Hulyo

2015/4/14 / jaona / Hulyo / Pilipinas 菲律賓 / Wala

Hulyo 3. Araw ng magandang balita. Nakatangap ako ng tawag mula sa aking ahensya. Pinapaalam nila na maayos na aking mga papeles para sa pag alis at pagtratrabaho sa Taiwan. Napuno ako ng galak. Ito na ang araw ng aking pag alis ang araw na ako ay tutungo sa ibang bansa. Bansa na di ko alam, bansang huhubog sa akin bilang isang mangagawa.
Kelangan kong bumyahe ng mahigit na anim na oras upang marating ko ang Maynila. Kasabay ng pag andar ng bus ay ang pagpatak ng ulan. Wari’y namamaalam, wari’y nalulungkot sa aking pag alis. Narating ko ang Maynila at umuulan pa. Wala akong dalang pananga sa ulan kaya’t ako ay nakisilong muna. Nalungkot ako – nadismaya dahil ang ulan na ito parang nais pigilan ang mga pangarap ko. Ngunit ako ay di nagpapigil. Buo na ang loob upang iwan ang Pinas at tahakin ang bagong landas na ihahain  sa akin ng pagiging mangagawa sa ibang bansa.
Hulyo 4. Araw ng paglipad. Gaya ng isang batang sasama sa isang paglalakbay, napuno ako ng saya at labis na pagkasabik. Pinanood kung umangat ang eroplano. Namangha ako sa kagandahan ng ulap at ng himpapawid. Likas na napakarunong ng Panginoon dahil sa mga likha Nyang ito. Napatingin ako sa baba nakita ko ang mga polo na paliit ng paliit. Naisip ko ang aming tahanan, ang aming lugar. Naisip ko nung ako’y bata pa na may munting pangarap na makasakay ng eroplana. Ngayon nandito na ako. Napalitan ang pangungulila ng saya dahil sa aking mga nakikita. Hangang sa makalapag na ang eroplano, ako ay puno ng pananabik at saya. Ngayon nga ay nandito na ako. Wala ng balikan, wala ng urungan.
Hulyo 5. Araw ng trabaho. Pitong matatanda ang aking aalagaan. Sila ay kumakain sa pamamagitan ng tubo sa ilong, di sila makagalaw, di makasalita, di makayang umupo ng walang tulong. Ako ay nahabag sa aking nakita. Sila ang aking mga bagong pamilya mga bagong makakasama sa aking trabaho. Habang sila ay aking pinagmamasdan ako ay taimtim na nagpasalamat sa biyaya ng aking tinatamasa sa mga kamay na gumagalaw,  sa mga paang nakakalakad at sa maayos na katawan. Gaya nila, alam kong ramdam din nila ang lungkot at pangungulila sa kanilang pamilya gaya ng aking nararamdaman. Ang kaibahan nga lang ang pamilya nila pwedeng dumalaw samantalang ako milya milya ang layo ko sa pamilyang aking kinagisnan.
Hulyo 6, Araw ng pangungulila. Kakatapos ko lang magpaligo ng aking mga naynay. Dala ng subrang pagod, napaupo muna ako at biglang napaisip kakayanin ko pa ba? May lakas pa ba ako para sa mga araw pang darating? Nakatingin ako sa kawalan. Natigil ang aking pag-iisip ng may sumilip sa pinto at biglang nagsalita. “Magandang umaga!! Mabuhay!” nagulat ako at napangiti. Siya si Susu isang Taiwanese na nagtatrabaho bilang tagalaba ng mga damit ng mga alaga nandito siya para kuhanin ang mga damit ng aking mga alaga. Tinanung niya ang akin pangalan at bago umalis ngumiti siya at sinabing “Jayo”. Sa mga katagang yun naramdaman ko ang pagdamay, naramdaman ko ang pagpapalakas niya ng aking loob. Si Susu ay malapit sa mga banyagang mangagawa kaya may mga piling salita siyang alam na Tagalog. Matanda na din ngunit siya ay palaban pa din sa hamon ng buhay gaya ng ibang mga Taiwanese na nakikita ko sa Nursing Home na eto. Pinipili nila ang magtrabaho kesa maupo at hintayin na lang ang paglubog ng araw. Mga palaban sila sa hamon ng katandaan. Mga taong malalakas at handang makipagsapalaran. Ito ang isa sa mga katangian na aking tinitingala sa kanila ang pagiging masipag.
Ang Hulyo ay nagiging Agosto at Agosto ay nagging Septembre, nakakaya ko na din ang trabaho dito. Nakakaya ko ng sumabay sa mga galaw ng mga kasamahan ko nakakayang tumawa at tumayo mag isa. Minsan habang papauwi na ako, napadaan ako sa isang matanda na tumutugtug gamit ang kanyang harmonica. Luma at malungkot na himig ang kanyang tinutugtug.  Ako ay saglit na nakinig at naupo sa kanyang tabi hangang sa siya ay matapos. Nais ko siyang kausapin pero ako ay nag aalangan dahil di pa ako nakakasalita ng Mandarin. Ngunit siya na mismo ang naunang nagsalita sa wikang Ingles. Natuwa ako at nasabing sana ay patuloy pa din siya sa pagtugtug khit siya ay matanda na. Dahil sa tugtug na ito kahit malungkot pa ay tumatagos at waring yumayakap sa puso ng taong pagod at nangungulila. Napawi ang pagod ko sa aking bagong kaibigan- si Mr. Peter.
Sina Susu at Mr. Peter ay ilan lamang sa mga taong bumubuo ng mga masasayang araw ko dito sa Taiwan. Sila ang mga taong lubos na tumangap at nagpatuloy sa akin sa lugar na di ko alam- sa lugar na puno ng pagsubok. Sila ay ilan lamang sa mga taong tinuring akong kapamilya kahit na ang aming lahi at salita ay iba. Patuloy akong magkakaroon ng lakas ng loob para mgtrabaho, at makipagsapalaran dito sa Taiwan dahil alam kong may mga taong gaya nila na aking maasahang magbibigay ng dahilan para magpatuloy. Mga taong titignan ang aking kakayahan at tutulong upang lumaban sa buhay. Jayo!