TAIWAN at DAYUHANG MANGGAGAWA

2015/5/18 / Rolan De Luna Maala / TAIWAN at DAYUHANG MANGGAGAWA / Pilipinas 菲律賓 / MECO Labor Affairs Kaoshiung (POLO/OWWA)

TAIWAN at DAYUHANG MANGGAGAWA

TAIWAN, maliit na bansa, sagana sa yaman
Nag lalakihang gusali, kay sarap pag masdan
Magagandang tanawin, malinis na kapaligiran
Ika'y mamamangha, kapag iyong natunghayan..

Tahimik na bansa, mamamayan ay may disiplina
Mahirap man o mayaman, pantay pantay turing nila
Estado ng pamumuhay, halos lahat ay sagana
Pagkat masisipag, ang mga taong nakatira..

Malawak na kapatagan, matatanaw sa daanan
Mga luntiang halaman, kanilang pinagkakakitaan
Pagtatanim ng gulay at prutas ang kabuhayan
Ang mamamayan dito, ay may angking kasipagan..

Malalaking pabrika, ang dito ay nakatayo
Kaya ibat ibang lahi, ang dito ay dumadayo
Upang mag hanap buhay, at magkaroon ng trabaho
Para kumita ng pera, kapalit ay serbisyo..

Udyok ng kahirapan, ang sa akin ay nagtulak
Upang lisanin ang bayan, kung saan ipinanganak
At sa ibang bansa, ako ay nag hangad
Bitbit ang pangarap, na hawak ko saking palad

Patuloy na naglakbay, sinuong ang kapalaran
Mapaglarong tadhana, sa lilim ng kahirapan
Susubukang hanapin, ang tanglaw ng kaunlaran
Upang mapahid, ang uhaw sa karangyaan...


Ako'y isang dayuhan, sa lupain ng TAIWAN
Madami nang pagsubok, ang aking pinagdaanan
Para sa hangarin, mahirap ma'y pagtitiisan
Ang masaganang buhay, sana'y aking makamtan..

At pag tapak ng paa, mata ko ay minulat
Sa bawat hakbang, sa landas kong tinatahak
Upang maabot ko, ang aking mga pangarap
Tanong sa aking sarili, dito ko ba mahahanap?

At tulad ng iba, para makatulong sa pamilya
Lahat ay gagawin, basta't para sa kanila
Upang maiahon, at buhay ay guminhawa
Pagdating ng panahon, sana'y aking matamasa..

Ang akala ng iba, kapag ika'y nasa abroad
Masarap ang buhay, malaki ang sahod
Ang di nila alam, kung paano ba kumayod
Dapat  buo ang loob, para sa hirap ay itaguyod

Magagandang larawan, bakas ng kasiyahan
Sa likod ng katotohanan, pangungulila ang nararanasan
Ikinukubli ng ngiti, ang bawat kalungkutan
Upang maitago, ang tunay na nararamdaman..

Di ko alintana, ang nadaramang lungkot
Sa halip na dam-damin, bagkus ay nilimot
Upang maibsan, ang sa puso'y bumalot
Pighati nang kapalaran, ng bawat pagsubok..

Sa pag daan ng araw, at pag lipas ng panahon
Sa bawat karanasan, at pag harap sa hamon
Palaging nasa isip, at sa utak ay itinoon
Ang manatiling matatag, sa lahat ng pagkakataon..

Pagkat may kaagapay, DIYOS ang patnubay
Ang dakilang lumikha, ay palaging nagbabantay
Sa bawat suliranin, siya ang umaalalay
Upang makamit, ang tamis ng tagumpay....

Sa tulong mo TAIWAN, na nagsilbing tulay
Sa daang madilim, ikaw ang umakay
Binigyang liwanag, ang aming paglalakbay
At iyong kinopkop, sa bansa mong dalisay


Maraming salamat po, sa inyong pag tanggap
Sa tulad naming dayuhan, sa bansa nyo'y nagsisikap
Upang akyatin, ang hagdan ng pangarap
Patungo sa tuktok, at ginhawa'y malasap....

Written by: Rolan De Luna Maala