“Buhay OFW, Mahirap na Masarap”



2014-05-18 / Emma Katherine A. Aguilar / “Buhay OFW, Mahirap na Masarap” / Tagalog / wala


       “Walang makapagsasabi kung ilang milya ang maabot mong takbuhin habang binibigyang katuparan ang iyong mga mithiin”.

“ Huwag na huwag mo Siyang kalimutan kapag nandoon ka na anak ha. Huwag mong pabayaan ang sarili mo. Nag iisa ka lng doon. Magpakatatag ka. Anak,ito lang ang tanging mapabaon ko sayo. Pakaingatan mo ‘yan at huwag mong ihiwalay sayo. Ibulsa mo palagi”. Ani inay sabay lagay ng isang rosaryo sa aking bulsa at niyakap ako nang mahigpit.
“Opo inay, huwag kayong mag alala, kaya ko to. Paki tingin tingin na lang po ako lagi sa mga apo niyo nay. Mag ingat din po kayo dito nay ha. Kayo ni tatay”.yumakap ako sa aking ina. Pinigilan kong mapabulalas ng iyak. Tiningala ko ang aking asawa na walang imik sa aking likuran.
“Tara na”. Inakay ko siya papunta sa sasakyan naming maghahatid sa akin sa paliparan.
“Mag ingat ka doon ha. Kung may trabaho sana ako, hindi mo na kailangang umalis. Ako ang dapat nagtatrabaho para sa ating pamilya. Alam ko mahirap ito para sayo-”
”Ikaw ba hindi nahihirapan? Lalo na ang mga anak natin? Pero sa una lang yan. Kailangan lang natin ng tiwala at pag iintindihan habang tayo’y magkahiwalay. Ako ang may opurtunidad sa ngayon. Hindi naman pang habambuhay na ganito tayo di ba? Huwag mong pabayaan ang mg bata ha. Kaya natin to. Ito na ang simula nang ating pangarap.”ngumiti ako at hinalikan ang aking asawa. Halik at yakap nang pamamaalam. Pansamantala.
Alam ko ang pangamba nang aking asawa. Nangangamba siyang katulad nang ibang ofw, nasisira ang pamilya. Dahil sa tukso. Kapag marupok ka, kapag nagpatukso ka, masisira at masisira ang pamilyang siyang dahilan kung bakit ka nakipagsapalaran. Naalala ko ang sinabi ng pinsan ko. “Mag-ingat ka doon ha, maraming tukso doon.” Hindi lang pala tukso na makasira nang pamilya, tukso din na mauuwi sa wala ang pinaghirapan. Hindi tukso lang ng laman, kundi meron ding tukso nang salapi. Nang pautang. Tukso nang “bili ako niyon, a t bili ako niyan”. Paano pa ang naiwan mo? Ang mga umaasa sayo? Iyan talaga ang buhay nang tao, konting ginhawa lang, parang my karapatan nang mag abuso.
Nang umangat na ang kinalululan kong eroplano ay di ko nagawang lumingon sa bintana. Pumikit ako at humingi ng lakas ng loob sa Kanya. Ito na ba? Ito na ba ang kapalit ng lahat ng hirap na naranasan ko? Ipinangako kong hindi ako iiyak. Bumalik sa balintataw ko ang mukha ng mga anak ko nang mgpaalam ako. Ang umiiyak kong panganay habang tinatawag ako. Ang nakatingin lang sa akin na bunso ko. Masakit. Parang sasabog ang dibdib ko. Mabigat pala sa dibdib ang ganoong eksena. Mahirap palang magpaalam ang isang ina sa mga anak. Kahit pansamantala lang. Parang nakikita ko ang sarili ko sa isang eksena sa telebisyon, parang ako si Pokwang sa “The Mothers Story”.
Mahirap ang buhay. Mahirap maging mahirap. At minsan may mga tao pang kaligayahang bantayan ang buhay mo. Kutyain ang kadukhaan mo. Bilog ang mundo, at hindi ito tumitigil sa pag ikot. Hindi natin masasabi kong ano ang permamente sa buhay ng tao.
Noong una, para akong nangangapa sa dilim. Estranghero ang lahat sa akin. Lugar, mga tao, tradisyon at higit sa lahat ang pananalita. Parang gusto kong umurong. Pero sinabi ko sa sarili ko, kung kinaya nang iba,bakit ako hindi. Kailangan ko lang matuto. Sa tulong ng aking mababait na amo na hindi ako itinuring na iba naging palagay ang loob ko. Mabilis na lumipas ang mga araw at ang mga araw ay naging buwan.
At pitong buwan na ang lumipas. Pitong buwan na rin akong nangungulila sa aking mag ama. Pero sa tulong ngayon ng makabagong teknolohiya naging madali ang lahat. Kung noon ilang oras lang ang tatlong daan na load ng kard makatawag lang at makausap ang mga anak ko. Ngayon, nakakausap ko na sila nang mgkaharap. Nakikita pero hindi mahawakan. Napangiti ako at namintana ang mga luha sa aking mga mata. Naalala ko noong unang beses akong ng “skype” sa aking mag ama. Hindi ako makapagsalita. Pagkatapos naming magkamustahan ng aking asawa ay nawala lahat ng sasabihin ko. Hindi ko na nasabi kung gaano ka ganda at kalinis ang Taiwan nong minsang mamasyal kami ng mga kaibigan ko. Miss na miss ko pala sila. Parang ang sarap pumalahaw ng iyak pero pinigilan kong umiyak dahil pinagsabihan na ako ng asawa kong huwag umiyak kapag kaharap ko na ang mga bata. Tumingala ako, parang mahuhulog na kasi ang butil ng luha na sumungaw sa mga mata ko. Nang tumingin ako sa iskren kaharap ko na ang panganay ko. Kinamusta ko siya pero hindi siya tumugon. Ito na ba ang pinangangambahan ko? Lumalayo na ba ang loob sa akin ng mga anak ko? Sinabi ko kung ga anu ko siya na miss pero titig na titig lang siya sa akin habang kagat kagat ang labi niya. Ngumit ako sa kanya at yumuko. Hindi ko na mapigilan ang pagpatak ng luha ko. Masakit na ang lalamunan ko sa pagpigil umiyak. Nang magtaas ako ng tingin, nakayuko na siya at tinatakpan ang mukha. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko. Naaawa ako sa mga anak ko. Wala ako sa tabi nila. Kinuha siya ng tatay niya at kinarga pero bumalikwas siya at tumakbo palabas habang umiiyak. Sabi ng asawa ko hayaan ko nalang muna at nanibago lang. Nang ang bunso ko na ang humarap sa akin, pinakatitigan niya ako. Parang naguguluhan kung bakit kaharap niya ako pero hindi niya ako mahwakan at nasa loob ako ng selpon. Sabi ng asawa ko, ilang beses na niyang naabutan ang bunso namin na hawak hawak ang larawan ko. Iyong unang beses daw umiiyak pa habang tumatawag ng “nay”. Bumalong ang luha ko. Mahirap talaga ang ganitong sitwasyon. Sa edad na limang taon, kahit papano‘y naintindihan ako ng aking panganay ng kausapin ko siya kung bakit kailangan kong umalis muna. Pero ang bunso ko, sa edad na dalawa, maiintindihan kaya niya kung bakit kailangang umalis ng nanay niya?
Lumipas ang mga araw, nakasanayan na rin ng mga anak ko na sa “skype” lang kami nagkikita kita. Parang naging ate na talaga ang panganay ko sa kapatid niya. Hindi maiiwasang mag away sila, pero marunong na siyang magparaya. Ang pangako ko noon na personal na pagsubaybay ko sa kanila habang sila ay lumalaki ay mahigpit ko nang ipinagbilin sa asawa ko. Wala man ako pisikal sa tabi nila, lagi kong ipinagdarasal na maramdaman pa rin nila ang pagmamahal at pag alaga ko sa kanila.
Kapag ina ka pala, wala ka nang panahong isipin ang sarili mo. Masaya ka nang sa bawat pag-uusap niyo parang magkaharap lang kayo. Naglalambing, nag aagawan ng atensyon mo at kapag mgpapa alam ka na hindi nila nakakalimutang sabihin ang “i love you nanay, mag ingat ka diyan at miss kna namin”. Nakakatawa, dahil kahit bulol pa magsalita ang bunso ay nakikipag sabayan din sa ate niya.
Mahirap na masarap.Mahirap dahil malayo ka sa kanila, pero masarap dahil sila ang dahilan kung bakit patuloy kang matatag at nananalig sa taas. At higit sa lahat, patuloy kang bumubuo ng pangarap.
Naputol ang pagmumuni muni ko ng tumunog ang “door chime”.
“ Mie mie lay”. Tinatawag ako ni ahma, ang may ari ng tindahan sa tapat ng bahay.
“Chao ahma, ni hao! Wa so mo ahma?”
“gi nie”. Sabay abot ng nakasupot na tinapay.
“oh, xie xie nie ahma”.
“mei wen tie., nie chi”.
Ang simpleng pagtango at pag ngiti ng mga taong noon ay estranghero sa akin, ngayon ay nakapalagayang loob ko na. Ang banyagang bansang ito kung saan dinala ako ng Maykapal para sa panimula ng aking simpleng pangarap, naging panagalawang tahanan ko na at napamahal na sa akin. Kapag may determinasyon ang isang tao, anu man ang pagsubok na pagdaanan mo, malalampasan mo din ito. Sa tulong at gabay Niya hindi ka maliligaw ng landas. Hindi hadlang kung magkaiba man ang paniniwala mo sa bansang pinagsapalaran mo, ang kailangan lang, marunong kang makibagay at rumespeto. Ito ang buhay ofw. Mahirap pero masarap. Mahirap mangulila pero masarap kapag ang lahat ng pangarap ay unti unting naisakatuparan na.