"MINSAN LAMANG"

2014-05-02 / Leoni Pascual / "MINSAN LAMANG" / Pilipinas 菲律賓 / wala


MINSAN LAMANG

Kahirapan nakamulatan ko sa aking kabataan At lahat ay paghihirapan bago mo makamtan. Narasan kong magtanim at mag ani ng palay Upang makabili papel, lapis, damit o sapatos man. Naghahanap kami araw araw ng mauulam, kung minsan sa batuhan sa dagat o kaya’y sa palasan. Subalit sa kabila ng kahirapang yaon nabuo isang pamilyang matatag at nagmamahalan, May respeto at paggalang sa mga magulang Higit may takot sa Diyos na Maykapal Matibay na pundasyon ang bumuklod sa tanan.

Kulang man ng sapat na kaisipan ang murang gulang May sumisilay na liwanag ng pag asang kinailangan Pinaghugutan ng lakas upang magsumikap Pagyamanin ang talinong handog ng Poong Bathala. Bilang ganti sa mga pagsasakripisyo ng mga magulang ay matataas na marka at grado sa paaralan, at medalya ng karangalan ang tanging naibibigay. May mga nagtatanong kung ano ba ang sekreto, Ano ba ang ipinapakain sa amin ng mga magulang Na ang tangi nilang sagot “kanin at bagoong lamang”. Opo,kanin at bagoong yan ang aming kinalakihan, Masaya na kami kung me isda at gulay man at fiesta na kung me karne pa sa hapag kainan.
Ngunit wala sa pagkain ang katutunguhan ng kinabukasan o bubuo man sa isang katauhan, Ito ay nasa tamang pagpapalaki at paghubog ng mga magulang At mga taong nakakasalamuha mo sa pang araw araw na buhay. Sa pagsusumikap at pagtitiis natupad mga pangarap Hindi naging sagabal kahirapang dinanas upang makamit diplomang inaasam at pinangarap Pitong magkakapatid naging karangalan ng mga magulang,

Maaring nasusulat na sa palad ng aking kapalaran Na mapadpad ako sa bansang Taiwan Kasama ng asawa ay nakipagsapalaran, Nakipagsabayan sa agos at takbo ng buhay, Kagaya ng gulong buhay ay umikot, kung minsan nasa ilalim, minsan nasa ibabaw Salamat sa Poong Maykapal na siyang gumabay upang matunton tuwid na landasin ng buhay. Taiwan naging tahanan ka mahigit dalawang dekada, Kinupkop mo yaong pusong sa pamilya at sa Inang bayan ay nangungulila. Binigyan mo ng pagkakataon magkahugis magkaporma Yaong mga pangarap na binuo ng bata pa. Hinasa mo pang lalo talino at kahusayan Sa mga karanasang hinarap ng may pag –asa. Aminado naman ako mahirap dito yaring buhay, Sapagkat pagtatrabahuhan mo ang lahat ng bagay.

Naranasang kong mag trabaho sa factory at sa bahay, Mag welding man o magkuskos pareho lang, Kung minsan nga yaong kamay at likod ay di na makagalaw inaabot ng alas dos sa pag oovertime. Subalit kapalit naman noon ay ligayagang walang kapantay sapagkat natulungan ang naiwan kong pamilyang minamahal Konting karangyaan ay nakamtan nila, Maliit na kabuhayan nakapagpundar sila.
Napakalaking biyaya sa Taiwan ko nakamit nagkaroon ng bunga pagmamahalang sa Pinas banal na itinali. Anak na minithi pitong taon sa bansang pinagmulan di nakamit Subalit nakabuo “made in Taiwan” aming bangit. Sila ngayon aking lakas, bagong pangarap at mithi, Sa kanila umiikot aking mundo at pag-ibig. Kapalit ng mga anak bilang biyaya ang buhay ng asawa ay binawi, kung kaya’t ang naging buhay ay magampanan tungkulin ng ama’t ina isang labang dapat ipagwagi.

Opo, Minsan lamang tayo daraan sa landas na ito ng buhay, kaya kung ano man mabuting bagay nararapat nating gawin Sana ay magawa natin ng maayos sapagkat di na natin kaylan man Mababalikan ang buhay na ito upang pagsisihan naging kamalian. At hindi nasusukat ng yaman at katanyagan ang tagumpay Kundi ng kaligayahang dulot nito, dulot ng masayang pamilya, mapayapang puso, mabubuting kaibigan
at matibay na pananalig sa Diyos. Diyos na mapagmahal at mapagpatwad na patuloy na gumagabay sa taong sa Kanya'y naglilingkod.