Life Journey At Taipei City

2014-03-21 / Grace Velo / Life Journey At Taipei City / Tagalog / Wala


Aking ikukwento buhay ko bilang OFW,
Paano tiniis ang pagod pati na ang lungkot.
Sakripisyong walang katapusan,
Pangungulilang walang hanggan.

Di ko man kagustuhan ako’y muling lilisan,
Iwanan at di kayo maalagaan,
Naghihirap man itong yaring kalooban,
Mga pangarap mabigyan lang ng katuparan.


Sadyang kay hirap talagang magpaalam,
Ngunit kamay niyo’y kailangan ng bitawan,
Mga paang dali-dali sa paghakbang,
Upang maitago mga matang puno ng kalungkutan.

Nais lumuha habang pasakay sa eroplano
Waring puso ko’y dinudurog ng pinong-pino,
Nais kong humakbang paurong
Ngunit ito na ang napiling desisyon.

At muling nasilayan bansang Taiwan
Bagong dayuhan ay muling pakikisamahan,
Ano nga bang buhay aking madadatnan
Isa bang pasakit o isang maalwan?

Sa aking pagdating alaga ay ulyanin
Tahimik, laging nag-iisip na waring kay lalim,
Di ko man batid ang laman ng isipan
Sa abot ng makakaya ika’y aalagaan.

Linis dito kuskos duon
Pagkat palapit na ang bagong taon,
Tinitiis ang pagod pati na ang gutom
Matapos lang ang trabaho sa maghapon.

Katawan ay hapong-hapo pagdating ng gabi
Gustong sumuko, nais ko ng umuwi.
Ngunit teka lang!..nag-isip ako sandali,
Pag ako’y umuwi, ano bang pwedeng mangyari?

Tigmak ng luha ang aking mga mata
Usal na dasal sana ay makaya,
Hindi lang para sa akin kundi sa pamilya
Konting tiis lang matatapos din ang kontrata.

Di namalayan lumipas ang isang buwan
Ngunit puso’y puno parin ng kalungkutan,
Pangungulila kelan kaya maiibsan?
Pamilyang mahal laging laman ng isipan.

Gaano man daw kalungkot ang puso
Kailangan ngumiti at batiin ang mga amo,
Magpanggap man akong masaya
Sa mata nakikita katawan ay walang sigla.

Sa Diyos ako ay nagpapasalamat
Sa araw-araw nagbibigay sa’kin ng lakas,
Tiwala sa Maykapal lalong tumitibay
Pagkat ramdam ko ang Kanyang gabay.

Inaamin kong hirap akong alagaan
Si Akhong na ang gusto di malaman,
Reklamo sa pagkain kung hindi maalat ay matabang
Ubos ang pasensya ngunit hindi kita susukuan.

Laking pasalamat si Kuku taglay ay kabaitan
Palpak man ako di naringgan ng anuman,
Si Shu-Shu at Shen-Shen na handa akong turuan
Sa mga bagay na dapat kong malaman.

Totoo, ako’y dayuhan sa lupaing Formosa
Dito piniling paglingkuran ang mga banyaga,
Ganun pa man di ramdam na ako’y iba
Sapagkat itinuring akong sariling kapamilya.

Unang napasyalan XIANJI YAN HIKING TRAIL
Sa tuktok ng bundok tanaw ang buong Taipei,
Karagatang kay lawak at mga taong naaaliw
Masdan ang palubog na araw yan naman ang TAMSUI.

TAIPEI ZOO at MAOKONG GANDOLA aking natatanaw
Mga lugar nais puntahan balang araw,
Ang SHANGKAI SHEK at ang TAIPEI 101
Ngunit sa aking listahan una pa rin ang Simbahan.

Nais kong magpasalamat sa mga taong tumulong
Sa aking pamilya na siyang inspirasyon,
Sa aking employer na binigyan ako ng pagkakataon,
Higit sa lahat sa mahal na Panginoon.

Gaano man kahirap ang nararanasan
Alam kong lahat ng ito’y malalagpasan,
Sa tulong at suporta ng mga taong nagmamahal
At sa Maykapal na laging gumagabay.

:) thank you