulusog ang pangangatawan. Naniniwala akong makabubuti sa iyong katawan at isipan ang mga ganitong gawain. Nagiging mas malapit ka rin sa kalikasan at mas mapapahalagahan ito.
Mas mahusay na akong magsalita sa kanilang lenggwahe ngayon kesa noong kararating ko pa lang dito. Hindi rin naman maiiwasan na meron paring hindi nakakaunawa sa akin at ganun din ako sa kanila. Ngunit sa kalahatan, sila ay isa sa mga mabubuti at masayahing taong nakasalamuha ko. Mainit ang kanilang pagtanggap sa akin dito. Nagpapasalamat ako at natapos din ang isyu dati nang magkaroon ng di pagkakaunawaan ang ibang mga Taiwanese at mga kapwa ko Pilipino na nagtatrabaho sa dagat. Isa ito sa mga naging pagsubok namin dito sa mga panahong iyon. Sana ay nakamit ang hustisya sa kung sino man ang dapat na makatanggap nito. Nang dahil din sa aking pagliwaliw, may nakakuwentuhan din akong estudyanteng Taiwanese na nagbahagi sa akin kung gaano siya nasisiyahan sa mga nakamit ng kanyang bansa. Ngayon ay kinikilala na ito sa buong mundo at nakakapaghikayat na rin silang gamitin ang kanilang sariling natatanging mga katutubong lenggwahe. Kahit ang ibang mga dayuhang bumibisita lamang dito at aking nakakausap ay nagsasabing ang Taiwan ay isa sa mga bansang dapat na pasyalan sa iyong buong buhay.
Hindi ko naman masasabing palaging masaya ang naging buhay ko dito. Noong una ay nahirapan din ako sa trabaho. Sumasakit din ang aking katawan at nasubukan ko ring mangulila sa aking pamilya. Ngunit kung matututunan mong tingnan at pahalagahan ang mga magagandang bagay na nandito, sigurado akong maiiwan mo rin ang iyong puso tulad ng mangyayari sa akin iilang buwan mula ngayon. Pinapangako kong babalik ako upang mamasyal sa iba pang lungsod. Higit sa lahat, muli kong aakyatin ang Elephant mountain upang pagmasdan ang paglubog ng araw sa Taipei 101 at sa nakapalibot ditong mga luntian at kongkreto. Hanggang sa muli.