tula

2014-05-04 / oreo / tula / Pilipinas 菲律賓 / wala

               P A G B A B A G O

Ika'y nangarap, buhay mo'y nais baguhin
Ika'y nangarap, napadpad sa ibang bansa
Ika'y nangarap, lumayo at pilit nagsumikap
Dahil sa ikaw ay gusto ng pagbabago
Pagsasakripisyo't lahat iyong ginawa.

Mga mahal sa buhay iyong iniwan
Nakasanayang bayan iyong nilisan
Buhay na susuungin ay di alintana
Kabang nararamdama'y di hadlang
Bagkus nagbaon pa ng tatag ng loob.

Sa unang tapak sa lupang banyaga
Napakalungkot, pangungulila'y napakatindi
Subalit sa matuling paglipas ng panahon
Banyagang lupa, banyagang kultura'y
Unti unti mo ng nakakasanayan.

Oo, ang pag-usad ng panaho'y napakabilis
Simbilis ng pagbabagong di mo inaasahan
Sa bawat araw, buwan at taong lumilipas
Ikaw ay naaaliw, ikaw ay natutukso
Sa mga kagamitang luho, katawang luho.

Di mo inaasahan, buhay banyaga'y ganito pala
Kalungkuta'y napapawi gamit ang bagong gadyet
Saliw ng mabilis na tugtog nagdudulot ng saya
Sa bawat hitit buga ng sigarilyo at epekto ng alak
Di mo inaasahan, iyong nagawa bagay na di dapat.

Ikaw? Tama ba ang landas na iyong tinatahak?
Ah, ikaw ay napakasaya, araw ay halos hilahin
Di matapos tapos pagbili ng mga pasalubong
Sa wakas, pangungulila't pananabik matutugunan
Pagod at pagal mong katawa'y maipapahinga.

Ako? Maraming nagbago, pangarap ko'y nagbago
Ang dati'y tatlumpong minutong pagtawag sa pamilya
Ngayo'y naging limang minuto, laging nagmamadali
Bawat sentimong kinikita'y may kinalalaanan
Subalit kasimbilis ng usad ng panahon, ito'y nagbago.

Ako? Dati'y sabik na muling sumakay ng eroplano
Ngayo'y nais dugtungan araw ng pagtatrabaho
Katawa'y nais pang pagurin, pawis ay di sapat
Pananabik sa pamilya'y natabunan ng pag-aalala
Perang iuuwi'y di sapat, maraming nasayang.

Subalit hindi pa huli ang lahat
Ikaw, ako..napakarami pang pagkakataon
Maling landas na tinahak muling ituwid
Pangarap na ninanais, pilit nating abutin
Katas ng pawis pagyamanin, sarili'y ating mahalin!