Mga ngiti, halakhak sa buhay ay nagaganap
Lungkot at pighati at may luhang pumapatak
Lungkot at galit minsa'y dinaranas
Sa buhay na malaya, malaya sa lahat.
Malaya..... sa bawat kilos at galaw
Malaya ang damdamin kung ano ang isinisigaw
Malaya rin sa landas na nilalakaran
At malayang abutin ang pangarap na inaasam.
Sa pagiging malaya't nangibang bayan
Tinangay ang sarili sa ibayong karagatan
Mga nais sa buhay tugon sa kahirapan
Malayang pamumuhay ang ibig na masaklaw.
Ngunit ang pagsubok minsan ay dumatal
Kusang pumapalo't humahampas sa buhay
Nariyan ang takot na hindi makayanan
Lupaypay na puso at buong katauhan.
Subalit bilang malaya sa mundong umiinog
Makakaya ang lahat sa bawat oras ng pag-ikot
Karimlan ma'y naroon at minsa'y naluklok
Susuungin ang lahat liwanag lamang ay maabot.
Ang ligaw na gawain maaaring ituwid
May layang itama ang landas na makitid
Sa pangarap na nais ito'y makakamit
Kalayaan sa buhay tila'y nasa himpapawid.
Sa pagbalik sa lupang aking tinibuan
Ako'y may natutunan sa sariling kamalayan
Ang pagiging malaya ko nagdulot ng karanasan
Karanasan sa buhay sa guhit ng kapalaran.
Malaya....malaya tayo sa mundong ibabaw
Malaya nating harapin ang tadhana ng Maykapal
Kung mayrong kadiliman, may liwanag na naghihintay
Malaya lamang tanggapin ang palad ng iyong buhay.