GUHIT NG PANGARAP

2014-05-23 / ZABALLERO DAVELON MENDOZA達葳濃 / GUHIT NG PANGARAP / Pilipinas 菲律賓 / HOME STRONG INTERNATIONAL CO., LTD.鎵泓國際股份有限公司


Hinayaan kong dumaloy ang tinta ng aking panulat sa tila kay lawak na blangkong papel sa aking harapan. Sa bawat pagkurba ng aking kamay ay deretsong nakaguguhit ako ng mga larawang nabubuhay sa loob ng aking mga salita. Napakadaling maghanay ng mga kathang isip na kwento lalo na’t kung ito’y may magandang patutunguhan. Ngunit hindi ko ito magagawa. Ako’y isang bunga lamang, na kahit anong gawin ay walang maipapantay sa tibay ng punong aking pinagmulan. Hindi ko kayang magturan ng mga salitang aking hindi man lamang naranasan. Musmos kung maituturing, ngunit batid kong malalim na ang aking narating. Akong’y isang bunga Oo. Isang bunga lamang na ang tanging hangad ay mapayabong ang punong pinagmulan at ang tangi kong magagawa ay ang pumayag na tahakin ang isang lugar na kung saan, magiging daan upang makamit ang aking mithiin.
Muling nagliwanag ang ang araw at sa bawat pagtama ng sinag nito sa aking pisngi’y kasiyahan ang dulot sa akin. Ako’y payapa nang nabubuhay sa isang palasyong kinalulugaran ng mga taong mainit ang pagtanggap sa tulad kong dayuhan lamang. Ako’y naglakad. Nagmasid ako na ang tanging gamit ay ang pusong aking tangan mula sa aking pinanggalingan.
Muling naglakad at nagtungo sa magagandang panig ng tila panibagong mundong aking ginagalawan. Masining na pagkakagawa ng mga inprastraktura, ang yaman ng daigdig na ito’y di maipagkakaila. Sa aking pagpaling sa kaliwa ay ang nagliliparang mga ibon na tila baga’y nakikipagpaligsahan sa malalaking eroplano na bumabagtas sa kamangha-manghang paliparan. Ako’y napatungo. Oo. Aking naisipan na ang lupang aking kinatatayuan ay hindi iba sa aking pinagmulan. Ako’y hindi naiiba sa mga taong ibang dugo ang nananalaytay sa kani-kanilang mga ugat. Hindi iba ang pagtrato; mapayapa akong makapamumuhay rito.
Ako’y baguhan pa lamang sa mundong ibabaw na pinaninirahanan ng iba’t ibang tao nang ako ay dumayo sa paraisong ito. Bitbit ang hangaring makatulong sa matibay na punong nagbigay-buhay sa isang bungang tulad ko, buong lakas akong nagsusumikap sa araw-araw kahit na ako’y nasa malayo. Dugo’t pawis ang aking ibinigay, magkaroon lamang ng kayamanang hangad ko para sa aking pinagmulan. Sa totoo lamang, ako’y napapagod na. Batid ko na ang kumukulubot na telang bumabalot sa aking katauhan. Ngunit ano pa nga ba ang aking magagawa? Naririto na ako sa daan patungo sa aking pinapangarap—ang masuklian ang lahat ng hirap at pagod ng punong aking minamahal. Hindi ko na nga halos maisip ang lahat ng hinanakit at bagabag ko sa aking buhay na aking pinilit na makaya upang marating lamang ang lugar na aking kinatatayuan.
Isang patak ng luha na tila nagmula sa kaulapan sa aking itaas. Ako’y napatigil sa aking pagsulat. Buhay sa aking isipan lahat ng hirap at sakit na aking pasan-pasan. Sino nga ba ang nanaising malayo sa sangang dapat ay kasalukuyang kapiling? Wala naman siguro, lalo na’t kung walang ibang hangad ang puno kundi arugain at ingatan ang bungang nakasabit. Sabagay, ako nga nama’y hinog na. Nakarating na nga sa lugar na kung saan ay tinatanggap lahat ng uri ng tao sa lipunan—mayaman man o mahirap; mataas o mababa; may kaputiaan o kayumanggi man; may pinag-aralan o wala; basta’t buo ang loob at kayang magtumibay para sa hamon ng buhay.
Napaupo ako sa isang tabi. Ako ay buo na ngang maituturing. Wala mang pakpak upang makalipad; buntot at hasang na magagamit upang sa ilalim ng dagat ay makapanirahan; ako’y buo pa rin. Taglay ang lahat ng uri ng pagmamahal—may kulang at umaapaw, ako’y di matitibag ng kahit na anong pagsubok man. Ako’y lalaban nang may suot na kalasag at metal na bumabalot sa kaibuturan ng aking malambot na puso.
Umihip ang hangin, ako’y nagising.
Sa aking muling pagpikit, aking nadama’y pagmamahal na walang kapantay. Sa bawat pagtama ng sinag ng araw sa aking mukha’y tila baga’y pagpaparanas ng kasiyahang walang hanggan. Malamig ang hangin—oo, dama ko ang lamig. Ang ihip ng hangi’y humahaplos sa balat kong balot ng katapangan at pagpupursigi. Na upang ako’y maging lakas ng aking pamilya ay pinili kong manirahan sa isang lugar kahit malayo sa kanila. Ito’y hindi ganoon kadali ngunit masasabi kong mas lalong napagaan ang aking pamumuhay sa lupang ito sapagkat minsan na akong nanirahan dito. Sa likod ng aking isipa’y batid ko na ang paraan ng pakikitungo sa mga taong mainit ang pagtanggap sa tulad kong may dugong Pilipino.
Pagmamahal. Oo. Pagmamahal ang aking natatanggap mula sa lupang aking pinaninirahanan. Sa pamamalagi ko sa bansang ito ay araw araw kong nararanasan ang mainit na pagtanggap ng lahing kumukupkop sa akin. Ito’y walang kapalit. Mabuhay ang masaganang lupain ng Taiwan! Pagpapala ng Ama’y sumainyo nawa!