PE in ChipMos Technology (Chupei City)



2014-05-16 / Barwin Dophet Labita / PE in ChipMos Technology (Chupei City) / Tagalog / Sacred Heart of Jesus Chupei Parish (Chupei City)


                     BILOG, TATSULOK AT PARISUKAT
(“Isang Buhay, Maraming Pangarap”)
sa panulat ni Barwin Dophet


Sabi nila "Life is a journey, life is a quest." pero sa akin "Life is so much obstacles". Masalimuot ang mundong ating ginagalawan. Hindi mo alam kung saan tayo tutungo at hahakbang papunta kung saan. Isang buhay na punong-puno ng pangarap. Isang adhikain na kailangan mong linangin. At sa mundong ginagalawan ng bawat isa sa atin ay may mga hugis, pangyayari na hindi natin maiiwasan at makakalimutan. Pilit man nating iwaksi at kalimutan ang nakaraan ay lumilikha pa rin ito ng pilat o marka sa ating pagkatao.

Minsan isang panahon ay bigla na lang tayong magpapaimbulog sa karakter na hindi natin ginusto at kusang dumarating. Katulad ng isang drama sa teatro o maging sa mga teleserye at pelikula na pinapanood natin sa araw-araw, hindi natin napapansin tayo na pala ang gumaganap sa istorya ng buhay.Sa isang iglap, ako na pala ang bida sa samu't saring kwentong ito.

Ito ang kuwento ko.......
Napilitan ang aking ama na pumunta sa ibang bansa dahil nalugi ang coco-lumber na negosyo namin sa probinsya. Lumaki akong wala din ang aking ama sa aking tabi. Mahirap lumaking wala ang haligi ng tahanan. Noong una lagi ko siyang hinahanap pero nakasanayan ko na rin na wala sya sa amin.Sabi ko na lang para sa aming lahat ito at para sa kinabukasan ng aming pamilya.Lahat naman ng ginusto namin ay naiibigay ng aking ama. Itinuon ko sa pag-aaral ang lahat ng lungkot at pangungulila sa aking ama.Hindi ko rin naisipang magrebelde kagaya ng ibang mga anak ng OFW.Mabuti na lang andyan din aking ina na nag-aruga,gumabay at nagsilbing ilaw ng aming tahanan.Nakagraduate ako ng highschool na may honor at Model Student of the Year. Hanggang sa makatapos ako ng kolehiyo ay bigla ko na lang naramdaman ang pangungulila sa aking ama. Kaya sabi ko noon sa sarili ko, pag nagkapamilya ako hinding-hindi ako mag-abroad.

Pero ngayon OFW na rin ako...
Ano nga bang naghihintay sa akin sa bansang aking pupuntahan?
Ang bansang di man lang sumagi sa utak ko na makakarating ako dito...ang bansang TAIWAN. Na-aalala ko pa ng sabihin sa akin ng aking ina..."Anak mag-iingat ka doon... Huwag kang makakalimot na magdasal. 'Yan lamang ang magigi mong kasangga doon.Nawa'y magtagumpay ka." Hindi ko mapigilang ikubli ang aking kalungkutan. Tumango lang ako at sabay yakap sa aking ina. At sa pagtalikod kong iyon bigla na lang pumatak ang luha sa aking pisngi. Marahil ganito rin ang naramdaman ng aking ama ng pumunta sya ng Saudi.Maraming sumasagi sa aking utak noon. Dapat ba talaga akong umalis at iwan ang pamilya ko at ang bayan kong nililiyag? Paano kung di ako swertehen? Paano kung kagaya pala ako ng ibang mga OFW na walang nangyari? Paano ang mag-isa sa lupang hindi mo tinubuan? Nakatulog na pala ako na parang may namuong luha sa aking mata.Di ko namalayan na dalawang oras na pala ang nakakaraan at nandito na ako sa bansang Taiwan.

Narinig ko na kaagad ang sabi ng stewardess Welcome to Taiwan....Hindi ko maipaliwang aking nararamdaman, pakiramdam ko ay nanginiginig ang aking mga tuhod at kalamnan.Unang tapak ko sa bansang Taiwan ay naramdaman ko na ang pagpasok ng lamig dahil buwan ng Oktubre noon ng dumating ako dito.At kinabukasan din ang araw ng aking kaarawan. Na tuwing sasapit ay nandyan lahat ang mga barkada, pamilya at katropa ko na nagdiriwang. Pero sa araw na iyon ako yata ang pinakamalungkot dahil pakiramdam ko ay mag-isa lang ako. Sayang at hindi ko man lang naabutan ang aking kaarawan sa Pilipinas.Pagdating namin sa dormitoryong aming tutuluyan ay napapunta agad ako sa room 105.Dito nagsimula ang panibagong yugto at PARISUKAT ng aking buhay.Dito ko nakasalamuha ang iba't-ibang tao na magigi palang parte na ng aking buhay. Ang mga ka-roommates ko ang nagsilbing aking pamilya, kapatid, katropa at kasangga.Sa room 105 din nagsimula ang aming kalokohan, kulitan, tampuhan, tawanan, kwentuhan ng aming mga buhay at dito rin namin nalaman ang istorya ng bawa't isa. Dito ko sinulat ang isa sa pahina ng buhay ko.. ang istorya na hindi ko alam kung saan makakarating..ang istorya ng isang OFW na katulad ko..

Makalipas ang mga taon ay nararamdaman ko na napapamahal na sa akin ang bansang Taiwan, naka-adapt na rin ako sa sistema ng buhay.Nagpapasalamat din ako at ang napuntahan kong kumpanya ay isa sa pinakamaayos magpasahod. Maayos din ang pakikitungo ng mga kasamahan kong Pinoy at Taiwanese.Marami ang nagbago, hindi na rin ako masyadong na-ho-homesick at marami na rin akong mga kaibigan. Higit sa lahat nabili ko na rin ang pangarap kong DSLR camera.Ito ang naging BILOG ng buhay ko. Dito uminog ang mundong aking ginagalawan. Sa paglipas ng araw ay lalong pasidhi ng pasidhi ang aking pagnanasa na matutunan ang DSLR na ito. Maraming magagandang ala-ala ang camera na ito, dito ko nabuo ang “LETRATO at LENTE” at potograpiya. Higit sa lahat dala ko ang camera na ito sa bawat lugar na aking pupuntahan. Pakiramdam ko nga ay isa kong turista lamang kapag hawak ko ang camera na ito. Maraming magagandang tanawin ang bansang Taiwan na halos ay napuntahan ko na rin.Nariyan ang Taipei 101, Queens Head,Tamshui, Flower Farm, Taipei Zoo, Cable Car,Janpusan, Windows of China, Nanliao, bukod pa sa malinis na kapaligiran at maraming magagandang parke. Isa rin sa ikinakatuwa ko sa bansang ito ay walang security guard ang mga malls at dagdagan pa ang disiplinadong mga tao. Masarap ang pakiramdam ng hindi ka stress at walang masyadong pressure.Pero hindi pala nagtatapos doon ang lahat.

Malapit na akong umuwi ng Pilipinas noon. Di ko akalain na ito ang TATSULOK ng buhay ko. Ilang buwan na lang at magkakasama-sama na kami ulit ng pamilya ko.Hindi ko namalayan na napakarami na palang text messages at calls sa cellphone ko. Agad akong tumawag sa kapatid ko ngunit ipinasa nya ang telepono sa mommy ko.May sasabihin ako sa iyo otoy "huwag kang mabibigla , iniwan na tayo ng daddy mo." Bigla parang may umagos sa aking pisngi. Paano nangyari iyon? Wala namang sakit ang aking daddy. Hindi ko man lang siya nakausap noon sa telepono. Sabi ko pa nga sa kanya noon, ako naman ang gaganti sa mga pinaghirapan mo noon. Kasi alam ko na ngayon ang naramdaman mo sa Saudi. Patuloy ang pagpatak ng aking luha habang nakamasid ako sa cargo box na papasalubong ko sana sa aking ama... mga t-shirts, sapatos at chocolates pero magigi na lang itong bahagi ng nakaraan. Sa isang iglap din ay parang naglahong bula ang lahat ng aking pinaghirapan at ang aking mga pangarap. Hindi ko akalain na ganun na lamang kabilis ang lahat.Kasing bilis ng pintig ng aking puso. Ngayon nga'y ako na ang magiging tanggulan ng aking ina at kapatid.

Sa una hindi ko maunawaan kong bakit maraming gustong pumunta ng ibang bansa pero sa puntong ito nauunawaan ko na kung bakit.Naramdaman ko na rin ang pangungulila sa pamilya, lungkot, pagod, mag-isa, magkasakit at hirap.Pero higit sa lahat , ngayon nauunawaan ko na ang bawat indibibwal ay may kanya-kanyang hangarin. Hindi lamang makatulong sa pamilya at isakripisyo ang pansamantalang kaligayan.Para makilala rin natin ang ating mga sarili at hanggang saan ang mararating ng pisi ng ating tagumpay.

Kapag natapos na ulit ang aking kontrata at sa wakas ito rin ang araw na aking hinihintay. Baon ko ang karanasan, ang aking perang naipon at higit sa lahat ang matibay na pananalig sa Poong Maykapal.Sabi ko nga hindi ko ipagpapalit ang bansang Taiwan... ito ang naging pangalawa kong tahanan. Dito ko natutunan ang maraming bagay at dito rin nabuo ang kwento ko...BILOG, TATSULOK AT PARISUKAT (“Isang Buhay, Maraming Pangarap”).

Kaya sa lahat ng OFW, saludo ako. Tayo nga ang mga bagong bayani ng bagong henerasyon. Dala natin ang pangalan ng bansang ating minamahal at hawak natin ang bandila ng bansang Pilipinas.Mabuhay tayong lahat...

At para sa bansang Taiwan... salamat sa pagtanggap...hanggang sa muli...