2014-05-05 / Jean Mantes / Apat na Sulok / Pilipinas 菲律賓 / Wala
Ang pangingibang bansa ang huling paraan ng halos karamihan sa atin upang mgkaroon ng magandang buhay at para sa katuparan ng mga pinapangarap. Ito nga lang ba ang nagagawa nito sa buhay ng kagaya kong manggagawa sa ibayong dagat? Ang kaginhawaan sa buhay?
Sa totoo lang mas gugustuhin kong makarating sa ibang bansa nang dahil sa pamamasyal at hindi para doon magtrabaho. Alam kong mahirap mangyari yon at hindi mangyayari kung wala akong gagawin. Kontento na ako noon na makatanggap ng mga gamit at matikman ang tsokolate na gawa ng mga dayuhan. Mas nagiging masaya ako kung magkakaroon ng dolyar na itatago sa aking pitaka. Yan lang ang kaligayahan ko nung musmos pa ang aking kaisipan.
Sa dami ng umaalis sa Pilipinas para maghanap-buhay at makipagsapalaran sa ibang bansa...naisip ko,ano ang mayroon doon? Bakit halos karamihan nahahalina sa mga bansang yon? Bakit ang iba mas pinipiling manatili nalang sa bansang kinagisnan pagkatapos ng ilang taon lang ng pananatili sa bansang dayuhang pinanggalingan? Bakit ang iba sinasabing mahirap ang buhay sa ibang bansa pero bumabalik pa rin,swertehan nga ba talaga ang pakikipagsapalaran? Ano nga ba ang buhay sa kabilang “mundo” na yon? Dala na rin ng mga pangarap ko at kuryosidad kaya napadpad ako dito sa bansang malapit lang sa akibg sinilangan. May mga katanungan kasi na hindi mo malalaman ang tunay na sagot kung hindi ikaw mismo ang hahanap ng kasagutan,hanggat hindi ikaw mismo ang nakakaranas.
Malapit ng matapos ang aking kontrata at ni minsan hindi ko pa naranasan ang lumabas at makalabas kasama ng mga kaibigan at kakilala. Tanging mga amo ko lang ang nakakasama ko sa pamamasyal. Nakakulong ako sa apat na sulok ng bahay,sa apat na sulok ng aking kwarto ako laging nakatambay. Ito na ang nagsilbing pasyalan ko at simbahan,para sa akin ito na ang pinakamagandang lugar na napuntahan ko kasi malaya akong gawin kung ano ang gusto ko. Ito na rin ang nagsilbing matalik kong kaibigan,sa tuwing may mga problemang dumarating...tanging ito lang ang nakakasama ko,dito ko naibubuhos ang totoong nararamdaman ko katuwang ng bolpen at papel na naging sandigan ko sa kalungkutan.
Pero alam mo ba sa apat na sulok na ito nakita ko ang SARILI ko,SAKRIPISYO,PAMILYA at sumusungaw na TAGUMPAY,yan ang bumubuo sa APAT na SULOK. Mas naging matatag AKO sa hamon ng kapalaran, mas lumawak ang pakahulugan ko sa buhay at mas naintindihan ko ang kapasidad ko bilang tao. Sa bawat SAKRIPISYOng naranasan ko sa pamamalagi ko dito,sa bawat pangungulila na naramdaman ko at sa bawat sakit na sumubok sa katawan ko,balewala lahat yon dahil kapalit ng mga yan ang mas naayos na buhay at lagay ng PAMILYA ko,sila ang rason kung bakit pursigido ako. Dahil darating ang panahon ang TAGUMPAY na unti-unti kong nakikita ay makakamit ko na kasama sila.
Kabayan, makakapal na kalyo man sa mga kamay at paa,maraming resibo man ng pagpapadala ng kinita mo ang naipon mo idagdag pa ang pondong puyat, pagod at naglitawang mga ugat ang kapalit ng lahat, wag mo ng intindihin ang mga yan. Pasalamat ka, hindi man natin maibigay ang bawat hiling nila, hindi man nila maintindihan ang buhay na dinaranas natin sa paglayo natin sa kanila, ang importante hindi tayo nagkukulang na masuportahan ang pangunahing pangangailangan nila. Matinding lungkot man at hirap ang dinaranas natin sa dayuhang bayan kapalit naman nyan yong pag-asang nakikita nilang makakaraos sa buhay na iniwan natin sa kanila.
Lahat tayo naniniwala sa ganito...LIBRE LANG ANG MANGARAP KAYA KUNG MANGANGARAP KA,LAKIHAN MO NA! Tama,totoo yan pero hindi mo ba naisip na hindi lahat ng nangangarap ng libre ay nagkakaroon ng pagkakataong bilhin at mabili ang mga libreng pangarap na yon? Kaya wag kang tumigil gumawa ng paraan at mapagod sa pakikipagsapalaran. Sa bawat pakikipaglaban mo sa buhay huwag mong kalilimutang dalhin ang TIWALA SA SARILI, MALAWAK NA PANG-UNAWA, DETERMINASYON, KATATAGAN at lalong huwag mong bibitawan ang PANANALIG at PANINIWALA mo sa Lumikha saiyo. Huwag mong kwestyunin ang kakayahan mo, lagi mong tatandaan na tao ka na maraming magagawa at makakaya.
Sa mga gaya kong unang beses palang sumubok mangibang bayan, huwag kayong patukso sa luho, isipin nyo ang dahilan kung bakit mas ninais nyong lumayo para kumita. Unahin ang OBLIGASYON kaysa sumunod sa tawag ng LUHO. Hindi man matupad agad ng bansang napuntahan natin ang mga pinapangarap natin ayos lang kasi kahit paano nasimulan na nating buuin ang mga ito. Kung kagaya mo ako na nakakulong din sa apat na sulok ng bahay, wag mong gawing dahilan yan para maging kahinaan mo. Dahil sa ganyang sitwasyon naging mas handa ako at determinadong harapin at makipagtakbuhan sa loob ng bilog, ang realidad ng buhay...ang hugis ng mundo.
MABUHAY PO ANG LAKAS NG MGA MANGGAGAWA!
TAYO AY NATATANGING BAYANI, SALUDO PO AKO SA KAKAYAHANG TAGLAY NATIN!
KAPWA PINOY...IKAW ANG LAKAS NG ATING INANG BAYAN, PUGAY SA ATING LAHAT!
Jean Mantes story speaks of a woman’s journey to reach her dreams.
Migration was her dreams of overcoming poverty. Jean was driven by her curiosity and desire to experience working abroad. She also shares her experiences as a first-time migrant and the obstacles she faced every day. She was also curious to know what was more important to OFWs. But Jean is a simple kind person who loves to ask many questions in life and wanted to experience traveling around, but till today her contract near expires and still she didn't have a chance to see and explore the beauty of Taiwan. Despite of being isolated in a four corners of her room, her mind is still open to the harsh realities and frustrations her likely to face…”Jean is an achiever against all odds”. Be proud and be strong!
Let Jean, have the chance to embrace and see the beauty of Taiwan...give her a chance