Ang Mirasol Ay Uusbong Sa Pusod Ng Formosa, Kasabay Ng Pagkinang Ng Perlas Ng Silanganan

2014-05-29 / BUOT DENNIS MICHAEL ASTRERO丹尼思 /  Ang Mirasol  Ay Uusbong Sa Pusod Ng Formosa,  Kasabay Ng Pagkinang Ng Perlas  Ng Silanganan / Pilipinas 菲律賓 / GOLDHOME INTERNATIONAL MANPOWER & MANAGEMENT CO., LTD.鎵鴻人力資源管理顧問股份有限公司

"Minsan nagising ako isang umaga ay agad akong tumungo sa aming balkonahe, minasdan ko ang paligid  at napansin ko wala namang kakaiba, ganun pa rin, isang bakanteng lote na nasisisnagan ng matulis na silahis ng araw, simoy ng hangin na may kalamigan, mga bahay  kubo  ng aming mga kapitbahay, huni ng mga ibon na may matitining na tunog. Ngunit may tumawag sa aking pansin at dali-dali ko itong nilapitan. Agad kong hinawi ang mga damo sa aking daraanan at nang ako ay makarating na mula sa kinaroroonan ng kamangha-manghang bagay na iyon ay marahan ko itong hinaplos at inisip kung ano nga ba ito? Sa aking pagkagitla’y isa itong Mirasol (sunflower),  Minsan lang tumubo ang ganitong uri ng halaman sa aming Nayon. Ako ay napaisip at napagtanto ko na may ibig sabihin ang ganitong pangitain. Bakit nga ba umusbong ang isang mirasol sa lupa na dati ay puro saluyot at damo ang tumutubo? Marahil nga ba ay panahon na nang pagbabago, panahon na upang tumayo tayo at maging kakaiba sa lahat tulad ng mirasol na ito na kapansin pansin sa hanay ng mga damo. Lumabas at ipagsigawan ang kapayapaan na sinasagisag ng kulay nitong dilaw. Na sana ang tatlumpo’t  anim nitong talulot ay sumagisag sa mga magagandang katangian na puwede nating isapuso. Mula nung araw na iyon ay naging kakaiba ang pananaw ko sa buhay . kailangan ko nang kumilos at kumita ng mas malaking pera. Hindi tulad sa Pilipinas na napakaliit ng sahod at puno ng mga dayukdok at buwayang mga pulitiko.
            Sa alapaap  ako ay nakatitig habang sakay ng isang eroplano baon ang naagnas nang mirasol sa aking , na siyang aking naging inspirasyon para lumayo sa aking Bayan, upang tumayo at itaguyod ang aking pamilya at kumita ng malaki. Magiging matatag ako at masikap! waring kinakausap ang aking sarili at nag-aalinlangan dahil wala pa akong ideya sa aking bansang tutunguhin. Ang bansang Taiwan. Iniwan ko ang perlas ng silanganan dahil naniniwala ako na ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay ang mga bagong bayani ng bayan. Lumisan ako  kahit alam ko na ang aking Bansa ay nangangailangan ng malaking pagbabago na ang aking Bayan ay nangangailangan ng matinong mamumuno. Masama man ang loob ko na wala man lang akong magawa upang may maikontribusyon sa pagbabago , ay naniniwala pa rin ako na balang araw sa henerasyong ito may isang tao na magpapakinang sa Perlas Ng Silanganan.. wika nga ni Dr. Jose Rizal “Ang kabataan ang pag-asa ng Bayan”.
                    Ang unang pagtapak ko pa lamang sa Taiwan taong 2011 ika-3 ng Hulyo, ay kakaiba na ang aking pakiramdam. Ganito pala ang pakiramdam na nakarating ka sa ibang bansa, hindi ko talaga maipaliwanag. Dahil bilang lang din ang mga Filipino na nakakarating at nabibigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang Bayan. Napansin ko agad na ang mga tao ay mapansinin at palabati. Ang pagsalubong ng mga Taiwanese ay mainit . At mula nuon ay nanirahan ako sa Yongkang District, Tainan. Sa aking dalawang taon pamamalagi roon ay nasilayan ko kung gano kpursigido ang mga Taiwanese, sila ay mga taong masisipag, mababait at disiplinado. Ang trapiko sa kalsada ay sinusunod , ang kalinisan ay mariing pinatutupad, ang bilang ng krimen ay kakaunti lamang. Isang bansang napakaganda at ang industriya ay maunlad. Mayaman ang kanilang kultura , musika, sining at panitikan.
                 Aba’y kay inam nga naman ng musika ni Bethoven.. biruin mo ba naman tanghaling tapat ay pinatutogtog ito sa kalye ng  Zhengbei kaya naman nakangiti akong lumabas at sinundan ko ang himig ng musika na para bang nang-aakit. Teka lang parang mali yata ang nakikita ko, isang truck na naghahakot ng basura, napaisip na lang ako, hudyat pala ito na darating na sila at kokolektahin na ang mga basura, walang katulad napaka organisado talaga dito. At hindi lang yan nagkalat din ang “night market” dito sa bawat sulok ay may makikita ka. Mga murang bilihin subalit de kalidad at matibay. Nariyan din ang sari sari at kakaibang mga “street  foods” .  Sa Tainan pa lamang ay matatagpuan na ang bantog na  “ Salt Mountain” na nabuo mula sa huling base ng Cigu’s Salt Industry na umabot sa taas na hanggang ika-apat na palapag at naging atraksyon. Wala talagang tatalo sa mga “Theme Park” dito sa Taiwan numero uno ang E-da World sa Kaohsiung na talagang kamangha-mangha, Nang ako ay pumaroon ay sinakyan ko ang matayog na “Ferris Wheel” at habang nakasakay ay naisip ko na parang ganito rin ang buhay ng tao minsan nasa baba minsan nasa itaas, nasa iyo lang kung pano ka lalaban sa mga pagsubok. Kagila-gilalas rin ang “Big air roller coaster” at ang “Dark ride roller coaster”. Pumapangalawa ay ang “Janfusun Fancy World” sa Yunlin County ang pangunahin nitong atraksyon ay ang ipinagmamalaki nitong “Diving machine na nakakalula. Nariyan rin at binabalikbalikan ng mga tao ang “Flic Flac” at ang “Inverter”. Hindi naman magpapahuli ang Leofoo Village sa Hsinchu ang mga sasagupain mo roon ay ang malademonyong “Ring of Fire” dahil sa pabalibaligtad nitong galaw. Isama mo na ang  “Sea adventure” at ang “Flying carpet”. Para kang nasa gubat kapag napasok mo ang “Monkey train” at sa maalong dagat naman sakay ng “Rocking steamboat”. 
                Kahit magdaan pa ang panahon ay hindi nagpapahuli ang ating mga bansa sa larangan ng Palakasan, sa lakas ng hagis ng bola ng “pitcher” na si Chien Ming Wang na malaipu-ipo ay siguradong  hindi kayang tamaan ng sinuman sa kabilang koponan.Si Chien  ay ipinanganak sa Tainan City noong Marso 31, 1981 at nagsimula bilang “free agent” at nakapaglaro na sa iba’t ibang liga at koponan ng Baseball sa Amerika.Sa lupit naman ng pagpapagulong ng bola ni Paeng Nepomuceno ay hagibis ang pagtalsik ng mga bolilyo,Si Paeng na ipinanganak noong Enero 30, 1957 at napabilang na sa aklat ng Guiness book of World Records. Gayundin ang bilis ng pag-ayuda ni Jeremy Lin papunta sa buslo ay siguradong walang makakasabay, lalo na sa mga nakakabulag niyang pasa at umuusok na tres..Anak ng mga migranteng mula sa Taiwan at ipinanganak sa Los Angeles, California. “Linsanity” sino ba ang makakalimot dito na natunghayan ng buong mundo kung paano inangat ni Lin ang naghihingalong New York Knicks noong 2011-2012 NBA season sa kanyang gilas at talino sa larangan ng basketbol. At ang 8th Division World champion na si Manny Pacquiao na hinangaan rin ng marami dahil sa talento nito sa larangan ng boxing .sa mga bakal niyang kamao at bilis ng kanyang suntok lahat ay tumataob.Siya ay ipinanganak sa Bukidnon at laking General Santos sa Pilipinas. Tunay ngang sila ay kahanga-hanga at minsan na ring napabilang sa sikat na magazine na Time.
              Limampong  taon! Yan ang haba ng panahon kung saan napasailalim ang Taiwan sa kamay ng mga Hapon. Walang kalayaan at walang karapatan sa sariling bayan. Nasaan na ang kalayaan at pagkapantay-pantay na pinangarap ni Sun Yat Sen para sa lahat? 
             Nagwakas rin ang pananakop ng mga Hapon sa Taiwan sa Tulong ng Bansang  Tsina. Oktubre bente sinko taong  1945 nilagdaan ni Ando Rikichi ang mga dokumento ng pagsuko sa Taipei Convention Hall. Lahat ay masaya at nagalak sa tagumpay.  “Ito na ang pinakamasayang araw ng aking buhay, Sa wakas tayo na ang master ng sarili nating bahay ang mga araw ng pang aalila ay tuluyan nang naglaho” wika ni Dr. Lim Bo Seng isang kilalang iskolar sa Taiwan. Ngunit ang tanong… Tapos na nga ba ang laban? Malaya na nga ba ang Taiwan?
                 Mali pala ang lahat ang inakalang pagtulong ng Tsina sa Taiwan upang alisin ang pagkakatali ay isa palang bitag. “ Sa lahat ng aspeto ang mga Tsino ay pumalit lamang sa mga Hapon upang maging makapangyarihan” – George H. Kerr. Nakasulat rin sa kaniyang limang daang pahinang aklat kung paano tinraydor ng mga Tsino at inalila ang mga Taiwanese, na pinamagatang “Formosa Betrayed”. Ang liwanag ay nabalot ng kawalan ng pag-asa at poot. Maraming mga tao ang dinukot at pinatay, ang mga tao’y pinagkaitan ng demokrasya, ang nepotismo ay lumaganap, krimen at kawalan ng hustisya.
                Katulad ng Mirasol na bigla na lamang umusbong ang mga tao ay nagkaisa dahil sobra sobra nang karahasan na kanilang nakamit at sa krimen na kanilang nasilayan noong 228 incident, Doon nagsimulang namulat ang lahat. Nag-aklas tungo sa kalayaan. Sa isang marahas na pag-bangon. 
               Hanggang ngayon di pa rin sumusuko ang Taiwan sa pamamagitan ng kanilang protesta laban sa TISA (Trade In Service Agreement) ito ay ang pagpapalawak at pagbubukas ng Tsina ng kanilang mga negosyo dito sa Taiwan. Kayat lumabas ang “Sunflower Movement” at nagprotesta noong  Marso 25, 2014 sa gusali ng Lehislature ng Taiwan. Layunin rin nilang sugpuin ang “block box system” at kailangan ng “transparency”. Ipinagsisigawan rin na sugpuin ang Kapitalismo at pigilan ang bultuhang pagpasok ng mga Tsino upang maiwasan ang pagdomina sa identidad ng mga Taiwanese. Ngunit hindi ito ang nakita kong demokrasya na ang mga estudyanteng nagpoprotesta ay ginamitan ng dahas sa pamamagitan ng kanyon na tubig daan daang tao ang nasaktan. Siguradong hindi matutuwa si Kung Yu Jen dyan. Sana  ang pakay lamang nila ay ang patas na pagkakasundo at hindi ang nakasisilaw at kahinahinalang pahiwatig ng Tsina  sa pagpapalawig ng teritoryo at ng kanilang Pambansang seguridad. Hindi kaya ito ay magdulot lamang ng malubha at hindi mapawalang bisang pinsala sa Taiwan. 
                   Sa aking pananaw ay ang Taiwan ay isang ganap na bansa hindi ko ito nakikita bilang Probinsiya ng Tsina. Mga mamamayan na may sariling pagkatao, kultura at identidad. Balang araw makakamit rin ng bansang ito ang kanilang ninanais ang sigaw ng kanilang damdamin.
               Nasaan na ang kaunlaran na tinamasa ng Pilipinas noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos? Sabi nila ninakaw ni Marcos ang kaban ng Bayan nang siya ay nakaluklok pa lamang, ang tanong bakit pangalawa ang Pilipinas sa Japan pagdating sa kaunlaran? Hindi ba’t dahil ito sa diskarte, talino at matinding estratehiya ni Marcos pagdating sa pulitika at ekonomiks. Kung mapapansin natin mas parami pang naitayong istruktura at mga proyektong naipatupad si Marcos, noo’y ramdam ang kaunlaran kahit ang Bayan ay nasa ilalim ng martial law.Hindi niya pinatupad ang Martial Law para lamang lumawig ang kaniyang kapangyarihan.Magulo nung mga panahong yun isa ang kaguluhan sa mga kundisyon upang pagpatupad ng martial law.. maraming plano si Marcos sa Pilipinas. Dahil ang husay ni Ginoong Marcos ay hindi matatawaran at walang kapantay.
             Saan napupunta ang buwis ng mga Filipino ngaun? kay “Napoles”? Kailan kaya aahon ang Pilipinas? Hindi pa huli ang lahat may isang Marcos pa sa Senado upang muling mamuno sa ating Bansa. Panahon na para mamulat, para gumising at para mamili ng  totoong Pangulo.”Maraming mga bagay ang hindi natin nais tungkol sa mundo. Huwag tayong humagulgol lamang. Baguhin natin ito” – Ferdinand Edralin Marcos.          
               Sa sobrang pagmamahal ko sa dalawang bansang ito ay naisipan kong isulat pa ito…..
                         

                         O aking hirang kalianma’y hindi ka sumuko
                         Sa matatamis nilang salita at huwad na pangako
                         Iyong Ipaglalaban ang islang hugis puso
                         Sa pagtibok nito tapang ay nag-ibayo
                          Ika’y nakibaka mula Taipei hanggang Pingtung
                          Sa pang-aalipusta hindi ka umurong

                        Itinaas ang bandera sigaw ay kalayaan
                           Kami ay naririto sa sarili naming Bayan
                           Kahit ang Pescadores ay iyong inalagaan
                          Teritoryong ito’y hindi pababayaan
                           Di rin hinayaang angkinin mga likas na yaman
                          Mga mapupulang ulap na iyong masisilayan
                          Bago lumubog ang araw doon sa Alishan
                            Ang Kristal na hatid ng shifen water fall
                            At malagintong pagdaloy ng Jinguashi water fall
                            Damdamin ay labis na naglalagablab
                            Sa init at kagandahan ng lambak Beitou

                            Ang kagila-gilalas na Pagong na isla
                            Tiyak na magpapasalamat sa iyong pag kalinga
                            Sa berdeng kagubatan at asul na karagatan
                            Mga kalye at gusaling naggagandahan
                            Lalo na ang matayog na Taipei101
                            Animo’y libreng wifi sa pangkalahatan.

                           Ngayong nalaman mo nang ito ay sariling bayan
                           Na ang mga Taiwanese ay para sa Taiwan
                           Pangil mo’y aming wawasakin
                           At matulis na kuko’y aming puputulin 
                          Kahit isama mo pa ang iyong puting lobo
                         Si Formosa ay di pagagapi na may mirasol sa ulo.


                        

                            Sa madilim na sulok ako ay nangangapa
                            Ang kinabukasan ay may pag-asa pa ba?
                            Ilang beses mo nang ipinaglaban 
                            Ang sarili nating Bayan
                            Kastila, Hapon at sa mga Amerikano
                            Ngunit ang kaunlara’y di pa rin matamo
                            Tayo ay nangangailangan ng tunay na pangulo
                            Na may adhikain at sapat na talino
                            Hindi isang pasista na mistulang payaso
                            Na lalong nagpapahirap sa mga tao
                           
                             May pag-asa pa hindi pa huli ang lahat
                            Tayo’y bumangon at maging tapat
                            Sa ating Bayang sinilangan tayo ay magsilbi
                            Huwag na muna nating iasa sa mga namumuno
                            Dahil kanilang mga pangako ay laging napapako.

                            
                            Luzon, Visayas at Mindanao
                           Ikaw! oo ikaw na ang hinahanap
                           Ng ating bansa na puno ng mahihirap
                           Sama-sama tayong umahon
                            Magtulungan at magtipon

                           Alam nyo ba kung saan natin mahahanap
                           Ang tunay na liwanag at pag-asa?
                           Dito sa kaibuturan ng ating puso at konsensya
                           Laging gumawa ng tama at magmalasakit sa kapwa
                           At bago ko wakasan ito’y may iiwanan ako
                          Isang linya na sa buhay ninyo’y maaaring magpabago
                         “ Kababayan sana ay maging tapat ka,
                          Dahil kapag tapat ka Malaya ka”.

               Dala ang pag-asa, ang mirasol ay patuloy na mamumukadkad sa pusod ng Formosa. Ang kalayaan at anarkiya ay ipaglalaban, kasabay ng pagkinang ng Perlas ng Silanganan na balang araw ay makakamit ang tunay na pagbabago. “palaging sinasabi ni Ina na ang buhay ay tulad ng kahon ng tsokolate, hindi mo malalaman kung ano ang mapapasaiyo” –Forrest  Gump.
                              
               Teka nga balik muna tayo sa realidad na ako ay nandirito sa aming kwarto na may  apat na katao, nakabaluktot sa medyo masikip kong kama na may sukat na tatlong talampakan ang lawak at anim na talampakan ang haba, mga gamit na kay gulo at kurtinang ikinabit upang buhay ay pansamantalang maging pribado, malayo sa pamilya ngunit sa tulong ng libreng wifi ay naaabot ko rin sila, at bukas ng umaga ako ay gigising upang pumasok sa trabaho, taga lagay ng prutas,gulay at kung ano-ano pa sa mga plato na magsisilbing pagkain ng mga pasahero sa eroplano,Hindi ko man maisuot ang singsing ko nuong kasal pagdating sa trabaho sapagkat ito ay ipinagbabawal,ay ayos lang dahil narito lagi ang aking kabiyak sa aking puso. Ganun lang ng buhay ko araw araw , simple di ba? Paulit-ulit na siklo ng buhay hangang sa isang araw makakita ka ng tunay na pag-asa tulad ng isang mirasol na naging inspirasyon ko . Mirasol na magbibigay ng pag- asa upang tayo ay patuloy na lumaban sa mga hamon ng buhay. Ano man ang nakalaan para sa atin? “ panahon lang ang makapagsasabi” 
"