2015/3/18 / MARA / SA BAWAT PAGSUBOK, SAKRIPISYO AT PAGHIHIRAP AY MAY NAKALAANG GANTIMPALA / Pilipinas 菲律賓 / PHIL-TAI ORGANIZATION
Ako si Mara. Taong 2003 isa ako sa libo-libong Pilipino na umalis ng Pilipinas at piniling iwanan ang pamilya upang mag-trabaho sa ibang Bansa. Bente anyos lamang ako noon. Mataas ang aking pangarap, hindi lamang para sa aking sarili, higit sa lahat para sa aking pamilya. Sila ang buhay ko. Alam ko kung gaano pinagsikapan ng aking mga magulang na makatapos ako ng kolehiyo. Ang aking ama ay halos makuba na sa pagbubukid, sunog na ang balat sa pagbibilad sa araw at laging babad ang mga paa sa putik. May pagkakataon na nararamdaman ko na napapagod na sila at gusto ng sumuko ngunit ginawa parin nila ang lahat upang makatapos ako ng pag aaral. Laging sinasabi sa akin ng aking ama na ito lamang ang tanging kayamanan na maipapamana nila na kailanman ay hindi makukuha sa akin ng iba. Ito ang magiging susi ko sa pintuan ng aking mga pangarap. Ngunit hindi rin pala magiging ganoon kadali ang lahat. Sa libo-libong nagtatapos ng pag aaral taon-taon, libo-libo rin ang naghahanap ng trabaho at hindi sapat ang trabaho na maibibigay ng aming gobyerno sa Pilipinas kaya maraming Pilipino ang umaalis upang maghanap ng trabaho sa ibang Bansa at isa ako sa kanila.
Naalala ko pa noon, puno ng takot, lungkot at pag-aalinlangan ang aking puso dahil iyon ang unang pagkakataon na malalayo ako sa aking pamilya at isa pa mayroon akong kasintahan na maiiwan. Ngunit ang kagustuhan kong mabigyan ng komportableng pamumuhay ang aking mga magulang ang nagbigay sa akin ng tapang at lakas ng loob upang ituloy at abutin ko ang aking mga pangarap para sa kanila. Suportado ako ng aking pamilya gayundin ng aking kasintahan na tutol man sa desisyon kong umalis ng Bansa ay buong buo parin ang suportang ibinigay sa akin at nangakong maghihintay sa aking pagbabalik.
Ang tapang at lakas ng loob na aking dala ay mabilis na nawala pag dating ko dito sa Taiwan. Unang araw ko pa lamang ay labis ng lungkot at pangungulila sa aking pamilya at kasintahan ang aking naramdaman. Noon ko lamang napagtanto ang reyalidad na ako ay nasa dayuhang lupain at libo-libong milya ang layo ko mula sa kanila. Ang labis na pangungulila sa kanila ang aking naging kalaban. Pangungulila sa luto ng aking ina, sa yakap ng aking ama at sa masasayang kwentuhan kasama ang aking mga kapatid. Maging ang munti naming bahay, ang alaga naming aso at ang tilaok ng mga alagang manok ng aking ama sa umaga ay nami-miss ko. Napakahirap para sa akin ang mag adjust sa pagkain, sa paligid, at lalo na sa lengguahe, ibang-iba sa aking nakasanayan. Maraming beses na naisipan ko na umuwi na lamang lalo na kapag may mga mahahalagang okasyon na ipinagdiriwang kasama ang buong pamilya ngunit alam kong hindi magiging ganoon kadali ang lahat. Paano na ang pangarap ko para sa mga magulang at kapatid ko? Hindi ko pwedeng balewalain iyon at ayoko silang biguin. Kailangan kong magpakatatag. Muling nangibabaw sa isip ko ang dahilan kung bakit ako nasa Taiwan at malayo sa aking pamilya. Dahil para sa kanila ang lahat ng ito.
Itinuon ko ang aking isip sa aking trabaho. Nagsikap ako na matutuhan ang kanilang lengguahe upang kahit papaano ay makasalamuha ko rin ang mga Taiwanese na kasamahan ko sa trabaho. Sa tulong ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Taiwanese ay unti-unting nabawasan ang lungkot at pangungulila ko sa aking pamilya. Dobleng pagtitipid ang ginawa ko upang makaipon at makapagpadala ng pera sa mga magulang ko. Masayang masaya ako kapag nakakausap ko ang aking ama sa telepono at sinasabi ang mga nabili nila mula sa perang pinadadala ko. Sa tuwina ay lagi silang nagpapasalamat sa akin. Buong buhay ko ay sinuportahan nila ang lahat ng aking pangangailangan kaya ngayon ako naman ang magsisilbi at susuporta sa kanila.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Walong buwan na lamang ay matatapos ko na ang aking kontrata. Sa wakas ay makakauwi narin ako, makikita at mayayakap ko na ang aking pamilya. Nasasabik narin akong makitang muli ang aking kasintahan. Marami kaming plano at isa na doon ang hindi na ako muli pang aalis ng Bansa. Pagsasamahin namin ang aming mga ipon at magtatayo kami ng maliit na negosyo at kapag matatag na ang kita ay saka kami magpaplanong magpakasal. Ngunit ang lahat ng iyon ay naglaho na parang bula dahil hindi siya tumupad sa kanyang mga pangako. Nalaman ko na nakakilala at nakabuntis siya ng ibang babae. Sobrang sakit. Gusto kong umuwi ng oras na iyon at iparamdam sa kanya ang sakit ng ginawa nya ngunit alam ko na kahit ano pa man ang gawin ko, hindi na magbabago ang katotohan na may pananagutan na siya. Hindi ko na pinakinggan pa ang kanyang mga paliwanag, ang tanging alam ko lang ay niloko niya ako at kailanman ay hindi ko siya mapapatawad. Kahit masakit ay pinili kong gawin ang tama. Nakipaghiwalay ako sa kanya. Alam kong makakaya ko ring makalimot at magpatawad sa tamang panahon. Alam ko rin na may dahilan ang lahat ng nangyayari, maaaring hindi siya ang inilaan ng Panginoon para sa akin at may mas nakahihigit pa sa kanya na darating, magmamahal at magpapasaya sa buhay ko. Noong umuwi ako ng Pilipinas pagkatapos ng aking kontrata ay sinubukan pa niya akong kausapin ngunit hindi ko na siya kinausap pa.
Ang plano kong hindi na muling aalis ng Bansa ay hindi natuloy. Isang buwan lamang ang nakalipas mula ng ako ay umuwi ay muli na naman akong nag-ayos ng papeles papunta ng Taiwan. Sabi ng mga kaibigan ko kaya daw siguro ako aalis muli ay upang makalimot sa nangyari sa amin ng aking kasintahan. Tama sila, sa tingin ko ay mas mabilis kong makakalimutan ang lahat kung malayo ako sa lahat ng bagay at lugar na makakapag paalala sa akin sa kanya. Pero bukod doon ay may mas importante pang dahilan kung bakit pinili kong umalis muli.
Noong umuwi ako ay nakita ko kung gaano na kaluma at may mga sira narin ang aming bahay. Sa tuwing umuulan ay may bahagi ng aming bubong ang tumutulo. Gusto kong maipagawa ang aming bahay. Alam kong hindi magiging ganoon kadali ngunit alam ko rin na sa tamang pag-iipon ay makakaya kong maipagawa ito. Mabilis akong nakabalik ng Taiwan at sa pagkakataong iyon ay medyo sanay na ako. Madali ko nang nalagpasan ang lungkot at pangungulila sa aking pamilya. Ang isip ko ay nakatuon sa pag-iipon para sa aming bagong bahay. Ngunit sa pangalawang pagkakataon ay isa na namang pagsubok ang dumating sa buhay ko, sa pamilya ko.
Nagkaroon ng bukol sa kanang hita ang aking bunsong kapatid. Unti-unti itong lumalaki dahilan upang mahirapan siyang lumakad. Kinailangan niyang sumailalim sa operasyon. Akala ko pagkatapos ng operasyon ay magiging maayos na ang lahat ngunit simula pa lamang pala iyon ng mas mabigat pang pagsubok. Ang bukol sa hita ng kapatid ko ay hindi simpleng bukol lamang. Ito ay kanser. Noong nalaman ko ang sitwasyon ng aking kapatid ay namanhid ang aking buong katawan, pakiramdam ko ay bumagsak sa akin ang buong mundo. Takot na takot ako sa maaaring mangyari sa kanya. Alam kong mahirap matalo ang ganitong uri ng sakit at kakailanganin ng mahabang gamutan. Alam ko rin na hindi sapat ang aking naipon para maipagamot siya. Parang puputok ang ulo ko sa pag-iisip ng paraan kung paano namin masusuportahan ang pagpapagamot niya.
Sumailalim siya sa maraming pagsusuri at nalaman namin na masyado ng malaki ang naging pinsala ng kanser sa kanyang buto sa hita. Ang labis naming ipinagpapasalamat ay hindi pa ito kumakalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan at ayon sa mga Doktor dahil sa malaki na ang naging pinsala sa kanyang buto kinakailangang putulin na ang kanyang kanang paa o kaya naman ay palitan ng artipisyal na buto ang buto nya mula sa hita hanggang sa tuhod, dito ay maaring pa siyang makalakad muli ng normal ngunit kailangan naming ihanda ang aming mga sarili dahil kakailanganin namin ng malaking halaga ng pera at iyon ang wala kami.
Masakit man sa aming kalooban ay napagdesisyunan namin na ipaputol na lamang ang kanyang paa. Ang mahalaga ay gumaling at mabuhay sya. Alam kong mahirap para sa kapatid ko na tanggapin ang kanyang kapalaran ngunit siniguro namin sa kanya na hindi namin siya pababayaan at mawala man ang isang paa niya nandito kaming buong pamilya niya upang maging kanang paa niya at alam kong kailanman ay hindi siya pababayaan ng Panginoon.
Ngunit nagbago ang aming desisyon ng makausap ko sa telepono ang aking kapatid. Puro iyak at pakiusap ang narinig ko mula sa kanya..
""Ate.. parang awa mo na, tulungan mo ako, ayokong mawala ang aking paa, gusto ko pang makalakad muli ng normal..pakiusap.""
Parang sasabog ang puso ko sa sinabi niya. Sobrang awa ang naramdaman ko para sa aking kapatid. Kung pwede ko lamang kuhanin ang kanyang sakit hindi ako magdadalawang isip na gawin iyon. Bilang Ate niya na labis na nagmamahal sa kanya, nangako akong gagawin ko ang lahat ng aming makakaya upang maipagamot siya.
Ipinadala ko ang lahat ng aking naipon at ibinenta naman ng aking ama ang maliit na lupa na namana niya mula sa kanyang mga magulang. Gustong gusto kong umuwi upang makita at mayakap ang aking kapatid ngunit alam kong kailangan kong itabi ang lahat ng pera na kikitain ko para sa pagpapagamot niya. Nabaon kami sa utang mula sa aming mga kamag-anak. Marami rin ang mga kamag-anak at kaibigan ang nagbigay ng tulong at sa awa at gabay ng Panginoon ay nakalikom kami ng sapat na halaga upang mapalitan ang nasirang buto ng aking kapatid. Naisagawa ang kanyang operasyon at naging mabilis ang kanyang pag-galing. Unti-unti siyang nakalakad sa tulong ng saklay at lingguhang therapy.
Makalipas ang isang taon ay tuluyan na siyang nakalakad bagamat hindi na kasing bilis ng dati ang mahalaga ay malusog at kumpleto ang kanyang mga paa. Masayang masaya ako at labis ang pasasalamat sa Panginoon dahil naging maayos na ang kalagayan at kalusugan ng aking kapatid.
Ngunit noong magsimula siyang makalakad ay nagsimula na ring maningil ang aming mga inutangang kamag-anak. Ito ang bagay na labis kong pinangangambahan dahil alam ko na wala pa kaming kakayahang magbayad. Umaasa ako na mauunawaan nila ang aming sitwasyon at bibigyan pa ng mahabang panahon upang makaipon ngunit hindi nangyari iyon. Lagi nilang pinapatawag ang aking mga magulang upang singilin at kapag hindi makabayad ay masasakit na salita ang kanilang naririnig ngunit wala silang magawa kung hindi tanggapin na lamang ang lahat. May pagkakataon pa na ipakukulong daw ang aking ama kung hindi kami magbabayad. Sobrang sakit para sa akin ng malaman ko iyon. Lagi ng nakikiusap sa kanila ang aking mga magulang at lagi na rin umiiyak ang aking ina sa tuwing makakausap ko sa telepono at napakasakit sa akin bilang anak ang marinig ito. Gusto kong magalit at magdamdam sa aming mga kamag-anak ngunit alam kong wala akong karapatan dahil una sa lahat pera nila ang ginamit namin upang maipagamot ang aking kapatid at habang buhay naming utang na loob iyon. Habang buhay naming ipagpapasalamat iyon. Ipinangako ko na lamang sa sarili ko na gagawin ko ang lahat ng magagawa ko upang makabayad at maging maayos na ang lahat. Ang malaking bahagi ng aking sahod ay ipinadadala ko upang makabawas sa aming mga utang. Ayos lang kahit wala ng matira sa akin dahil ang importante sa akin ay ang kaayusan ng buhay ng aking pamilya. Sapat na sa akin iyon. Masayang masaya na ako doon.
Muling natapos ang aking kontrata at umuwi akong walang ipon. May lungkot akong naramdaman ng masilayan kong muli ang aming munting bahay. Nawala na ang pag asa kong maipapagawa pa iyon. Pero ang lungkot na iyon ay nawala ng makita kong masayang sumalubong sa akin ang aking mga magulang at kapatid. Sila ang aking tunay na kayamanan. Walang materyal na bagay ang makahihigit sa pagmamahal ng pamilya. Buo kami at iyon ang mahalaga.
Alam kong darating din ang panahon na magiging maayos ang lahat.
Sa ikatlong pagkakataon ay muli akong bumalik ng Taiwan. Kailanman ay hindi ako mapapagod na sumubok at tuparin ang aking mga pangarap. Kailanman ay hindi mawawala ang pananalig ko sa Panginoon na darating din sa tamang panahon ang maganda at maginhawang buhay na inilaan Niya para sa akin. Naniniwala ako na pagkatapos ng malakas na ulan ay may araw na sisikat.
Sa pagbalik ko dito sa Taiwan ay nakilala ko si Akuey, isang Taiwanese at kasamahan ko sa trabaho. Unang kita ko pa lamang sa kanya alam ko sa puso ko na siya na ang taong inilaan ng Panginoon na magiging katuwang at karugtong ng aking buhay. Sa maiksing panahon ay nagkapalagayan kami ng loob. Nasa kanya na lahat ng hinahanap ko, mabait, mapagmahal, tapat, responsable at higit sa lahat mahal at iginagalang ang pamilya ko. Magkaiba man ang aming mga paniniwala, hindi naging hadlang iyon sa aming maayos na pagsasama. Nirerespeto nya ang aking paniniwala at gayundin naman ako sa kanya. Kahit sa aking panaginip ay hindi ko inasahan na isang dayuhan ang aking mapapangasawa ngunit ang pagdating ni Akuey ay isang napakagandang regalo sa buhay ko. Araw-araw ay nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil isang tulad ni Akuey ang ibinigay nya sa akin. Napakaswerte ko.
Sa ngayon ay mag-lilimang taon na kaming kasal at may dalawa na kaming anak. Habang tumatagal ang aming pagsasama ay lalo kong nakikilala ang kabutihan niya at lalong lumalaki ang pagmamahal at respeto ko sa kanya. Siya ang napakagandang gantimpala sa akin ng Panginoon sa lahat ng pasubok, sakripisyo at paghihirap na aking naranasan at wala na akong mahihiling pa. Maayos na rin ang kalagayan ng aking pamilya sa Pilipinas. Hindi ko pa naipapagawa ang aming munting bahay ngunit unti-unti naman ay nakabayad kami mula sa aming pagkakautang at iyon ang mahalaga sa ngayon. Alam ko na sa tamang panahon ay matutupad ko rin ang pangarap ko na maipagawa ito.
Napakalaki ng naging bahagi ng Taiwan sa aking buhay. Isang banyagang lugar na nagbigay sa akin ng pagkakataon na abutin ko ang aking mga pangarap. Narito ako ng unang mabigo sa pag-ibig at narito rin ako ng dumating ang pinakamabigat na pagsubok sa aming pamilya. Dito ako naging matatag, naging responsable at natutong tumayo sa sariling mga paa. Hindi ko man nakuha ang inaasam kong maginhawang buhay ng magtrabaho ako dito ay labis-labis naman ang tulong na nagawa nito sa buhay ko lalo na sa buhay ng aking pamilya. Isa ito sa sumagip sa buhay ng aking kapatid. At higit sa lahat
dito ko nakilala ang taong nagpakumpleto ng buhay ko, ang dahilan kung bakit araw araw akong masaya, ang aking asawa. Habang buhay akong magpapasalamat sa Bansang ito. Dito na ako kasalukuyang naninirahan kasama ang aking asawa't mga anak. Ang Taiwan ang aking pangalawang tahanan.
Alam kong marami pang pagsubok ang darating sa aking buhay pero hangga't nasa tabi ko ang aking pamilya, ang aking asawa't mga anak at higit sa lahat ang Panginoon, nasisiguro ko na malalagpasan at mapagtatagumpayan ko ang lahat ng iyon.
Ang pagsubok ay bahagi ng buhay ng tao at ang hirap at sakit na ating nararanasan ay hindi dahilan upang tayo ay sumuko at mawalan ng pag asa. Habang may buhay ay may pag asa. Gawin natin itong inspirasyon upang mapagtagumpayan ang lahat ng hamon ng buhay.