2015/3/18 / Michelle Marie R. Tang / Ang kwento ng aking buhay / Pilipinas 菲律賓 / wala
"Pangako na Puno ng Pasubok
Dati akong isang manggagawa dito sa Taiwan, walang kaalam – alam sa kanilang kultura at hindi rin ako marunong sa kanilang lengguahe. Pero habang tumatagal natuto akong makisalamuha sa mga Taiwanese at unti – unti kong napag aralan ang kanilang lengguahe. Sa pagkain naman nila, dati ako’y naninibago, nababahuan pero pagkalipas ng ilang buwan natutunan ko ring kainin at tikman lahat ng pagkain nila dito. Habang tumatagal napapamahal ako sa bansang Taiwan sapagkat para sa akin napakaganda at napakahusay ng kanilang pamamahala at pamamalakad. Ang bawat mamamayan ay may kakayahan at karapatan upang mamasukan sa trabaho, bata, matanda, may pinag aralan man o wala at kahit ang may kapansanan. Lahat dito ay pantay – pantay mahirap man o mayaman. Ako’y humahanga sa bansang ito sapagkat kahit saan ka man magpunta ikaw ay ligtas, mapaumaga man o gabi. Ang bawat isa ay may disiplina at may takot sa ahensya ng pulisya. Kaya minsan hindi ko maiwasan na ikumpara ang bansang Taiwan sa bansang aking sinilangan.
Taong 2011 natapos ang aking kontrata bilang isang manggagawa (OCW). Pag uwi ng Pilipinas sinamahan ko ang aking ina para sa kanyang operasyon. Sabi ng doktor kailangan daw na tanggalin yong breast ng aking ina para hindi na kumalat yong kanser sa ibang parte ng kanyang katawan. Pagkatapos ng operasyon nan diyan yong chemotherapy tatlong beses, mga gamot at kailangan din ng pagsusuri isang beses sa isang linggo. Nung medyo bumuti na ang pakiramdam ng aking ina nakapag desisyon kami ng aking kasintahan na Taiwanese na magpakasal. Pagkatapos ng kasal nilakad ko ang aking mga papeles para makabalik ulit dito sa Taiwan at nangako ako sa aking ina na pag natapos na lahat yong chemotherapy niya ipapasyal ko siya dito Taiwan. Taon 2013 January 23 nakabalik ako bilang isang dayuhang asawa “sim poo”. Hindi naman ako nahirapan sa pakikitungo sa aking mga byanan sapagkat mabait ang mga ito. Noong unang buwan ako’y nalungkot sapagkat ako lang ang naiiwan sa bahay at walang makausap. Ang mga kaibigan ko ay nasa Taichung samantalang ako naman ay nakatira sa Nantou. Ang laki pala ng pagkakaiba ng manggagawa at bilang isang dayuhang asawa. Ako ay wala ng kontrata na pinirmahan pero may bago akong responsibilidad na dapat harapin at gampanan sa buhay. Para hindi ako malungkot ako’y nag aral ng handicraft sa umaga, sa gabi naman ay aking pinag aralan ang lengguahe nila dito at kung paano magsulat ng salitang Chinese. Noong nagpalista ako, ako ay umaasa na magkaroon ako ng kaklase na kapwa ko Pilipino pero ako’y nabigo tatlumpo kaming magkaklase pitong(7) Vietnamese, Bente dos (22) na Tsina at mag isa lang akong Filipina. Sa lahat ng pinapasukan kong klase lagi akong nag iisa na Filipina, sa handicraft, sa Chinese class ganun din sa computer class. Hindi nagtagal ako ay nalilibang at natutuwa sapagkat libre ang pag aaral, tapos may sahod ka pang tatanggapin. Makalipas ng tatlong buwan ako ay nagdalang tao pero nagpatuloy pa rin ako sa aking pag aaral hanggang sa matapos ko ang mga ito. Pagdating ng buwan ng Setyembre pinapakiusapan ako ng aking ina na kung pwede dalawin ko siya sapagkat may mga tumutubo daw sa kanyang katawan. Yong oras na iyon hindi ako pwedeng umuwi sapagkat malaki na ang aking tiyan. Sinabi ko sa mama ko na ipagpatuloy niya ang kanyang chemotherapy at nangako ako sa kanya na pagkatapos kong manganak uuwi ako kasama ang aking anak.
Habang ako’y nagpapatuloy sa pamumuhay dito, ang aking ina naman ay lumalaban at nahihirapan sa kanyang sakit na kanser. (cancer of the breast - Stage III-B). Sa dahilang hindi ako makauwi lagi ko nalang siyang tinatawagan, kinukumusta ang kalagayan at pinapalakas ang kanyang loob. Minsan kasi gusto na niyang sumuko, ayaw niyang magpa tingin ng doctor at ayaw din niyang uminom ng gamot. Pag nararamdaman niyang medyo bumuti ang pakiramdam niya, nagiging matigas yong ulo niya niya at nakakalimutan yong mga bawal. Pero hindi ako sumuko sa kanya, lagi kong sinasabi sa kanyang na magpagaling siya para makapasyal siya dito sa Taiwan. Ginawa naming ang lahat para gumaling siya, para masalba ang buhay niya. Ang aking ama ay nanghiram ng pera, (loaned his 1 year pension) mga kapatid ko ganun din, ako naman binigay ko yong pera na aking naipon. Nagtulungan kaming mag-anak para makompleto ang kanyang chemotherapy at para mabili lahat yong gamot na kailangan niya. Sabi namin di bale pera lang yan kikitain pa natin, ang buhay ng isang taong mahal mo iisa lang at hindi na mapapalitan pa. Dahil akoy malayo hindi ko maiwasang mag alala, minsan sabi ng aking mga byanan huwag ko na daw masyadong alalahanin ang aking ina sapagkat nandito na daw ako. Sa kanila kasi dito sa Taiwan pag ikaw na anak na babae ay nagpakasal na ibig sabihin labas ka na sa pamilya at pag – aari ka na ng mga in- laws mo. Ang hirap, magkaiba ang Taiwan at Pilipinas ng pananaw sa buhay.
Taong 2014 January 9 aking isinilang ang aking anak, napakasaya pala ng pakiramdam ng maging isang ina. Pero makalipas ng ilang minuto biglang nabalot ng kalungkutan ang aking pagkatao sapagkat sabi ng doktor kailangan daw dalhin ang anak ko sa ibang hospital kasi mahina ang kanyang paghinga tapos may bali pa ang kaliwa niyang kamay kaya kailangan ng masusing pagsusuri at pangangalaga. Noong araw ding iyon dinala ang aking anak sa Changhua Christian Hospital para maobserbahan at maalagaan siya ng maayos. Nagkahiwalay kami ng aking anak ako ay nasa Nantou samantalang siya naman ay nasa Changhua. Sa pananatili ng anak ko sa hospital siya ay dinadalhan ng gatas para mayroon siyang mainom. Nagbebreast pump ako para may maibaon sa kanya na gatas. Tatlong linggo kaming nagkawalay ng aking anak, nanatili siya sa hospital hanggang sa magkaroon ito ng sapat na lakas. Kamumulat pa lang ng aking anak sa mundong ito ay nag sakripisyo na agad siya. Sabi ko sa sarili ko grabe naman, ang daming pagsubok sa buhay ko, nanay ko may sakit tapos anak ko nasa hospital din. Mga mahal ko sa buhay parehong lumalaban sa sakit.
Buwan ng Pebrero may plano sana ako na dalawin ang aking ina dahil sa PANGAKO na aking binitawan. Pero hindi na naman ako natuloy dahil hindi pa tapos ang pagsusuri sa aking anak, kailangan pa niyang magpa bakuna at babalik pa siya sa hospital para magpatingin sa doktor. Sa panahong iyon pakiramdam ko ipit na ipit ako, para akong pinapipili kung sino ang mas mahalaga sa buhay ko: sarili kong ina o ang sarili kong anak. Sabi ng asawa at byanan ko pwede daw akong umuwi pero isang linggo lang, hindi rin daw pwedeng kasama ang anak ko kasi maliit pa siya at baka masira daw yong eardrum niya sa ugong ng eroplano. Sa panahong iyon nagsimula akong nag breast pump, nag ipon ako ng gatas ng ina “breastmilk” para ilagay sa refrigerator para may iinumin ang anak ko sa oras na ako’y magbakasyon ng Pilipinas.
Habang tumatagal lumalaki ang aking anak, lumalala naman ang kalagayan ng aking ina. Maraming tumubo sa kanyang katawan na parang tigdas, kumalat na rin yong kanser niya sa buto. Hindi na pwedeng ichemotherapy, hindi na rin kaya ng gamot. Wala ng magawa ang doktor kundi bigyan siya ng (pain reliever) pampamanhid. Umabot din yong oras na namaga ang isa niyang kamay hindi na maigalaw, namaga din yong kanyang baywang hanggang hindi na makabangon. Umiiyak siya sa sakit at sa kirot na nararamdaman niya, hindi rin siya makatulog. Uminom man siya ng gamot na pampamanhid ay wala na ring epekto ang mga ito sa kanyang katawan. Gusto naming siyang tulungan pero wala kaming magawa. Ang maari lang naming gawin ay ang patuloy na manalangin at umaasa ng isang himala na gagaling pa siya. Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya para suportahan siya, para hindi siya lalong manghina. Ang aking mga byanan ay nakiisa din na ipagdasal ang aking ina. Kahit na magkaiba man kami ng relihiyon, sila ay naniniwala rin na may Diyos at walang imposible kung ang lahat ay sama – samang manalangin. Inutusan din ako na magpaypay o magsindi ng Chinese candle sa umaga at sa gabi.
Isang araw ang aking ama at kapatid ay tumawag sa akin na kausapin lagi ang aking ina dahil nakikita nila na palala ng palala ang kanyang kalagayan. Lagi ko naman tinatawagan at kinakausap ang aking ina pero sinasabi niya sa akin na mabuti naman siya, kahit alam kong namimilipit siya sa sakit. Naiiyak ako pag kausap ko siya pero tinatago ko at pinipilit kong magpakatatag para hindi siya lalong malungkot. Minsan binibiro ko siya, pinapatawa para mabawasan yong sakit na nararamdaman niya. Kinabukasan tumawag ulit ako, pinapipili ko ang aking ina kung alin ang gusto niya, uuwi ako ng isang linggo o kaya’y tapusin ko lang yong pagsusuri ng anak ko at makakasama ko siya ng ilang buwan. Sabi niya bahala daw ako. Alam ko naiintindihan niya ako kasi ina rin siya. Buwan ng Marso mga alas singko ng umaga tumawag ang aking ina umiiyak ito at tinatanong kung kailan talaga ako uuwi. Tapos sabi niya baka hindi ko na daw siya makita at maabutan. Nararamdaman na naman niyang namamanhid ang isa na naman niyang kamay. Nang dahil sa pangako na uuwi ako at bibisitahin siya, umaasa siya na makita ako at ang aking anak bago man siya pumanaw.
Unang linggo ng Abril walang patid na tawag, lagi kong tinatanong ang kalagayan ng aking ina napakahirap talaga ng malayo sa iyong mahal sa buhay. Hindi man siya makabangon, hindi makagalaw nararamdaman kong lumalaban siya para sa akin. Gusto kong umuwi agad pero hindi ko magawa dahil hindi ko rin maiwan ang anak ko. Huling linggo ng Abril nag usap kaming mag asawa na uuwi akong mag – isa tutal napuno ko na yong refrigerator ng gatas ng ina (breastmilk). Kasya na para inumin ng anak ko ng isang linggo. Habang nag uusap kaming mag asawa para sa araw ng aking pagbabakasyon, nakatanggap ako ng mensahe galing sa aking hipag. Isinugod daw sa hospital ang aking ina dahil naiinitan daw at nahihirapang huminga. Agad akong tumawag para kausapin ang ina, nakausap ko man siya pero saglit lang sapagkat napapagod daw siyang magsalita. Patuloy akong nagsasalita habang siya naman ay nakikinig sabi ko sa kanya malapit na akong umuwi, hintayin niya ako. Makalipas ng apat na oras may mensahe ulit akong natanggap pinapakiusapan ako ng aking hipag na tawagan ang aking ama, pati na ang aking mga kapatid dahil kung ano na daw ang sinasabi ng aking ina. Tinatawag niya ang kanyang yumaong ama. Agad namang pumunta ang aking ama sa hospital. Pagdating ng aking ama sa hospital, sabi ng aking ina iuwi na daw siya sa bahay dahil umuwi na daw ako at gusto na daw niya akong makita. Napakasakit isipin na hanggang sa huling hininga ng aking ina ako pa rin ang bukambibig nito. Mayo 1, 2014 hindi na nagsasalita ito hanggang sa mawalan na ito ng buhay.
Namatay na ang aking ina, ni hindi ko man lang siya nayakap, hindi ko na siya naabutang buhay, ni hindi rin niya nakita at nahawakan ang aking anak. Magsisi man ako huli na ang lahat napakaraming sana. Na sana umuwi nalang ako ng maaga, sana pinakinggan ko siya. Napakahirap mawalan ng isang ina, nakita ko man siya pero malamig na bangkay na siya . At yong pangako na makakasama ko siya ng matagal naging sandali nalang. Sa pagkawala ng aking ina marami kaming natutunan at dapat kalusugan ay ating pangalagaan sapagkat ito ang ating pundasyon upang tayo ay mabuhay ng matagal at mapayapa. Tama yong kasabihan na prevention is better than cure. Ito yong aking karanasan na hindi ko makakalimutan habambuhay. Sana magsilbi itong aral sa aking kapwa. Habang nabubuhay pa ang inyong mga magulang mahalin niyo sila at pagsilbihan habang may panahon at pagkakataon. Huwag nating sayangin ang oras na makasama sila. Sa ngayon patuloy ang buhay at nagsisimula ulit na bumuo ng pangarap para naman sa sarili kong pamilya. Nawala man ang aking ina pero nagkaroon naman ako ng anak na nagsisilbing inspirasyon ko sa buhay. Ang panahon ay hindi na maaring ibalik pa, tanging alaala nalang ng aking ina ang naiwan sa aking puso’t isipan. Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat binibigyan niya ako ng pagkakataon na makita at makausap ang aking ina sa aking mga panaginip.