2014-4-13 / Smile of A ear / Pasasalamat ng Bunga ng Mangga sa Puno ng niyog / Tagalog / Wala
Tulad ng yumuyukong mga sanga ng puno ng mangga, ang aking pinagmulan ay tila baga’y kaytibay kung iyong pagmamasdan. Sa bawat malakas na pag-ihip ng hangin, ito’y sumasayaw na tila laging may kagalakan. Ni hindi mo masisilip sa matatandang ugat na buong lakas na kumakapit sa lupa ang hirap sa pagkakatayo simula pa noong una. Sa pagdating ng araw, ito’y mamumunga at magiging maganda na naman ang kaniyang itsura at hindi mo pa rin mababakas ang lahat ng hirap na dinanas upang makabuo ng mga bugang kay kagandang tingnan; mga bungang nagpapahayag ng kalakasan nito sa mundong ibabaw. Ngunit sa panahong hinog na ang bunga ay kailangan na itong pitasin at ilayo na sa punong bumuo ka kanya upang makalikom ng pera na maaaring ipambili ng pataba sa lupang kinatatayuan ng puno.
Kung makapagsasalita nga lamang ang bungang ito ay pakiwari kong hindi niya nanaiisin ang mawalay sa kaniyang magulang. Batid kong gusto niyang madama ang pagkalinga na maaaring ibigay ng inang puno sa isang muwang na tulad niya. Hindi madali ang mawalay sa ilalim ng gabay ng magulang at alam ko iyon. Sa aking murang edad ay alam na alam ko na iyon. Kahit na ako’y kapiling ng aking mga magulang sa sanlibutang ito, batid ko ang hirap ng mawalay sa iyong pinagmulan.
Ako ay pangalawang anak sa limang magkakapatid. Ang aking mga magulang ay kapwa nagtutulungan upang mabuhay kami. Ngunit hindi sapat ang lahat ng iyon. Hindi naman sa ako’y nagrereklamo sa kakarampot na kayamanang natatamasa ko sa mundong ito—akin lamang itong ipinahahayag. Mahal ko ang aking mga magulang. Mahal ko sila nang hingit pa sa pagmamahal na maibibigay ko sa aking sarili. Utang na loob ko sa kanila ang ibinigay nilang pagkakataong ako’y mabuhay sa mundo na kahit kasama ang mga hirap at sakit, ako’y dinadamayan naman ng saya; na kahit, may hinagpis, pagpapasalamat pa rin ang aking nasasambit dahil ako’y lalong nahuhubog sa aking pagkatao.
Hindi ako malakas na tulad ng ugat ng mga punong aking pinagmulan, kaya’t kinailangan kong lumapit at humingi ng tulong sa taong gagawin lahat upang ako’y matulungan. Isang taong sa kabila ng paghahangad na magkaroon ng sariling pamilya ay mas piniling makatulong sa akin upang ako’y makapag-aral at upang hindi maging pabigat sa aming malaking pamilya. Walang pag aalinlangan, siyang nagpabalik-balik sa malayong lupa. Sa dako ng Taiwan, siya ngayo’y naninirahan. Kasama ng iba’t ibang lahi na malaki rin ang pasasalamat sa bansang may malamig na klima, siya’y buong pusong nagtatrabaho upang mayroong maipadala dito sa aming bansa. Ang perang kanyang ipinadadala ay mas malaki pa sa halagang natitira para sa kanyang ikabubuhay roon. Ang katotohanang ito ay dumudurog sa aking puso. Bawat luhang pumapatak sa aking mga mata ay lihim na umaagos sa aking mga pisngi. Wala akong magawa maliban sa magpasalamat sa aking tiyahin. Lalo ko nang pinagbubuti ang aking pag-aaral upang ito man lang ang pumawi sa bawat sakit ng katawan na kanyang nakakamit mula sa buong araw niyang pagtatrabaho.
Masaya siya sa kaniyang ginagawa at kaniya itong sinasabi sa akin sa tuwing kami’y makapag-uusap sa telepono. Mabubuti ang mga Taiwanese—aking ipinagpapasalamat ito. Sa paulit-ulit niyang pagsambit nito ay tumatak na ito sa aking isipan. Panatag ang loob ko na sya’y nasa kalagayang nararapat sa kaniya. Napakalaki na ng naitulong ng magandang bansang yaon hindi lamang sa akin, ngunit pati na rin sa mga magulang ng aking tiyahin at maging sa kanyang sarili na rin. Kung maaari nga lamang na sa bawat pag-awit ko ng mga salita ay makarating ito sa bayang kanyang pinaninirahan, akin itong gagawin ng paulit-ulit nang walang hinihinging kapalit. Na dahil sa hirap at gutom, kami’y nakatatawid, napakalaking pasasalamat ang ang nais ipahayag.
Ang mga salitang aking isinasambit ay nagmula sa aking puso at ito’y hindi ko ililihim. Napakalaki na nga naitulong ng aking tiyahin—na isang puno ng niyog para sa akin. Hindi ako sa kanya nagmula, ngunit ang aking pasasalamat ay umaapaw. Wala akong ibang hangad kundi ang mapawi lahat ng kanyang paghihirap at masuklian ito ng kabutihan na mula sa isang bunga ng mangga na gagawin ang lahat upang makita siyang masaya.
Malaki ang aking utang na loob sa bansang Taiwan, na hindi naman ang siyang pinagmulang ng punong nagbibigay sa akin ng tulong, ay patuloy pa rin ang pagkupkop sa tiyahin kong dugong Pilipino. Mahal ko na rin ang Taiwan. Walang kaduda-dudang ako’y nagmamahal na rin sa masaganang bansang ito. Dahil kung hindi dahil dito, ay hindi ako makararaos sa aking pag-aaral. Higit sa lahat ng aking magagawa ay ang ipanalangin sa Ama na sana ay lalong magpatuloy pa ang pag-unlad ng lupaing yaon—na walang sawang kumukupkop sa mga trabahador kahit na sila ay hindi dugong Taiwanese. Mabuhay ang mga Taiwanese! Mabuhay ang Taiwan! Kahit kailan, sila’y iyong maaasahan.