2014-05-23 / DABU MICHAEL RAMIREZ邁可 / FIRST TIME IN TAIWAN / Pilipinas 菲律賓 / GOLDHOME INTERNATIONAL MANPOWER & MANAGEMENT CO., LTD.鎵鴻人力資源管理顧問股份有限公司
January 16, 2014 araw ng huebes noong dumating ako dito sa Taiwan. Halong galak,lungkot at kaba ang naramdaman ko noong lumapag ang eroplano sa airport. Galak sapagkat matagal ko ng pinapangarap na makapunta ng ibang bansa at pinalad nga ako na makapunta dito sa Taiwan. Lungkot dahil mawawalay ako sa mga mahal ko sa buhay ng medyo mahabang panahon.At higit sa lahat kaba dahil hindi ko alam kung anung klase ng buhay ang mayroon dito sa Taiwan lalo na at katatapos lamang ng isyu sa pagitan ng Pilipinas at ng Taiwan. Malamig ang panahon noong dumating kami dito pero nakakatawa dahil pinagpapawisan ako sa sobrang kaba.
Noong may sumundo sa amin upang dalhin kami para magpamedical nahihirapan sa wikang English ang taong sumundo sa amin at kami naman ay hirap sa wikang chinesse kaya hirap kami na magkaintindihan. Mabuti na lng at may nakasabay kaming pinay na dati ng galing dito sa Taiwan siya ang naging tulay namin upang magkaintindihan kami. Pagod ako sa biyahe at kulang sa tulog noong dumating kami dito kaya akala koy panibagong pagod nanaman ang mararanasan namin sa medical gaya ng naranasan namin sa Pilipinas noong kami ay nagpapamedical.Nagtitiis kami sa mahabang pila at halos kulang ang isang araw bago kami matapos.Pero mali ang akala ko,dahil hindi na namin kailangan pang pumila at napakabilis ng kanilang serbisyo dahil wala pang isang oras kami ay natapos na.Kaya laking ginhawa ang naramdaman ko.
Noong dinala na kami sa kompanya kung saan kami magtatrabaho kinausap kami ng aming broker. Sinalaysay nya sa amin ang mga ilan sa mga mahahalagang bagay na dapat namin sundin habang kami ay nakatira dito sa Taiwan bilang isang manggagawa. Pagkatapos ng aming meeting nabawasn ang kaba na aking naramdaman. Dahil alam ko na hanggat sinusunod ko ang kanilang batas at wala akong ginagawang masama alam ko na ako ay nasa mabuting kalagayan. Isa sa mga nagustuhan ko na pinahahalagahan ng mga chinesse ay ang malalim na paggalang nila sa relihiyon. Kaya kahit na bago pa lng ako dito sa Taiwan at wala pang isang lingo noong ako ay dumating, ako ay nagsimba na sa unang lingo pa lng ng pagdating ko dito. Binilin sa amin na huwag muna kaming lalabas habang wala pa kaming Alien Residence Certificate (ARC). Kaya noong una marahil iniisip nila na matigas ang ulo ko dahil bago pa lng ako ay lumalabas na ako. Pero pumupunta parin ako nagsisimba lalo na kapag natataon na day off ko dahil alam ko naman na wala akong gagawing masama at gaya nga ng sinabi sa aming meeting na may malalim na paggalang ang mga chinesse sa relihiyon kaya alam ko na hindi ako magkakaproblema.
Dito ko rin nakita ang pagkakaisa naming mga Pilipino dahil talagang inalalayan kami ng aming kapuwa Pilipino sa kung anu ang mga dapat naming gawin dahil sa baguhan pa kami. Tinutulongan din nila kami sa abot ng kanilang makakaya. Katulad na lng noong kararating ko hindi ko akalain na hindi pala basta basta ang pagkuha ng sim card dito sa Taiwan kaya nag-alala ako dahil hindi ako makatawag sa Pilipinas upang ipaalam na ako ay nakarating ng maayos dito sa Taiwan.Mabuti na lang at may mabait na Pilipino ang nag alok ng kanyang tulong pinahiram nya ang kanyang cellphone upang makatawag ako sa Pilipinas at ng tinanung ko kung ilan ang babayaran ko sinabi nya na huwag na ayos lng daw. At pinatawag din nya sa pilipinas ang mga kasama ko na kapuwa ko wala pang sim. Kaya malaking pasasalamat ko sa taong iyon at hindi ko malilimutan ang kabaitan nya.
Sa pagpasok ko sa trabaho isang problema na naman ang bumangon sa akin.Hindi dahil sa hirap ng trabaho o sa pangit na pagtrato ng aming boss.Ito ay sa pagkakaroon ko ng maayos na komunikasyon sa aking mga katrabaho na chinesse. Ilan lamang sa kanila ang marunong sa wikang English at ako naman ay walang alam na kahit na anu sa wikang chinesse.Kaya hirap kami na magkaroon ng maayos na komunikasyon at hirap din sila na sabihin ang gusto nila na ipagawa sa amin kaya kinakabahan ako na baka ako ay magkamali at sila ay magalit sa akin. Ngunit sa halip na sila ay magalit kapag hindi kami nagkakaintindihan, nagtatawanan pa nga kami kasi ginagawa nila ang lahat para lang maintindihan ko ang gusto nilang sabihin sa pamamagitan ng senyas. Kaya dito ako nagsimulang magporsige para matuto ng kahit na kunti lng sa kanilang lenguahe at ang una kong natutunan ay “Xie Xie” na ang ibig sabihin ay salamat.
Sa bawat araw na pagpasok ko sa trabaho ay marami akong napansin, tulad ng mga kahit na matanda na ay puspusan parin sa pagtatrabaho at kahit na may kapansanan ay nagtatrabaho parin kaya humanga ako sa kanila. Humanga din ako sa kompanya kung saan ako nagtatrabaho dahil hindi sila namimili ng mga tinatanggap na trabahador kahit na bata o matanda may ngipin o wala may kapansanan man sa katawan o wala basta kayang magtrabaho at gustong magtrabaho ay tinatanggap nila. Kaya siguro maunlad ang kanilang bansa.
Nakita ko rin ang maayos na pagtrato at pag aasikaso ng kompanya sa aming mga Pilipino. Dahil sa hindi kami sanay sa mga ilan sa pagkain ng mga chinesse, humiling kami ng Filipino food at ito naman ay kanilang binigay sa amin kaya tuwang tuwa kami. Isang araw pinagtipon tipon kaming lahat ng Pilipino at kinausap ng aming boss sinabi sa amin na hanggat kayang gawin ng kompanya ibibigay daw nila lahat ng bagay na gusto namin katulad ng pagkain at maayos na matutuluyan. Ngunit may dalawang mahigpit na batas daw ang kompanya na dapat naming sundin at kapag nilabag daw namin ito ay mapapauwi kami ng Pilipinas gaya ng mga nangyari na sa mga sumuway nito. Unang batas NO STEALING at ang pangalawa ay DON’T FIGHTING. Napakasimpleng batas ngunit minsan ay napakahirap iwasan lalo na ang pangalawang batas. Ngunit ang mga ito naman ay ikabubuti namin. Kaya bawat isa sa amin ay dapat matuto na maging mapagpakumbaba kaya kung siga ka sa Pilipinas dito ay matututo kang maging mabait at makisama dahil kung hindi sayang lang lahat ng pagod at perang nagamit mo sa pag aaply dahil mapapauwi ka lng sa Pilipinas.
Nagkaroon din ng party ang aming kompanya noong February 13. Dahil sa unang beses kong dumalo sa ganitong okasyon dito sa Taiwan ako ay nakaupo lng sa gilid at nanood sa mga kasiyahan nila. Kahit na mag kaiba ang lahi ay sama sama sa pagsasaya na para bang magkakalahi ang bawat isa at matagal ng magkakaibigan. May kantahan at may paligsahan sa sayawan magkakasama ang Pilipino at Chinesse. Namigay din ng papremyo ang kompanya sa lahat ng empleyado napakaraming nanalo at isa na ako sa pinalad na nakatanggap ng gift certificate. Isang napakasayang gabi at karanasan na hindi ko makakalimutan.
Kapag nakakausap ko ang mga kapuwa ko Pilipino marami sakanila ang pabalik balik na dito sa Taiwan mayroon pa ngang pang huling kontrata na nila o pang labing dalawang taon na at kapag naaprobahan daw ang sinusulong nilang batas na 15years pwede manirahan bilang manggagawa ang mga Pilipino dito sa Taiwan ay gusto pa nilang bumalik. Alam ko na mahirap maghanap ng magandang trabaho sa Pilipinas na may mataas na sahod pero masyado ng matagal ang 15years na pagtatrabaho dito sa Taiwan.
Nagtataka ako noong una kung bakit gusto pa nila bumalik kahit na mapapalayo sila sa kanilang mahal sa buhay. Ngunit sa paglipas ng mga araw at bagaman ilang buwan pa lng ako dito sa Taiwan naiintindihan ko na kung bakit. Ito ay dahil napakaganda magtrabaho dito sa Taiwan hindi mo gaano ramdam ang lungkot dahil na rin siguro sa mabilis na access at malakas na signal ng internet. Gamit ang teknolohiya at social network pwede kong kausapin at makita ang mga mahal ko sa buhay araw-araw ng malinaw. Naaalala ko noong nasa Pilipinas pa ako kailangan ko pang umakyat ng bubong ng aming bahay para lng magkaroon ng signal ang aming internet.
Ang mga magulang ko ay nasa ibang bansa din ngunit lagi nilang daing ang lungkot. Kaya noong dumating ako dito sa Taiwan lagi silang tumatawag sa akin upang sabihin na magtiis at magtyaga daw ako at manalangin sa Diyos para mapaglabanan ko ang lungkot. Oo minsan nalulungkot ako pero hindi ko alam kung bakit hindi ko ito masyadong nararamdaman, ito siguro ang dahilan kung bakit gustong gusto nilang magpabalik balik para magtrabaho dito sa Taiwan. Isa sa mga kapuwa naming Pilipino ang natapos na ang pangalawang kontrata at umuwi na ng Pilipinas. Nakkakatawa sapagkat bagaman sabik na siyang umuwi ng Pilipinas naramdaman parin namin ang lungkot niya sa kayang pag alis na para bang dito sya nakatira sa Taiwan at siya pupunta sa ibang lugar. Ito ay marahil napamahal na siya dito sa Taiwan dahil sa napakagandang kalagayan at samahan ng mga Pilipino at ng mga chinesse. Hindi gaya ng mga ilang Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa na sabik na sabik umuwi ng Pilipinas at kung pwepwede lng ay hindi na sila babalik para magtrabaho sa kanilang pinanggalingan dahil sa sobrang lungkot na kanilang nararanasan. Gaya ng aking mga magulang na kaaalis pa lamang ay gustong gusto ng umuwi ng Pilipinas. At hanggat maari ay ayaw na nilang mangibang bansa pa.
Alam ko na marami pa akong mararanasan habang ako ay nandito sa Taiwan dahil sa ako ay baguhan pa lng. At alam ko rin na minsan ay hindi maiiwasan ang problema ngunit sabik parin ako na manirahan dito. Pakiramdam ko ay parang napakatagal ko ng naninirahan dito ito ay dahil sobrang napakakomportable ng pakiramdam ko at kung pwede lng na ipunta dito ang asawat anak ko ay gagawin ko.
Ang tatlong naramdaman ko na galak, lungkot at kaba noong dumating ako dito sa Taiwan ay isa na lng ang natira. At ito ay GALAK, galak sapagakat alam ko na maraming masasayang bagay pa akog mararanasan dito sa Taiwan. Kaya masasabi ko na ang first time ko dito sa Taiwan ay Masaya.