Unang Lipad ng Pangarap



2014-05-17 / Marilyn E. Yere / Unang Lipad ng Pangarap / Tagalog / wala


Ano kaya ang pakiramdam ng nasa himpapawid?
Sana makasakay ako sa eroplano balang araw...
nasabi ko sa sarili ko habang ako'y nakatitig sa eroplano hanggang sa ito'y lamunin ng mga ulap.
Alam ko na ang lahat ng nakasakay doon ay magtrabaho, kung di man ay mamasyal o manirahan sa ibang bansa, at yun ang aking munting pangarap.
Naniniwala ako na kapag may pangarap, may mararating...
Basta may pananalig sa Diyos...

Mabait ang Poong Maykapal at kanya namang tinupad ang aking pinapangarap..
Sa wakas! Akin ng maabot ang ulap na noo'y hanggang tanaw lamang.
At dito nga nag umpisa ang aking paglalakbay, dala ko ang pag asa na sana ay makamit ko ang mga bagay na aking inaasam, para sa akin at sa aking pamilya...

At hindi nagtagal ay lumapag na ang eroplano- TAIPEI, TAIWAN, at puno ang galak sa aking puso na kapiling ko na ang aking pangarap-ang maging OFW.
Bitbit ko ang sandata na pagiging matatag, mapagpakumbaba, mapagpatawad, maunawin at pagiging magiliw o palakaibigan. Ilan lang ito sa mga katangian bilang pilipino ang taglay ko para ako ay magtagumpay sa bansang aking pupuntahan.

Noong una akala ko ay hindi ako makakatagal, bukod sa hindi magkaintindihan sa salita, ay ganon din sa sulat.
Subalit dahil matalino at maparaan ang pilipino kayang kaya pa rin nating intindihin at pag aralan ang isa sa mga pinakamahirap na salita sa mundo, at yun ay ang kanilang wika-Mandarin Chinese.
At sa kalaunan ako ay natuto din. Yan tayo, basta Pilipino ay matalino at kaya nating makipagsabayan kahit kanino saan mang banda ng mundo.

Magkaibang lahi, magkaibang ugali, ganoon din ang paniniwala, ngunit iisa lang ang mithi; ang mabuhay ng maayos at masaya.
Bagama't magkaiba man, hindi maipagkakaila na sila din ay may natatanging pagmamahal at pag aaruga sa hindi nila kalahi.

At sa aking pagbalik sa aking lupang sinilangan
Tataglayin ko ang mga magagandang bagay at pag uugali na aking natutunan Dito sa lupang banyaga
Aking napansin at napagtanto na maunlad ang bansang ito sapagkat sila ay may magandang prinsipyo
Lahat ng mga mamamayan ay sumusunod sa alituntunin.
Ito'y aking dalhin sa pag uwi
At aking isakatuparan
Dahil ang kaunlaran ng bayan ay nag uumpisa sa mga mamamayan sa bawat tahanan.

At sa patuloy na daloy ng aking paglalakbay, at kahit saan man ako dalhin ng tadhana ay nagiging bahagi na sa pahina ng aking buhay ang kultura ng Taiwan at ituturing kong ito'y isang mayaman ng karanasan.