BUHAY ABROAD

2014-05-26 / BALLOCOY JORDAN BELEO喬登 / BUHAY ABROAD / Pilipinas 菲律賓 / GOLDHOME INTERNATIONAL MANPOWER & MANAGEMENT CO., LTD.鎵鴻人力資源管理顧問股份有限公司


"Buhay abroad, kay sarap pakinggan, malaki ang sahod, nakakabili ng iba't ibang gamit (damit, gadget), walang problema, at kung minsan ang alam nila ay masaya dahil sa mga larawang pinapakita namin dito sa ibang bansa. Ako, bilang isa sa mga libu libong nagtratrabaho sa ibang bansa, huwag po nating isipin na ganun kadali ang mawalay at magtrabaho sa ibang bansa dahil sa likod ng mga ngiting ipinapakita ng bawat isang OFW ay nakakubli ang lungkot at pagtitiis sa pagkawalay at pangungulila sa kani kanilang mga mahal sa buhay.
Kung iisipin ay mas malaki nga naman ang sahod na nakukuha ng isang manggagawa pag ikaw ay nasa ibang bansa na pwedeng mabili ang gusto tulad ng mga bagong kagamitan para makasabay sa uso. Masasabi ko na magastos dahil sa maganda ang kita pero yun ay kung hindi marunong ang isang tao na humawak ng perang pinaghirapan nila ng ilang linggo na kung tutuusin ay ilang araw lang ay butas na ang bulsa. Parang wala na silang pakialam kung makakaipon sila bago matapos ang kanilang kontrata. Pero mas maadami pa rin ang nakakaalala kung ano ang dahilan ng pagpunta nila sa ibang bansa. Ang ilan ay pinapadala lahat ng pera dahil na rin sa mga utang na kailangan bayaran, ang iba naman, kahit iilang daan at kaunting barya ang natititra sa kanilang pitaka ay pilit na ipinagkakasya upang maipambili ng card (load) na pantawag sa kani kanilang pamilya o mahal sa buhay at ang iba naman ay pilit itong pinagkakasya upang makabili ng kanilang mga pangangailangan tulad ng pagkain, sabon, toothpaste, gamot at iba pa.
Ilan lamang yan sa mga dahilan kung bakit mas pinipili ng iba ang magtrabaho sa ibang bansa sa pag aakalang ito ay daan tungo sa kaginhawaan. Aminin man natin sa ating sarili na tayo ay naghahangad ng magandang kinabukasan pero ang hindi nila naisip ay madaming pagsubok ang kailangang lampasan at madaming hakbang na dapat gawin bago makaalis sa ating bayan tulad ng pagproseso ng mga papeles at malaking gastos (kasama na diyan ang medical, placement fee at pamasahe para sa pagprorproseso ng mga papeles) at marami pang iba.
Ilan sa mga kaibigan at kamag-anakan ay tila ba tingin nila sa mga balik-bayan ay parang bangko na hindi nauubusan ng pera sa bulsa. Karamihan sa kanila kapag nakita nila ang kanilang kamag-anak o kaibigan na galing ibang bansa madalas nilang bukang bibig ""libre ka naman diyan"", o di kaya ""painom ka naman diyan""; pero ang masakit na marinig ng isang balik bayan ay sabihin sa kanya ""nakapag abroad ka lang nagbago ka na!"". Mas maganda siguro kung kamustahin muna natin sila, kung ano ba ang naging buhay nila sa abroad, kung ayos lang b ang trabaho nila doon? Wala na din siguro'ng mas sasarap pa sa isang balik bayan ang makasama ang kanilang pamilya at higit din sa lahat ang kamustahin natin sila upang madama nila ang mainit na salubong mula sa mga kamag-anakan o kaibigan mula sa bansang sinilangan."