BITUIN SA DULONG SILANGAN

2014-05-23 / MANABO DARLENE SOLIS達玲 / BITUIN SA DULONG SILANGAN / Pilipinas 菲律賓 / HOME STRONG INTERNATIONAL CO., LTD.鎵泓國際股份有限公司


Napakadilim ng kalangitan na tila nagbabadya ng mabigat na pagbuhos ng ulan. Isinaayos ko na ang lahat ng aming mga gamit upang iiwas ito sa posibleng pagkakabasa. Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin ang pagpasok ng mga bagay sa aking isipan. Ako ay isang taong nabubuhay lamang nang payak kasama ang aking mga magulang at mga kapatid. Isang taong kontento na sa kanin at ulam na pagsasalu-saluhan, tatlong beses sa isang araw. Isang taong masaya na sa isang kilo ng kasiyahang nagmumula sa aking pamilya. Ngunit tulad ng iba, ako’y nangangarap na mapaibabaw rin sa gulong ng buhay—at aking gagawin ang lahat upang magkaroon ng sariling mga pakpak na aking magagamit upang ilipad at iparanas sa aking mga minamahal ang mamuhay nang magaan at malayo sa kahirapan.
Sa paglipas ng panahon, kaalaman ko’y naging sapat upang ibalanse ang marahang pagdaloy ng isang basong tubig at isang kutsara ng langis sa aking buhay. Tinahak ko ang daang nasa aking harapan. Ako’y hindi tumigil. Sa kabila ng pagod na aking nadarama, na halos pasanin na ang mundong ginagalawan, ako’y nagpatuloy pa rin. Hanggang isang araw ay dinala ako ng aking kapalaran sa lugar kung saan ko nadama ang magagandang bagay sa aking buhay. Dito ay naranasan ko ang mga bagay na hinahanap ko para sa aking pamilya. Lahat ng tao rito’y pantay-pantay. Batid ko sa kaibuturan ng aking puso ang saya habang nakapamumuhay kasama ang mga taong buong lakas na nagtatrabaho upang sa kanilang pamilya ay may maialay. Napakagaan ng pamumuhay.
Magmula nang ako ay tumungtong dito sa masaganang lupain ng Taiwan, isang ihip ng hangin ang bumago sa amin. Akin ngang unti-unting napapaangat ang batong humahadlang sa pag-usad ng aming pamumuhay. Sa kabila ng mga panahong ako’y lugmok sa pangungulila, pilit kong iginuguhit sa aking puso ang katotohanan na ang paghihirap ko ay para sa ikabubuti ng aking pamilya naman. Sila, na naging tatag ko para ipagpatuloy ang pakikipagsapalaran upang mapaikot nang paibabaw ang gulong ng aming buhay.
Malinaw pa sa alapaap na pinagkaitan ng ulap ang pagnanais kong makapiling na ang aking pamilya. Minsan nga sa aking pagod at hirap , ay tila pag-agos ng tubig sa ilog ang pagtulo ng aking mga luha—marahil na rin sa sobrang pangungulila sa kanila, iba’t ibang anino na ang mabilis tumatakbo sa aking isipan. Subalit kung aking iisipin na kung kami’y makapagsasama-sama sa aming tahanan, kapalit nito’y pagbabago ng ikot ng aming pamumuhay at kami’y maaaring bumalik sa dati naming kinalalagyan. Masakit man, ngunit ito ang totoo. Isang katotohanang hindi maikukubli ng kahit ano mang sanggalang na bato o metal na sombrero— ito ang tunay naming nararanasan sa bawat pag-ikot ng mundo.
Minsan sa aking pag-iisa, larawan ko ang aking nakikita. Mga tanong na nagmumula sa aking isipan ang dumarami at unti-unti, sa akin ay lumulunod. Paano kung sa isang pag-ikot ng buwan, ako’y magkaroon na rin ng sariling pamilya? Darating ang panahon na ako’y makatatagpo rin ng taong mayroong tangan na tamang hugis ng pusong bubuo sa kung anong mayroon ako ngayon. Totoong kasing gaan ng dahong bumababa sa lupa mula sa pagkakapitas sa punong pinagmulan ang mangarap ng magagandang bagay para sa aking sarili. Aking susuungin ang lahat huwag lamang maranasan ng aking magiging pamilya ang bangungot ng aking nakaraan. Nais kong maibigay sa kanila ang masaganang buhay at magandang kinabukasan. Ako’y biglang napatigil at nakapag-isip—sa aking pag-iisip ay wala ng alinlangan kung bakit mayroon akong mapapalad na mga kababayan ang nakapag-asawa ng mga Taiwanese at pinili nang dito ay manirahan. Batid ko na nadama nila ang tunay na pagmamahal mula sa mga taong may lahing tumatanggap sa kahit na anong uri ng nilalang.
Ngunit sa ngayon, ang pangarap mula sa aking pinagmulan ay ang akin munang pinagtatrabahuhan at pinagsisikapan. Ang nais ng aking puso’y maiparanas muna ang magaan na pamumuhay sa mga bungang nakasama ko sa aking paghihirap—ang aking mga kapatid. Kaalinsabay nito ang pagtatyaga upang masuklian ang walang katulad na paghihirap ng aming mga magulang.
Mabuti na lamang at narito pa ako sa bansang nagpaunlad ng aking kaalaman at patuloy pa ring nagsisilbing aking kaagapay sa pagginhawa ng aking buhay. Kay sarap pagmasdan ang paligid ng nagtatayugang mga magagandang gusali—isang paraisong may angking ganda. Mga tanawing nagpapagaan ng aking mga dalahin sa buhay. Malinis ang sariwang hangin na malalanghap dahil sa disiplina ukol sa kalinisan—ito’y isang lugar ng pagkakabuklod ng bawat isa. Isang maunlad na lupain na kahit sumusukat lamang ng hindi pa lalagpas ng 14,000 square miles ay mistula kahariang kompleto sa lahat ng bagay—mayroong mga ospital o pagamutan na hindi bubutas ng bulsa at hahayaang makapagparanas ng magandang serbisyo. At tila isang babasaging palasyo ang erodromo na bumungad sa akin nang lumapag ang eroplanong kinalulanan ko. Wala na talaga akong mahihiling pa. Mga pambansang imahe na kahanga-hanga. May pagmamahal sa kultura. Kailanma’y hindi magiging kasalanan ang mapamahal sa bansang ito. Ito’y bukod tangi at karapat-dapat na maipagmalaki. Dito ko lahat naranasan ang saya, ginhawa at mabuting pagtanggap sa gaya kong dayuhan sa bayang ito. Ang panahong inilagi ko rito ang siyang nakapagbukas ng kandado ng positibong pagtanaw ko sa aking buhay—dito sa ilalim ng kalawakan.
Kung ang lupang aking kinatatayuan ay makapagsasalita lamang, ano kaya ang kaniyang maituturan kung sa kaniya ay aking sabihin ang mga katagang: “Para sa iyo, na bumago sa takbo ng aking buhay, maraming salamat sa mga bagay na naiparanas at naibigay mo sa akin. Hinding-hindi kita malilimutan. Sana ay magkasama pa tayo ng matagal. Salamat sa lahat. Salamat sa iyo Taiwan, ako ay iyong pinasilong sa iyong bayan. Ikaw ang naghahanay at patuloy na tumutupad sa aking mga pangarap. Nang dahil sa iyo, ang bawat araw ko dito sa lupa’y nagiging magandang kabanata patungo sa aking mga pangarap. Mabuhay ka!”
Maraming dahilan kung bakit sinisikap ng tao na makamit ang isang bagay kahit na gaano man ito kahirap. Kung ang isang minero nga ay mula sa puso ang pag-aalay ng kaniyang buhay para sa di tiyak na pagkakahanap ng isang butil ng ginto, ay gayundin ang isang tulad ko. Sa kabila ng katunayan na limitado ang aking kakayahan, pilit ko pa ring hinahangad na magkaroon ng mga bagay na aking inaasam. Alam ko na bawat tao ay mayroong mga bituin na nais abutin; kabilang rito ang pagkakaroon ng kasiyahan, prestihiyo, kapanatagan ng loob, kaginhawahan ng buhay at marami pang iba. Sa dami ng bituin sa kalawakan, ano sa mga ito ang iyong pinapangarap? Basta ako, natitiyak ko na nagningning ang aking bituin na nasumpungan ko dito sa dulong Silangan sa bansang ito dahil sa awa at tulong ng Panginoon!