Tula

2014-05-23 / Angeline D.Pitogo / Tula / Pilipinas 菲律賓 / Samahang Makata Int'l.


"                                     Buhay OFW
Propesyong kinabibilangang may dalang hirap at kaginhawaan
Paraang napagdesisyonan matustosan lamang pangangailangan
Maging kaginhawaang hangad ng bawat sinoman 
Na kayhirap makamtan sa sariling bayan

Buhay OFW mapalad kung ituring ng karamihan
Ngunit di batid pagtitiis kapatid ng kaginhawaan
Pangungulila't kalungkotan na kay hirap labanan
Minsan ito'y naging dahilan upang layunin ay malimotan

Kaybigat sa kalooban ibang anak at magulang inaalagaan
Subalit sariling anak iniwan kahit ito'y musmos pa lamang
Isinantabi ang naghihinagpis na kalooban 
Maibigay lamang ang pangangailangan ng pamilyang mahal

Samot saring kasaysayan ating napapakinggan 
Ilang mga kababayang umuwing bigo at luhaan
Sa kagustohang makalimot sa pangungulilang naramdaman
Nalugmok sa bisyo't sa maling barkada'y napabilang

Ang ilan ay sadyang nakalimotan 
Layunin ng paglisan sa pamilyang mahal
Pagkat ito'y nakahanap ng panandaliang kaligayahan
Kaya't mithing pangarap naiwaglit sa isipan

OFW tinaguriang bayaning buhay ng Inang bayan 
Pamilya'y isinaalang alang bago sariling kapakanan
Di alintana kung anong kahihinatnan sa kamay ng among dayuhan
Dugo at pawis ang naging puhonan mabigyan lamang magndang bukas ang pamilyang mahal

Kayat mahal kong kababayan sana'y ating pagnilayan
Mga pangyayaring nakakalungkot subalit iyon ang katotohanan
Ang pagpupunyagi't pakikibaka sa bansang pinaglilingkoran
Huwag hayaang magwakas ng sawi at luhaan

Kayat huwag sayangin pagkakataong bigay ng Maykapal
Pagkat Buhay OFW propesyong panandaliang lamang 
Mga layunin ng paglisan ay laging isapuso't isipan
Pagkat ito'y gabay tungo sa tagumpay na inasam asam"