"HUWARANG INA, DAKILANG MAMAMAYAN"
By: Cyrene Joy Sunio
SMI Taiwan
*Simula ng kami ay musmos pa lamang
Salat na sa pagmamahal at pag-aaruga ng mga magulang
Dahil sa hirap at kapos sa pangangailangan
Ina ay sa ibang bansa nakipagsapalaran...
*Ama na naiwan na kami sana ay pangalagaan
Nalulong sa bisyo at ang tungkulin ay pinapabayaan
Kaming magkakapatid ay palaging naiiwan
Sa oras ng mga problema ay pilit pinatatag ang kalooban...
*Hanggang sa kami ay magdadalaga at magbibinata na
Aming pamilya ay tuluyan nang nawasak at nasira
Dahil sa kalokohang ginawa ng aming iresponsableng ama
Inang nakipagsapalaran ang siyang naging kawawa...
*Ngunit kahit ganito ang aming naging kapalaran
Kaming apat ay kapit-bisig na lumalaban
Sa ano mang hirap, pangungulila at kabiguan
Kami'y nagkakaisa at nagtutulungan kong kinakailangan...
*Ngunit sa kabila ng hirap na aming dinanas
Kami'y naniniwala na lahat ng problema ay may lunas
Dahil ang pagmamahal ng Diyos sa atin ay wagas
Buong puso kaming nananalig na darating din ang magandang bukas...
*Kaya sa tulad kong anak ng dayuhang mamamayan
Magsikap sa pag-aaral at ang maling landas ay dapat iwasan
Laging alalahanin ang paghihirap ni inay sa pakikipagsapalaran
Upang makamit ang tagumpay na ating inaasam-asam...
*Kahit nasa malayo si ina ay laging nakatunghay sa amin
Sinisiguro na kami ay nasa bahay na, pagsapit ng dilim
Laging nakasubaybay sa aming mga gawain
Kahit pagbangon sa umaga siya ang aming tagapaggising...
*Pagdating mula sa eskuwela may kanya-kanya kaming toka
Si kuya ang tagapagluto, tagalinis si bunso at ako ang tagapaglaba
Pagkatapos ng hapunan, pag-aaral ang tinututukan
Kailangang tapusin ang homework bago lumapag ng higaan...
*Nang si kuya ay magtapos sa isang Pamantasan
Si ina ay umuwi upang tumanggap ng karangalan
Habang nagsasabit ng medalya sa anak na hinirang
Lumuluhang bumulong: salamat anak; paghihirap ko'y iyong sinuklian...
*Ng ako'y nasa tamang gulang na at magbalak makipagsapalaran
Sa tulong ng kanyang amo ako ay nakarating dito sa Taiwan
Upang magtrabaho sa kompanyang pinapamahalaan
Habang si ina ay nag-aalaga ng kanyang mga magulang...
*Sa tuwing araw ng linggo pagkagaling ng simbahan
Deretso sa SAMAHAN na aming pinaglilingkuran
Dito ko inilabas ang munti kong kaalaman
Kasama ang pangalawang pamilya at tunay na mga kaibigan...
*Ngayon ko natuklasan at higit na nauunawaan
Kung gaano kasakit kay inay ang walang katotohanang paratang
Na siya ay may ginagawang kababalaghan dito na siyang dahilan
Kung bakit ang aming ama ay nagloko at kami ay iniwan...
*Sobrang habag at awa ang aking nararamdaman
Dahil si ina ay minsan lang makakalabas sa bawat buwan
At ito'y nakatutok sa paglingkod para sa kabutihan ng samahan
Na siyang nagpapakilala ng tradisyon at kultura ng ating bayan...
*Sa aking pagbabalik ako ay may nakahandang kasagutan
Sa mga taong mapanglait na mali ang kanilang paratang
Mga medalya ng karangalan ang patunay ng nakamit na tagumpay
Kaya para sa akin, siya ay isang huwarang ina at dakilang mamamayan!...