2015/4/25 / lady lou dela vega / factory worker / Pilipinas 菲律賓 / wala
Bakit nga ba nauso ang pangingibang bayan? Bakit iniiwan ang sariling bansa, ang pamilya para magtrabaho sa ibang lugar? Tinitiis na malayo sa mga mahal sa buhay. Sa sarili kong karanasan nagawa kong magsakripisyo at pumunta dito sa bansang Taiwan dahil sa kahirapan ng buhay at kawalan ng trabaho sa bansang Pilipinas. Sa katulad kong single parent kailangan kong kumita ng malaking halaga para pantustos sa mga pangangailangan ng aking mga anak. Napakahirap para sa isang ina na iwan ang kaniyang mga anak lalo na sa sitwasyon ko na may diperensya pa ang aking bunso. Pero kapag nanay ka lahat ng sakripisyo at pagtitiis ay gagawin mo para sa ikabubuti ng iyong mga anak. Lahat ng lungkot at pangungulila ay mapapawi kapag inisip mo na ginagawa mo ito para sa kanila.
Dito sa bansang Taiwan iba ang kultura kumpara sa bansang aking pinanggalingan. Dahil sa ako ay dayuhan ay kailangan kong bigyan ng halaga at respeto ang mga paniniwala nila. Natuto akong makipagkaibigan sa mga taiwanese para mapag-aralan ko rin ang kanilang mga kaugalian. Dahil dito ay magiging maayos ang aming trabaho kung nagkakaintindihan kaming dalawa. Napakahalaga para sa isang kumpanya na nagkakaintindihan at nagkakasundo ang mga manggagawa para sa kaayusan ng takbo ng gawain.
Mahirap sa una dahil wala pa akong alam. Hindi ko maintindihan ang kanilang lenggwahe at wala akong karanasan sa ganitong uri ng trabaho. Pero andun yung determinasyon ko na matuto kaya ginawa ko lahat ng aking magagawa para mapagbuti ko aking trabaho. Tinatandaan ko at sinusulat ang bawat sabihin nila, pinag-aaralan at isinasaulo ko ang bawat ituro nila sa akin. At sa araw araw na nagdaan ay unti unti akong natuto hanggang sa maging gamay ko na ang trabaho. Mahalaga rin ang pakikisama sa mga katrabaho para sa maganda at maayos na takbo ng gawain. Sa aming kumpanya ay may iba ibang lahi, ang bawat lahi ay may kanya kanyang katangian at kakayanan. Isang kahalagahan ng katulad kong dayuhang manggagawa ay ang katangian at kakayanan dahil may kanya kanya tayong kaalaman na kinakailangan para sa ikagaganda at ikauunlad ng ating kumpanyang pinapasukan.
Sa pagtatrabaho ko dito ay natustusan ko ang pangangailangan ng aking mga anak at natutulungan ko ang aking mga magulang, kapatid at ibang kamag anak. Nakakilala ako ng mga bagong kaibigan at nakakasalamuha ko ang ibat ibang lahi. Lumawak ang aking kaalaman at nagkaroon ng saysay ang aking buhay. Dito sa bansang Taiwan nagkaroon ako ng pag asa at nakakita ako ng liwanag sa madilim at masalimuot kong buhay. Nagkaroon ng direksyon ang aking buhay na lubos kong ipinagpapasalamat. Kaya bilang ganti ay minamahal ko ang aking trabaho kahit gaanong pagod at puyat ay aking kinakaya. Ginagawa ko ng maayos ang aking trabaho may bantay man o wala dahil itong trabahong ito at itong kumpanyang ito ang nagbibigay sa akin at sa aking pamilya ng kabuhayan.
Sa aking mga kapwa dayuhang manggagawa mayroon tayong iisang hangarin. Ang layunin na maitaguyod at mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating pamilya. Maraming tukso sa paligid andyan ang masamang impluwensya ng barkada, andyan ang bisyo at andyan din ang pornograpiya. Umiwas tayo sa mga ganitong temptasyon bagkus ay manaig sa atin ang ating layunin. Marami sa atin na nakaranas ng ganitong mga bagay na naging dahilan ng pagkawasak ng kanilang pamilya. Mayroon ding hindi natatapos ang kanilang kotrata dahil sa nabubuntis. Huwag tayong magpatalo sa tawag ng laman na nagiging dahilan ng ating ikapapahamak. Upang makaiwas sa lahat ng ito lagi tayong magdasal at humingi palagi ng gabay at proteksyon. Sapagkat sa lahat ng bagay dasal ang pinakamabisang sandata. Nang sagayon ay mamuhay tayo dito sa Taiwan sa katuwiran at hindi sa kasalanan at kasamaan.