【Choice Award】
&
&
【Juvenile Jury Award】
2015/5/3 / Carla F. Padilla / Sa Dulo ng Bukid / Pilipinas 菲律賓 / Wala
Sa Dulo ng Bukid
Isang umaga habang nag-aalmusal sa bukid, itinanong ko sa aking lolo kung nasaan ang Taiwan, lugar na pinagtata-trabahuhan ng tito ko. Gusto ko rin kasing makarating sa Taiwan dahil doon galing ang mga laruan at tsokolate na ipinadadala niya.
Walong taong gulang ako noon, larawan ng kawalang muwang at kawalang malay. Itinuro ni lolo ang dulo ng bukid na abot-tanaw ng aking mga mata, naroon daw ang Taiwan. Sabi niya sasamahan niya akong maglakad papunta roon kahit malayo para kumuha ng mga laruan.
Matagal pa bago ko nalaman na kahit marating ko pa ang dulo ng bukid, hindi ko pa rin makikita ang Taiwan. Mas malawak ang mundo sa abot-kayang makita ng mga mata ko.
Tuwing magbubukas ng balikbayan boxes galing Taiwan ang mga pinsan kong kapitbahay din namin, palagi akong nanghihingi ng tsokolate. Kaya sinabi ko sa sarili ko, gusto ko na sa ibang bansa mag-trabaho para magkaroon ako ng maraming tsokolate.
Minsan, tinanong ko sina Nanay at Tatay kung bakit hindi na lang sila sumunod sa tito ko para magkaroon din kami ng mga pasalubong. Sabi nila, hindi na raw kailangan dahil may trabaho na sila at walang mag-aalaga sa amin pag umalis sila. Naisip ko, oo nga naman, malulungkot ako pag nawalay sila kaya paglaki ko, ako na ang mangingibang bayan para makabili ng mga masasarap na pagkain para sa amin.
Tindera ng isda sa palengke ang aking Nanay. Araw-araw dumadaan ako sa palengke suot ang puting-puti kong uniporme upang humingi ng baon na kinita niya pa mula sa pag-gising at pagtatrabaho simula alas-dos ng madaling araw hanggang hapon. Sa tuwing pupuntahan ko si Nanay, ipinagmamalaki niya ako sa mga kapwa niya tindera.
""Ito ang anak ko, matalino, maganda at masipag yan."" Ang laki ng mga ngiti niya palagi kahit naliligo na siya sa pawis at halos makuba na sa kabubuhat ng mabibigat, tila sulit naman sa kanya ang lahat maiayos lang ang pag-aaral ko.
Ang kalagayang iyon ni Nanay ang nagtulak sa akin upang ipangako sa sarili ko na gagawin ko ang lahat maipatikim lang kay Nanay ang ginhawa sa buhay. Hindi niya kasalanang tumanda na mahirap. Masipag siya pero sadyang kulang lang talaga ang oportunidad sa aming bansa para sa mga ordinaryong mamamayan.
Ang tatay ko naman ay tricyle driver. Utang lang na hulugan pa ang traysikel na iyon para may maipantawid sa aming apat na magkakapatid kung saan ako ang panganay.
Sabi ng mga teacher ko, mahirap na bansa ang Pilipinas kaya't karamihan sa mga Pilipino ay nangingibang bansa upang makaahon sa kahirapang tila iginuhit na sa aming mga palad. Alam kong walang kasiguraduhan ang ginhawa ng buhay sa pagtatrabaho sa ibang bansa pero gusto kong subukan. Gusto kong sumugal para hindi na rin danasin ng maliliit kong kapatid ang hirap ng buhay na kinamulatan ng aking mga magulang.
Naitawid ng aking mga magulang ang aking pag-aaral at natupad ang pangarap kong maging manunulat. Naging manunulat ako sa isang lokal na pahayagan. Natural ang hilig ko sa pagkukwento ng buhay ng tao sa pamamagitan ng pagsusulat. Nakakapag-interview rin ako ng mga pulitiko at mga negosyante. Madalas kong isulat ang tagumpay ng mga taong nagsimula sa hirap pero nakamit ang ginhawa sa pamamagitan ng sipag at tiyaga. May pagkakataon pa nga na nailathala ang artikulo ko sa isang diyaryo sa buong Pilipinas. Isa iyon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.
Naging masaya naman ako sa napili kong propesyon pero kulang pala iyon para mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya. Gusto kong ipasa sa mga kapatid ko ang nag-iisang kayamanang kaya kong ibigay, ang edukasyon. Hindi na sumapat ang kinikita ko lalo na nang magkaroon ng sakit ang aking nanay. Pansamantalang naparalisa ang kanyang kaliwang braso na banat na banat sa trabaho kaya’t hindi na siya makakapagtrabaho sa palengke. Kailangan din ng sapat na pera para sa kanyang therapy. Parang guguho ang maliit naming mundo sa problemang ito dahil mahihinto na rin sa pag-aaral ang iba kong mga kapatid.
Ang mga totoong problema sa buhay ay iyong mga hindi mo inaasahan. Nakabuntis rin ng di sinasadya ang kapatid kong mas bata sa akin. Kailangan naming akuin ang buong responsibilidad nito.
Ito na ang nagtulak sa akin para pansamantalang iwanan ang propesyon ko sa Pilipinas upang maging manggagawa sa Taiwan. May mga kaibigan akong tumulong para sa perang kakailanganin upang makaalis ako.
Bitbit ang kaunting damit, malaking pangarap at pangako ng magandang buhay para sa aking pamilya, pumunta ako sa Taiwan sa edad na dalawampu’t dalawa.
Pinangarap ko noon na malibot ang buong mundo. Hindi ko inasahan na trabaho pala ang pupuntahan ko sa unang beses kong tatapak sa banyagang lupain. Sinalubong kami ng malakas na ulan sa pagbaba ng eroplano. Kinabahan pa nga ako dahil unang beses ko rin sumakay ng eroplano. Malamig na klima ang dumampi sa balat ko nang gabing iyon.
Nuon ko naramdaman na malayo na ako sa init sa Pilipinas, malayo sa init ng yakap ng aking mga minamahal. Gusto nang tumulo ng luha ko tuwing maiisip ko ang ngiti ni Nanay tuwing pumupunta ako sa palengke pero kailangan kong magpakatatag para hindi na rin siya mahirapang muli.
Sa unang araw ko sa trabaho, hindi ko inasahan na ganoon pala kahirap maging factory worker. Pagpasok ko, parang lahat ng tao ay nagmamadali. Lahat ay abalang-abala sa pagpapatakbo ng mga makina na isa na yata sa pinaka nakalilitong bagay na nakita ko sa tanang buhay ko. Ang pinaka mahirap sa lahat ay intindihin ang salita ng mga Taiwanese. Bihasa ako mag-Ingles pero pagdating sa Chinese, para akong itinapon sa nagyeyelong dagat. Hindi ako makasabay sa agos dahil hindi ko sila maintindihan.
Mabuti na lang at Pilipino rin ang binigay sa akin na magtuturo, mahusay siyang magsalita ng Chinese. Limang taon na rin kasi siyang nagtatrabaho sa kumpanya na iyon. Tinulungan niya akong matutunan ang pagpapatakbo ng mga makina sa aming trabaho. Sa tuwing may sasabihin naman ako sa aking lider, kailangan ko itong i-drawing o i-mostra. Habang tumatagal, natututo na rin ako ng mga simpleng salita kagaya ng pagbigkas ng mga numero at pagsagot sa mga karaniwang tanong.
Hindi naging madali ang mga unang buwan ko sa trabaho. Nagkaroon ng impresyon ang aking lider na mabagal akong matuto at naikumpara rin ako sa ibang Pinoy na mahusay na sa trabaho sa kumpanya kahit baguhan pa lamang. Madalas ay naririnig ko na pinagtatawanan ako ng aking mga ka-trabaho sa tuwing ako ay nasisigawan.
Kaya ko namang tiisin ang lahat ng iyon ngunit nabigla na lang ako nang isang araw habang pinagagalitan ako ng lider ay pinagbantaan niya akong pauuwiin na lang ng Pilipinas kung hindi ako magbabago.
Napaluha ako habang nagtatrabaho. Dalawang buwan pa lang ako noon at baon pa sa utang. Naisip ko na parang walang puso ang lider ko dahil hindi niya naisip na may pamilya akong umaasa sa akin.
Pinagaan ang loob ko ng isang Pinoy at doon sinabi niyang ganun lang talaga magsalita ang aming lider. Nananakot lang daw siya para pagbutihin ko. Ikinuwento niya na noong baguhan pa lang din siyang gaya ko, hindi rin siya nagustuhan ng mga kasama niya sa trabaho. Palagi siyang minamaliit. Ito ang nagtulak sa kanya upang doblehin ang kanyang pagpupursigi. Nag-aral siyang magsalita ng Chinese at naging magaling sa trabaho upang patunayan na kaya niyang makipagsabayan. Sa kwento niya, kumuha ako ng lakas ng loob upang magpatuloy pa.
Tuwing gabi, kapag ipapahinga ko na ang aking pagod na katawan, puso at isip ko naman ang ayaw magpatulog. Sa tuwing maiisip ko ang iniwan kong pamilya sa ‘Pinas at kung ligtas ba sila at nakakakain ng maayos, hindi na tumitigil ang patak ng aking luha.
Kaya naman tuwing may pasok, itinutuon ko ang aking atensyon sa pag-aaral kung paano maisasaayos ang trabaho ko. Sinubukan kong intindihin ang personalidad o ugali ng mga Taiwanese. Bilang manunulat, natural sa akin ang pagiging mapagmasid. Nalaman ko na subsob at seryoso talaga sila sa kanilang trabaho kaya’t ganoon din ang inaasahan nila sa amin. Labindalawang oras ang aming shift pero lagi pa rin silang alerto. Napansin ko rin na kahit minsan ay tumataas ang kanilang boses at mabilis silang magsalita ay hindi naman sila nagagalit. Gusto lang nilang naipapaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan. Kahit madalas ay napakaseryoso nila sa oras ng trabaho, nakukuha pa rin naman nilang tumawa at ngumiti. Palagi rin silang nakikipagbiruan sa mga Pinoy. Dito na siguro sila nahawa ng ugaling Pinoy na pagiging masayahin. Dinoble ko rin ang aking sipag upang makuha ang tiwala ng aking lider.
Hindi nagtagal ay nagkaroon ako ng kaibigang Chinese sa trabaho. Tinawag ko siyang “mommy” dahil “baby” ang tawag niya sa akin dahil bago raw ako. Taga mainland China siya at nakapangasawa ng Taiwanese kaya’t napunta siya ng Taiwan. Paunti-unti, ikinukuwento niya ang kanyang personal na buhay. Ang nanay niya sa China ang nakagusto sa personalidad ng Taiwanese niyang napangasawa. Mahirap lang din sila noon kaya’t kailangan niyang pumili ng responsableng mapapangasawa. Madalas ay kumakanta siya ng Chinese songs para magising ang aming diwa habang nagtatrabaho. Hindi ko man naiintindihan ng eksakto ang kanyang mga awitin, nadarama ko sa boses niya na punong puno ito ng pagpamamahal at pangungulila na rin sa kanyang ina na naiwan sa China. Pareho kaming nawalay sa aming mga magulang kaya siguro kami naging malapit sa isa’t isa.
Isang araw, tinanong niya kung bakit hindi ako bumibibili ng mga bagong damit. Sabi ko, lahat ng sweldo ko ay ipinadadala ko sa ‘Pinas para sa pag-aaral ng mga kapatid ko at gamot ng nanay ko. Ang ibang natitira naman ay ibinabayad ko sa utang na ginamit kong placement fee sa pagpunta ng Taiwan. Nasorpresa ako na isang araw ay binigyan niya ako ng mga damit. Marami raw kasi siyang damit na hindi na ginagamit at yung iba ay bago pa, tumulo na muli ang luha ko dahil unang beses sa buhay ko rito napagmalasakitan ako ng ibang lahi. Nakaramdam ako ng pagmamahal kahit malayo sa aking pamilya.
Naging kaibigan ko rin ang isang Taiwanese broker na siyang nag-asikaso sa akin nang unang beses akong nagkasakit at tatlong araw hindi nakapasok sa trabaho. Wala akong kuya sa aming pamilya kaya’t tinawag ko siyang Kuya. Pililipina ang kanyang nanay at ipinanganak siya at nagbinata sa Pilipinas kaya naman magaling siyang mag-tagalog. Nang siya ay nasa hustong gulang na, bumalik sila ng Taiwan upang dito na manirahan. Kaya naman pala kapatid ang turing niya sa aming mga Pilipino.
Sa tuwing nagkakaroon ako ng problema sa trabaho, pumupunta si Kuya upang ipaliwanag kung bakit ako nahihirapan. Palagi niya akong ipinagtatanggol at pinaaalalahanan na huwag susuko.
Dahil sa hilig ko sa pagpapakwento sa buhay ng aking mga katrabaho, nadagdagan pa ang aking mga kaibigan. Isa na rito ang isang Burmese na inakala kong Taiwanese dahil sa kanyang bihasang pagsasalita ng wika dito. Ipinanganak siya sa Myanmar at napilitan ang kanyang pamilya na lumipat sa Taiwan dahil sa giyera. Dalawampu’t dalawang taong gulang na siya noon. Kinailangan niyang mag-aral, magsalita at magsulat ng Chinese para makahanap ng trabaho. Marunong din siyang magsalita ng kaunting Ingles kaya’t madalas niya akong turuan mag-Chinese. Natutuwa ako dahil habang tumatagal ay mas nagkakaintindihan kami.
Lahat ng kabutihang ipinapakita sa akin, ikinukwento ko sa aking pamilya tuwing makakausap ko sila sa Skype. Dito ko ikinukubli ang kalungkutang nararamdaman ko sa pangungulila sa kanila gabi-gabi. Ayokong maramdaman nila na nahihirapan pa rin ang puso ko sa malayo sa aking bayan.
Sa tuwing lumalabas ako kapag day-off, tumutuklas ako ng mga lugar na pwedeng puntahan. Nakakatuwa kasing maglibot at mamasyal sa Taiwan dahil bawat lingon ko ay may nakikita akong Pilipino at mga kainang naghahain ng putaheng Pinoy. Natutunan ko rin ang pagsakay sa kanilang libreng pink bus at sa tuwing may gusto akong puntahan, inaabangan ko lang ito para makatipid. Mura at mabilis rin ang biyahe sa train. Minsan hinihiling ko na may ganito ring kakomportableng transportasyon sa Pilipinas.
Paborito kong hintuan ang isang magandang Buddhist Temple malapit sa aming dormitoryo. Pinaka maganda itong puntahan bago sumikat ang araw dahil tahimik at makapigil hininga ang mga tanawin bukod sa malayo sa ingay ng factory. Sa tuwing pakiramdam kong hindi ko na kakayanin ang kalungkutan, doon ako nagdarasal at nag-iisip isip. Iniisip ko ang libu-libong Pilipino na matagal nang pabalik-balik sa Taiwan at sa iba pang parte ng mundo upang makapagtrabaho. Bawat isa sa kanila may anak, asawa, magulang at mga kapatid ring tinitiis na hindi makasama dahil mas mahalaga ang makaipon muna ng sapat na pera para sa pangmatagalang pagkukunan ng pangkabuhayan. Kung kaya nila, dapat kayanin ko rin.
Iniisip ko rin ang mga ibang lahi na nangingibang bansa hindi dahil mahirap sila kundi dahil itinulak sila ng mga hindi magagandang pangyayari kagaya ng giyera. Mas maswerte pa rin ako dahil may bansa pa akong uuwian. Samantalang sila, kinailangang baguhin ang buong buhay nila para lang mabuhay ng maayos at disente.
Dumaan ang mga araw at naranasan ko rin kung paano magdiwang ng mahahalagang okasyon ang mga Pilipino dito sa Taiwan. Sumapit ang Pasko kung kailan masarap sanang makapiling ang pamilya sa Pilipinas. Pero kailangan ko muna itong ipagdiwang kasama ang bago kong pamilyang natagpuan sa Taiwan, ang aking mga ka-trabaho. Nagkantahan at nagsayawan kami sa dorm upang libangin ang aming mga sarili at mapigilan ang kalungkutan. Nakatanggap rin ako ng mga tsokolate galing sa mga Taiwanese sa pagpasok ko sa trabaho. Alam nila na espesyal ang okasyon na iyon para sa mga Pilipino.
Isa naman sa mga pinaka kinagiliwan kong okasyon dito ay ang pagdiriwang ng Chinese New Year. Bukod sa marami akong natanggap na regalo ay naimbitahan pa akong kumain at lumibot sa labas ng aking mga Taiwanese na ka-trabaho. Isinama nila ang kanilang mga maliliit na anak na ikinatuwa ko naman dahil sadyang mahilig ako sa mga bata.
May kaunting kurot din ito sa puso ko dahil hindi ko pa nasisilayan ang una kong pamangkin na kapapanganak pa lang sa Pilipinas. Masarap magkaroon ng kaibigang tulad nila. Hindi man kami lubusang nagkakaintindihan ng lenggwahe, nagkakaintindihan naman na ang aming mga puso at damdamin at iyon ang mas mahalaga.
Sa ilang taon na rin na magkakasama ang mga Taiwanese, Pilipino, Vietnamese at Indonesian sa trabaho, natuklasan ko na nakabuo na kami ng samahan na pinagbuklod ng iisang hangarin na mabigyan ng magandang buhay ang aming mga pamilya. Isang pagkakaibigan ito na nabuo upang maibsan ang pangungulila sa aming mga minamahal na naiwan sa iba’t ibang parte ng mundo.
Malaki na nga ang ipinagbago ng pananaw ko mula nung unang beses kong nakarating at nagtrabaho rito. Kung dati ay puno lang ako ng takot at kalungkutan dahil sa problema sa trabaho, ngayon nakatuon na ang isip ko sa mga bagong pamilya na natagpuan ko. Nagkaroon ako ng “Kuya” at “Mommy” na palaging nandiyan upang palakasin ang loob ko.
Sa tingin ko, hindi lang para sa magandang buhay ang dahilan kung bakit ako nangibang bansa. Maraming bagay ang hindi ko matututunan kung hindi ako nakipagsapalaran sa Taiwan. Dito ko natutunan kung gaano kahalaga ang oras: ang pag-gising ng maaga at pagkilos ng mabilis dahil kung hindi ako kikilos mapag-iiwanan ako sa trabaho. Sa isang araw kong day-off, nagagawa ko na ring magbasa ng mga libro dahil gusto ko pa ring napagyayaman ang kaalaman ko kahit lagi akong abala sa trabaho. Natutunan kong mag-pokus sa mga bagay na mas mahalaga dahil iyon naman ang ipinunta ko rito. Balang araw, pangarap ko ring mag-apply para makapag-aral dito dahil maganda ang kanilang sistema ng edukasyon lalo na sa research. Pero sa ngayon, kailangan ko munang aralin ang kanilang salita.
Ang pinaka mahalagang aral na natututunan ko sa lahat ay ang hindi pagsuko nang basta-basta sa hirap ng buhay sa ibang bansa. Kung hinayaan kong malunod ako sa kalungkutan, hindi ko sana mararanasan ang mga magagandang bagay sa paninirahan rito. Hindi ko rin sana makukuha ang tiwala at kompiyansa ng aking lider. Hindi ako magkakaroon ng mga bagong kaibigan at makakapunta sa mga magagandang lugar.
Gusto kong maging hinog sa karanasan sa buhay dito upang maibahagi ko rin ang aking kaalaman sa aking mga kababayan sa Pilipinas. Babalikan ko rin ang pagsusulat. At sa pagkakataong ito, sarili ko namang kwento ang isusulat ko. Ang mga karanasan ko ay pinagyaman na ng iba’t ibang kulturang natutunan ko.
Ang puso ko ay pinagtibay na ng hangaring matupad ang aking mga pangarap at mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya. Kung hindi ako umalis ng aking bansa, hindi ko matutuklasan na dito sa Taiwan, marami rin akong kapatid na Pilipino na dito na nakahanap ng pag-ibig at bumuo ng sariling pamilya. Na pwede pala na magkaibigan ang dalawang lahi magkaiba man ang kanilang kulturang kinagisnan.
Malayo pa ang biyaheng tatahakin ko rito ngunit kampante na ang puso ko sa pangalawang tahanang nahanap ko sa bansang ito. Lahat ng pangarap ko ay matutupad kahit paunti-unti at mabagal lang. Wala naman ng mas sasarap pa sa katas ng iyong pinaghirapan matagal man ang kailangang hintayin.
Hindi man ako nakakuha ng propesyonal na trabaho rito, naging saludo naman ako sa lahat ng mga ordinaryong manggagawa dito sa Taiwan. Hindi biro ang aming trabaho. Balewala ang talino kung hindi ito sasamahan ng tiyaga at pasensya.
At sa tuwing nalulungkot ako, iniisip ko na bawat araw na lumilipas ay isang araw na palapit nang palapit sa oras na makikita ko nang muli ang ngiti ng aking ina at mahahagkan ang aking pamilya.
“Lolo, nakarating na ako sa dulo ng bukid. Hindi ko ito nilakad kagaya ng pinag-usapan natin. Natuklasan ko kasi na kaya ko pa lang lumipad. Salamat sa’yo na unang nagturo sa akin na kaya kong gawin ang lahat ng kaya kong isipin. Natuklasan ko rin na sa dulo ng bukid ay may panibagong mundo pang naghihintay. Na sa bawat katapusan ay may panibagong simula.”
Adjudicator: 黃琦妮
Sa Dulo ng Bukid is a story of a brave woman. Like how she narrated her story, she was fearless in expressing what had been before she came in Taiwan and has been as she continue her sojourn. This courage is one value that greatly influenced her as a stranger in a new world that is full of challenges, called Taiwan.
〈農田彼端〉評審評語
曾文珍:這篇文章在情感上比較細膩,從天氣和肌膚上的感受來體驗這個國家,在故事的層次上有一些生活細節和未來願景都有陳述清楚。
朱天心:作者很聰明地透過巧克力來貫穿整篇文章的記憶和情感,非常細緻和逆來順受的把他所經歷的事情不厭其煩地寫出來。
李美賢:文學性蠻強的,也會打動我。
青少年評審 感言
黃惠美:我覺得他用平凡的文字,寫出不平凡的故事,敘述的手法很不錯,又動人。
呂曉倩:它算是平鋪直敘裡面,結構比較完整,它又借用一些東西帶到裡面,滿有意思的,有文學性,且標題好多了。