2014-05-01 / RIETZEL DURAN / caretaker / Pilipinas 菲律賓 / Aguman@Bisaya agusaya fait
♥AKO NOON NGAYON AT BUKAS♥
Apat na taon at limang buwan , sariwa pa sa aking alaala nung una kong pasukin at subukang magtrabaho sa unang pagkakataon ang Bansang Taiwan na tinatawag nilang The Heart of Asia.Naalala ko pa noon ang sigla, saya o kasiyahan sa aking pangangatawan. Ang aking buhok, kutis at ang mga ngiti sa aking mga labi at ang aking pananalita. S apat na sulok ng Lin Shin Hospital dito sa Taichung ang humubog sa aking pagkatao at ng aking buhay.Naging mas responsable, nagkaroon ng malaking tiwala sa sarili at naging matatag sa hamon ng buhay.
Ilang linggo pa lang ang nakakaraan ng mabasa ko sa Facebook na magkakaroon ng paligsahan o patimpalak sa panitikan sa larangan ng pagsusulat sa Taipei City.Nakakaramdam ako ng saya at kasabikan dahil ako'y magkakaroon ng pagkakataon na ibahagi o maibahagi ang aking mga naging karanasan sa ngalang ng mga kapwa ko Pilipino o OFW.Gusto kung magbigay ng inspirasyon at maging inspirasyon nila.Ang pagtatrabaho ko dito ay aking tatapusin na may kagalakan , kasiyahan at taas-noo. Dahil, sa trabahong ito unti-unti kung nakamit ang aking mga pangarap sa buhay sa kabila ng magkahalong saya , lungkot, pawis at luha.
Gusto kung ibahagi sa inyo ang aking buhay.Kami ay 6 na magkakapatid apat na lalaki at dalawang babae. May simpleng pamumuhay ang aking mga magulang ay nagtatrabaho sa Local na Pamahalan sa aming Lugar.Ang aking ama ay isang membro ng Sangguniang Bayan at ang aking ina naman ay isang Pinuno ng Kagawaran ng Kalingang Panlipunan sa aming Bayan.Nakita ko at naranasan noong maliit pa ako magpa hanggang ngayon ang hirap at lupit ng buhay sa aming lugar. Kami ay nagpapasalamat sa Dios dahil kami ay biniyayaan ng mga mapagmahal at mapagkalingang magulang.Ibinigay nila lahat ang aming pangangailangan at gusto, ganoon din sa mga nasakupang kumunidad. Sa aming paglaki lagi nilang pinapaalala at itinuro na maging mapagmahal, ma respeto, mapagkumbaba, may takot sa Dios, mabait, tiyaga, matapat at higit sa lahat magkaroon ng tiwala sa sarili.Dahil, Hindi kami mayaman ang Edukasyon lamang ang kanilang tanging maipapamana sa amin kaya mag-aral daw ng mabuti dahil ito ang tulay na magkakaroon ng katuparan ang lahat ng aming naisin o pangarap sa buhay. Salamat sa Panginoon Dios ginabayan din niya kami at nanging matagumpay kami sa larangan ng napiling kurso.
Bilang simpling babae ako ay may pangarap din sa buhay. Dahil, namulat ako sa ano mang klasing trabaho mayron ang aking mga magulang sinonod ko ang yapak ng aking Ama.Minsan akong nanilbihan o naglingkod sa Publiko sa loob ng limang taon noon akoy nasa koleheyo pa lamang.Ipinakita ko ang aking kakayahan sa pagtulong sa kapwa sa aming bayan. Nanilbihan din ako bilang isang manggagawa sa Kagawan ng Kalingang Panlupunan sa aming bayan na Pinamuan ng aking Ina.Ako ay maagang nakapag asawa at nabiyayaan ng dalawang guapo , matalino at mapagmahal na mga anak.Mamuhay kami ng simple,puno ng pagmamahal kahit mahirap lang kami pero lumipas ang ilang taon kagaya ng ibang mag asawa o relasyon hindi matagumpay ang aming pagsasama kaya kami ay naghihiwalay ng aking asawa.Masaklap, masakit at mahirap tanggapin pero dapat paring ituloy ang laban ng buhay dahil may dalawang anak pa akong umaasa sa akin.Pinilit kong bumangon at lumaban sa kabila ng lahat.Sa buhay ng isang tao tayo ay may kanya-kanyang katungkulan ang iba ay susubukan ka, ang iba ay gagamitin ka lang, may magmamahal at may magtuturo sa iyo, pero isa lang ang tanging parating nandyan at nakapaggabay sa iyo, ang ating Pamilya ipinakita nila sakin kung gano ako kahalaga sa kanila at tinulungan nila akong ibangon sa pagkakadapa.
Nagdesisyon ako na iwan ang Pilipinas at subukan sa unang pagkakataon ang makipagsapalaran sa ibang bansa at ito nga ang Taiwan dahil gusto kung mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Pilit kung nilabanan ang hamon ng buhay, takot, kabiguan, sakripisyo, mga pagsubok, luha at lungkot.Ang buhay ko'y napakalungkot parang nawawalan na ng pag-asa, nangungulila sabik sa aking mga anak, family , kaibigan at bayan sa lahat ng oras.Kaya nilalaban ko ang lungkot kasama ng aking mga nakilalang bagong kaibigan. Gamit ko ang cellphone at computer sa pakikipag usap sa mahal ko sa buhay. Pero lahat ng ito ay kaya kung tiisin at titiisin para sa kanilang magandang kinabukasan. Mabigyan sila ng sapat na edukasyon , tirahan, damit at ang kanilang mga pangangailangan.Ayaw kung dumipende na lang habang buhay sa aking mga magulang. Gusto kung tumayo sa sariling paa at ipakita na kaya ko at matatag akong haharap sa hamon ng buhay.Ito ako, ito ang aking kapalaran.Naniniwala ako na ang lahat ng bagay at pangyayari ay may kadahilanan.
Sa kasalukuyan dito parin ako sa Taiwan patuloy na nagtatrabaho at patuloy na nangangarap.Sa bawat minuto, oras at araw na lumipas ay napakahalaga para sakin.
Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, ako pa din ay nagpapasalamat dahil nakatagpo ako ng mga mababait na amo ,nagtakaroon ng maraming kakilala at mga bagong kaibigan sa bansang ito mapa lahing Taiwanise, Indo, Vietnamese, Amerikano at kapwa Pilipino. Sumasali din ako sa mga organisasyon o grupo ng mga OFW na may magandang layunin ipinakita din nila sakin ang kapatiran, damayan ,respito at pagmamahal sa kapwa membro.Wala akong nanaisin na baguhin sa lahat ng mga nangyayari at pangyayari sa aking buhay kahit pa ang aking nakaraan dahil ito mismo ang naghubog sa aking pagkatao at kong ano ako ngayon.
Bilang isang manggagawa masasabi ko na ako ay may mga katangian na isang masipag,mapagkumbaba, tapat at bukas ang isipan sa lahat ng bagay o may malawak na pag-iisip.Tiyaga ang susi sa lahat ng aking tagumpay.May mga panahon na mahina tayo don natin gawin ang pinakamahigpit na kapit sa ating sarili dahil yon ang batayan ng isang tapat at matatag na prensipyo sa ating buhay.kahit ano man ang iyong naabot o kahit saan kanan napunta huwag mong kalimutan ang Dios.
Sana maging inspirasyon at alaala ako sa ibang tao.Sana maging isang inspirasyon ang aking buhay at karanasan sa iba.
MABUHAY KAYO AT SALAMAT!