2014-05-26 / RIZALDE KAREN DOROG凱倫 / KABANATA NG PANGARAP / Pilipinas 菲律賓 / HOME STRONG INTERNATIONAL CO., LTD.鎵泓國際股份有限公司
Tandang tanda ko pa, ako ay namulat sa simpleng buhay at sa aking sariling bayan na pinagmulan, doon ay aking naranasan ang mamuhay ng payak subalit sa aking paglaki unti-unti kong nararamdaman ang kahulugan ng tunay na buhay. Na, ang katotohanan ay hindi sapat ang ikinabubuhay upang pagbigyan ang pangarap. Sa aking paglaki halos gumapang ang aking mga magulang upang maitaguyod lamang ang aming pamilya at upang mapag-aral kaming magkakapatid. Sa awa at habag ng Panginoon, itinulot naman na ako ay makapagtapos at magsimulang maghanap ng trabaho.
Hanggang isang araw ako ay dinala ako ng aking kapalaran sa lugar kung saan ko nararanasan ang magagandang bagay sa aking buhay. Oo, napamahal na ako sa bayang ito sapagkat dito ko naranasan ang mga bagay na hinahanap ko sa aking sariling bayan. Dito ay walang diskriminasyon sa trabaho, lahat pantay-pantay. Kaya ramdam dito ang saya habang nagtatrabaho. Maraming kahanga-hangang makinarya at mga bagong imbensyong pangteknolohiya.
Batid ko ang agwat ng pagkakaiba.
Hayaan ninyo na ipahatid ko sa inyo ang aking naging karanasan....
Malaki ang naitulong sa akin ng paghahanap-buhay ko dito sa Taiwan hindi lamang sa aking sarili lalong higit sa aking pamilya. Natutugunan ko ang pangangailangan ng aking mga mgulang at mga kapatid. Kahit sa kabila ng aking pangungulila minsan naaalala ko ang aking pamilya subalit masasabi ko sa aking sarili na ang paghihirap ko ay para sa kanila na mga mahal ko sa buhay.
Hindi na rin ako nagtataka sa mga kababayan kong nakapag-asawa ng mga Taiwanese na pinili na nilang dito manirahan sapagkat batid ko na dito rin nila naramdaman ang tunay na pagmamahal. Naibibigay ang kanilang pangangailangan lalo na ang malayang pagtulong sa mga mahal sa buhay na naiwan sa sa bansang sinilangan. Kung ako nama'y papipiliin, napupusuan ko ang magandang ugali ng mga tagarito. Bakit nga ba? Oo, magkaiba man ang kultura natin sa kanila subalit hindi nahuhuli sa kasipagan ang mga tagarito. May husay at sipag sa pagtratrabaho. Ang ugaling sinasaluduhan ko.
Nais ko na rin namang makapiling na aking mga magulang at mga kapatid. Minsan sa aking pagod at hirap na nararanasan bigla na lamang tumutulo ang aking luha sa sobrang pangungulila ko sa kanila. Subalit kung aking iisipin na magkakasama-sama nga kami sa aming tahanan pero ano na ang aming ikabubuhay? Babalik ba ulit kami sa dati naming buhay na isang kahig at isang tuka? Masakit mang aminin ngunit ito ang totoo, katotohanan na hindi maikukubli dahil ito ang tunay na nararanasan ng maraming pamilya na walang inaasahan kundi ang nangibang-bansa na kapamilya. Kung mayroon lang sanang batas sa bansa kong pinagmulan na maaring maghanapbuhay ang lahat ng mamamayan na may kakayahan magtrabaho gaya ng batas dito, siguro ay hindi mararanasan ang paghihirap ng mga tao. Gusto ko sanang samantalahin ang pagsusulat ko at gamitin ang pagkakataong ito upang manawagan sa bawat pamahalaan na sana ay mabigyan ng pansin ang mga ganitong uri ng batas upang maging maayos na ang buhay ng mga mamamayan at magkaroon ng trabaho ang bawat isa.
Minsan sa aking pagiisa naiisip ko rin ang para sa aking sarili. Paano kung magkaroon na rin ako ng sarili kong pamilya? Dadating ang panahon na makakatagpo rin ako ng makakasama ko sa buhay, parang masarap mangarap ng magagandang bagay na maaaring mangyari sa akin. Tanging nais ko lang sa aking magiging pamilya ay ang hindi nila maranasan ang hirap ang dinanas ko sa aking buhay. Gusto kong maibigay sa kanila ang masaganang buhay at magandang kinabukasan. Subalit sa ngayon ang akin munang pinaglalaanan ay ang aking mga magulang at mga kapatid .Gusto kong maibigay sa kanila ang mga bagay na hindi nila naranasan noong kami ay mga bata pa. Gayundin ay makatulong na rin ako sa aking mga pamangkin na mapag-aral upang maging maganda ang kanilang kinabukasan.
Ano ba itong aking sentimyento? Mabuti na lang narito pa ako sa bansang nagpaunlad ng aking kaalaman at patuloy kong kaagapay sa pagginhawa ng buhay. Oh kaysarap pagmasdan ang paligid. Nagtatayugan ang mga magagandang gusali at may angking tanawin na lubhang kaaya-ayang pagmasdan. May malinis at sariwang hangin na malalanghap. Makikita rin dito ang iba’t ibang establisyemento na pag- aari ng iba’t –ibang lahi. Dito sila namumuhunan ng kanilang mga negosyo upang lalong umunlad ang bansang ito. Sapagkat dito makikita ang kasipagan ng bawat isa at kitang- kita ang determinasyon sa pagtatrabaho. Bukod dito, mayroon ding mga ospital o pagamutan na mura lamang ang singil at maganda ang kanilang serbisyo. Wala na talaga akong mahihiling pa halos lahat ng aking pinapangarap para sa aking sariling bayan ay dito ko natagpuan. Kasalanan ko ba na mapamahal ako sa bansang ito? Karapat-dapat ipagmalaki. Dito ko lahat naranasan ang saya, ginhawa at mabuting pagtanggap sa gaya kong dayuhan sa bayang ito. Sa mga panahong inilagi ko rito ay para bang nabigyan ako ng bagong pag-asa na mabigyan ng sagot ang aking mga pangarap at maging maganda ang buhay.
Maraming salamat sa mga bagay na naiparanas at naibigay mo sa akin. Hinding-hindi kita malilimutan. Sana ay magkasama pa tayo ng matagal. Salamat sa lahat ng magagandang bagay sa aking buhay. Salamat sa iyo Taiwan naging kabanata ka ng aking mga pangarap."