PAGTITIIS...SAKRIPISYO...AT...PASAKIT

2015.05.30 / SONIA RAMOS CHAN / PAGTITIIS...SAKRIPISYO...AT...PASAKIT / PH

  Tulad ng iba na nagsalaysay ng kani-kanilang kwento ng buhay ay isa rin ako sa nais magbahagi ng karanasan at patuloy na nararanasan sa kasalukuyan dito sa bansang Taiwan. Hindi man upang tularan, sa halip ay kapulutan ng aral, magsilbing halimbawa at maging inspirasyon sa bawat mkakabasa nito.
    Ako si Sonia Ramos Chan, 45 taong gulang, pangalawa sa 5 magkakapatid at ulila na sa mga magulang. May simpleng pangarap sa buhay na hangang ngayon ay nanatiling pangarap pa rin. Maayos naman ang aming pamilya, medyo may kahirapan pero nakakaraos din sa tulong ng aming lola na isang pensyonada. Subalit ng ito'y pumanaw ay malaking kawalan din sa aming pamilya. Mabait ang aking ina at ganun din ang aking ama.  Subalit ang bisyo na pag-iinom ng aking ama ang madalas na magbigay sa amin ng kahihiyan. Isang lasengero ang aking ama nung ito ay nabubuhay pa, halos hindi na nito makayanang umuwi ng bahay, at kung saan saan na lang natatagpuang lumpasay sa kalasingan. Maingay, nagmumura at halos mawala na sa sariling katinuan kapag may epekto na ito ng alak. Bagaman nasanay na kami sa ganung sitwasyon at maging ang mga tao sa lugar namin ay nasanay narin ay dama ko parin ang kahihiyang dulot nito. Hangang siya ay magkasakit at tuluyang bawian ng buhay.
    Hindi ako nakatapos sa Kolehiyo dahil narin sa kakapusan, kaya't sinikap kong maghanap na lang ng trabaho. Sa Cavite ay pinalad akong makapagtrabaho sa isang pagawaan ng bisekletang pambata. Dito'y nakasama ko ang kapatid kong panganay at pinsan. Nagtiis sa mababang sahod; mainam kaysa walang pagkunan. Nakilala namin dito si Marilyn na siyang humikayat sa amin ng pinsan ko na mag asawa ng Taiwanese. Napapayag niya kami sa paniniwala sa mga sinabi niya na maari din namang idivorce agad kung sakaling di namin makasundo at makakuha na kami ng citizenship. Inakala kong ganun kadali ang lahat.
    February 20, 1997, hindi man lubusang kilala ay nagpakasal kami ng pinsan ko sa taiwanese, May takot sa dibdib ko pero ang kagustuhan kong makarating ng Taiwan at makapagtrabaho upang maiahon ang aking ina at mga kapatid ang nagbigay ng lakas ng loob at tapang sa akin na makipagsapalaran at sumunod sa lahat ng nangyayari.
    Makalipas ang 2 lingo matapos ang simpleng kasalan ay bumalik na kaagad ng Taiwan ang napangasawa naming mag pinsan. Taong 1997 noon sa himpapawid pa lamang ay samo't sari na ang naglalaro sa aking isipan. Ang excitement, kaba, takot at iba pang emosyong mahirap maipaliwanag. Papalapit ng papalapit sa pagbaba ang eroplano habang  palakas ng palakas naman ang kaba sa dib dib ko. Bandang 6:00 pm na ng hapon ng ako'y maihatid ni papasang sa bahay ng aking napangasawa sa Changhua. Si papasang ay ang isang matandang Taiwanese na siyang nagsasama sa Pilipinas ng mga taiwanese na gustong mag asawa ng mga Pilipina. Samantala nahuling ihatid ang pinsan ko na napadpad naman sa Chiayi county. Nakilala ko ang aking mga inlaws, ang byenan kong lalaki ay may kabaitan subalit di nagtagal ay pumanaw rin agad ito, ang aking byenang babae ay mababanaag ang pagkabungangera sa mukha at pananalita pa lamang nito. Panganay sa 4 na magkakapatid ang aking napanagasawa at
nag iisang lalaki lamang ito. Ok naman ang mga naunang lingo at buwan ko dito minsan ay nadadalaw pa namin ang pinsan ko sa Chiayi. Madalas din ay ipinapasyal ako ng aking asawa sa night market, minsan ay nabibigyan pa ako ng kahit konti para ipadala ko sa pilipinas. Nakapagbakasyon din dito ang aking Ina at tiyahin...bagay na inakala kong isa ako sa mapalad. Lumipas ang ilang buwan nabuntis na ang pinsan ko at halos magdadalawa na ang anak nito ay hindi parin ako nabubuntis bagay na aking ipinangamba na baka hindi ako magkaanak. Tatlong taon pa ang lumipas bago pa ako nabuntis at pinalad na magkaroon ng isang anak na lalaki. Walang paglagyan ang aking kasiyahan alam ko na matutuwa ang aking asawa at ang pamilya nito dahil napakahalaga dito sa Taiwan ang pagkakaroon ng anak na lalaki. Na kabaligtaran sa aking inaasahan mula sa aking asawa, unti unti kong natuklasan ang tunay na kulay,pag uugali at pagkatao ng lalaking inakala kong makakaagapay ko sa
hirap at ginhawa. Alak, sugal, nganga, babae at droga mga bisyong ginagawa na niya nung siya ay binata pa.  Minsan ay nahuhuli ko siyang gumagamit ng bawal na gamot subalit nanatili akong tahimik at takot na makialam.
    Ilang buwan pa lamang ang aming anak noon ay ipinasok na niya ako ng trabaho sa pagawaan ng tissue kung saan siya nagtatrabaho. Sabay kaming pumapasok at sabay din umuuwi, naging maayos naman ang mga naunang buwan ng aking pagtatrabaho bagaman sobra pagod dahil paglabas galing sa trabaho ay tambak naman ang gawaing bahay.Sa pagtangap ko ng aking sahod may tuwa akong naramdaman inisip kong ito na ang simula na matupad ko ang pangarap ko para sa aking pamilya at nakakapadala narin ako sa kanila sa pilipinas. Wala pang kalahating taon ako sa trabaho ko ay pinakialaman na ng asawa ko ang sahod ko. Hindi ko na ito nahahawakan at siya na mismo ang kumukuha sa amo namin, halagang isang libo lamang ang ibinibigay niya sa akin na pang allowance. Minsan ay di ko na matiis na magtanong bakit ganun ang sagot niya'y kailangan daw naming mag ipon pra sa aming anak.. Kahit sa mga bagay na ipinapagawa sa bahay nila ay hinihingan na niya ako ng share. Ramdam ko na
talaga ang napakalaking pagbabago niya, hindi na ako nakakapadala sa pilipinas, madalang na akong makatawag dahil sa ayaw narin niya akong pagamitin ng telepono at kahit ang magandang relasyon at komunikasyon naming magpinsan ay naputol narin dahil ipinagbawal narin niya. Lumipas ang ilang taon ibinuhos ko parin ang aking atensyon sa trabho maging sa mga gawain sa bahay, lumalaki narin ang aming anak at di magtatagal ay mag aaral narin ito.Samantala ay lalo pang lumalala ang bisyo ng asawa ko maging ang kanyang Ina at mga kapatid ay wala na ring magawa dito.
    Dahil sa kawalan ko ng komunikasyon sa pilipinas at sa pinsan ko tanging sa pinsan ko na lamang nakikibalita ang pamilya ko na wala rin namang masabi ang pinsan ko dahil maging kaming dalawa ay hindi na nkakapagbalitaan. At kahit kapag tumatawag ang pamilya ko sa pilipinas ay hindi nila ipinapakiusap sa akin. Dahilan upang hindi ko kaagad nalaman na inatake sa puso ang aking ina at hindi na ito umabot sa hospital. Dahil sa walang tigil na pagtawag ng pinsan ko ay napilitan naring sagutin ng byenan ko ang tawag at duon pa lang nalaman na wala na ang aking ina. Nakauwi kaming mag anak sinagot ng asawa ko ang funeral at ang iba pang expenses sa aking ina, na dapat lang naman dahil lahat naman ng sinasahod ko ay napupunta sa kanya at ni hindi ko na nahahawakan. Matapos maisaayos ang lahat sa pilipinas ay kaagad na rin kaming bumalik ng Taiwan at sa aming pagbabalik ay dito nagsimula ang aking kalbaryo at mala impyernong pamumuhay.
    Habang tumatagal ay palala ng palala ang bisyo ng asawa ko. Nagsimula narin na makatikim ako ng pananakit mula sa kanya. Na sa tuwing malalasing ito ay ako ang palagi niyang pinag iinitan. Suntok, sipa, sampal at sabunot ang napapala ko sa kanya kahit wala akong nagagawang kamalian at kahit nakikita ng aming anak ang ginagawa niya ay patuloy parin siya sa pananakit niya maging anak nami'y nagkaroon na ng pobia sa mga ginagawa niya.. Halos buobog ang katawan ko sa pnanakit niya bagay na inilihim sa aking pamilya sa pilipinas maging sa pinsan ko sa chiayi.
    Kahit ganun ang sitwasyon ko ay natulungan ko parin ang dalawa kong kapatid na lalaki na makapag apply dito kahit utang ay pinapadalan ko sila ng allowance at sa icash na lamang sila nangutang ng kanilang ipinang placement fee. Subalit dahil sa replacement lang ang maging kontrata nila ay di rin sila nagtagal dito sa taiwan.
    Sa madalas naming pag aaway ng aking asawa na kahit sa trabaho ay madalas niya akong pagmumurahin at sigawan ay mas pinili ko na lamang maghanap ng ibang trabaho. Nakapagtrabaho ako sa gulayan, mabigat at mababa ang sahod pero pinagtiyagaan ko at pinagtiisan para sa anak ko. Lahat ng responsibilidad sa anak ko ay ibinigay ng asawa ko sa akin maging mg gastusin sa bahay habang siya ay patuloy na nagpapsarap sa buhay. Hangang matuklasan  ko na may kinakasama itong vietnamese, vietnamese na may 3 anak. Sa tuwing magtatanong ako sa kanya tungkol dito ay nauuwi sa pag aaway hangang pauli ulit na naman niya akong saktan. Minsan sa sobrang pangbubogbog niya sa akin ay ipinasya kong lumayas at magtago,  sa bahay ng isang kaibigan na si Cathy duon ako pansamantalang nagtago pero dahil sa malapit lang ito sa amin ay di rin ako pwedeng magtagal. Kaya'y sa kalagitnaan ng hating gabi ay tinawagan ko ang pinsan ko at nagpasundo ako, kaagad naman tumugon ang
pinsan ko kasama ang asawa niya ay sinundo nila ako sa changhua.Pagdating namin sa bahay ng pinsan ko sa chiayi ay duon ko pa lamang naikwento sa mag asawa ang lahat ng pangyayari, lahat ng dinadanas ko sa aking asawa bagay na hindi ko na maitatangi ang pananakit nito dahil sa dami ng pasa ko sa braso at hita maging sa mukha. Sabi ng pinsan ko ipapulis ko at tuluyan na akong makipaghiwalay. Lumipas ang dalawang araw ay natunton ako ng asawa ko sa bahay ng pinsan ko, kasama ang byenan kong babae, ang anak ko at ang amo niya sa pabrika ng tissue. Nangako ito na di na siya uulit, humingi ng tawad at nagmakaawa rin byenan ko dahil kawawa daw anak ko palaging umiiyak hinahanap aako. Kaya naman di na ako nagdalawang isip at sumama na ako pauwi. Maayos naman ang mga naunang lingo, Makalipas ang ilang buwan ay bumalik na naman ang pananakit niya hangang sa magsumbong na ako sa mga pulis, pinagharap kami pero nauwi parin sa wala dahil ayaw naman niyang makipag
divorce, pumirma siya na hindi na niya ako sasaktan,
    Pero hindi parin natapos duon ang lahat ng  pananakit niya nasundan pa ito ng mas matindi. Isang araw na umuwi siya at nakainom ay bigla na lamang akong sinabunutan,sampal, sontok at tadyak na naman ang napala ko na wala akong alam na dahilan. Magdamag akong di nakatulo sa kakaiyak inayos ko ang mga gamit ko  habang wala siya.  Muli akong nagpasundo sa pinsan ko halos patatlong beses na ito na nagpasundo ako sa pinsan ko, grabe na naman ang sakit ng katawan ko sa bugbog. Masakit man ay napilitan akong iwan ang anak ko katwiran ko ay di naman ito pbabayaan ng byenan ko at ng mga hipag ko. Pagdating ko ng chiayi ay dun pa lamang ako nakapahinga.  Inihanap ako ng pinsan ko ng trabho kahit pag aalaga ng matanda ay pinasukan ko mababait naman ang aking mga naging amo, pero kahit anong gawin kong pag aabala ay ang anak ko parin ang palagi kong naiisip dahilan ng madalas na pag iyak ko sa gabi. Samantala hindi na rin ako hinanap ng asawa ko at nabalitaan
ko na lamang  na nagsasama na ito ng vietnamese, tuluyan na nitong iniwan ang matandang asawa at ang 3 kaliliitan pang mga anak. Iniuwi narin ito ng asawa ko sa bahay pero hindi rin nagtagal dahil hindi rin ito makasundo ng byenan ko dahil walang alam na trabaho, burara, tamad at walang alam kundi magpaganda.
    Halos mag isang buwan din akong wala sa bahay dahil sa sobrang pag alaala sa naiwan kong anak ay ipinasya ko ring umuwi na lamang, nagpaalam ako sa amo ko at sa pinsan ko na babalik na ako sa changhua dahil sa hindi ko talaga kayang iwan at pabayaan ang anak ko, bagay na naunawaan naman nila. Tulad ko ay ina rin ang pinsan ko kaya wala naman akong narinig sa kanya. Umuwi ako ng Changhua nilunok kong lahat ang sermon mula sa byenan ko at mga hipag ko, ganun din sa walang kwenta kong asawa.Mula sa school ay nakita ako ng aking anak kaagad agad itong tumakbo at yumakap sa akin habang umiiyak, parang biniyak ang puso ko sa habag at awa ko sa anak ko, nanlilimahid ito sa dumi ang pabahay at pamasok nito ay halos iisa na lamang, Walang tigil sa pagpatak ang aking mga luha sa mahigpit kong pagkakaakap sa aking anak ay isinumpa ko sa sarili ko na kahit anong mangyari ay hinding hindi ko na siya iiwan.
    Makalipas ang isang lingong linisan ng napakaduming bahay ay naghanap akong muli ng trabaho at ipinasok ako ng aking kaibigan sa pabrika ng medyas. Naging maayos naman ang trabhao ko kahit papano pinagkakasya ang maliit na sahod sa lahat ng gastusin sa anak ko at sa bahay, kung minsan ay di maiwasang makapagpadala parin sa aking mga kapatid. Pero kung minsan na mahina ang gawa ay wala talaga akong maipadala sa kanila, bagay na ikinasasama nila ng loob sa akin. Ang masakit pa ay makakarinig pa ako ng masasakit na salita mula sa kanila kapag hindi ko sila npapagbigyan sa kanilang mga kahilingan. Nakakasma ng loob na ang mga taong inaakala kong makakaunawa sa akin at madadaingan ko ay siya pang manunumbat sa akin at magbibigay ng sama ng loob. Dahil dito'y iniwasan ko ng magtatawag sa pinas masakit man ay may sarili din akong buhay at problema na wala akong mahingahan kundi ang sarili ko.
    Samantala tuluyan ng nagsama ang aking asawa at ang kabit niyang vietnamese, nagrent sila ng bahay at umuuwi lamang ang asawa ko kapag may kailangan sa bahayo di kaya'y mag aaway sila ng vietnamese niya. Sinubukan ko rin makipagrelasyon sa kapwa ko pilipino pero pasakit lang din ang aking naranasan, kaya mula noon ay isinumpa ko na ang mga lalaki, bagay na palagi kong ipinagdarasal na hindi maging ganun ang ugali ng anak ko dahil lalaki rin ito.. Itunuon ko na lamang sa trabaho at sa anak ko ang atensiyon at buhay ko.
    Isang araw ay ginabi ako ng uwi dahil sa may ot ako pag uwi ko ng bahay ay wala pa anag anak ko na dapat sana'y datnan ko na ito sa bahay, tinanong ko ang byenan ko pero wala rin itong alam at dir in daw nakita ang anak ko. Tumawag ako sa kaibigan ko para alamin kung nandun ang anak ko dahil madalas na magkalaro ito ng anak niya pero naroon ang anak niya at wala ang anak ko. Bagay na sobra ko nang ikinabahala, abot abot na ang kaba ko,umiiyak na ako na tinawagan ang pinsan ko at sinabi kong nawawala ang anak ko. Sinabi ng pinsan ko na baka isinama ng ama pero ilang lingo ng di umuuwi ang asawa ko ang sabi ko sa kanya. Di na nagtagal ang usapan namin, ipinagbigay alam namin sa pulis na nawawala ang anak ko. Halos inabot na kami ng byenan ko ng gabi sa police station sa pagbibigay ng statement. Lampas na alas 11:00 ng gabi kami nakauwi, naitawag narin sa mga hipag ko ang pangyayari, Tatawagan na lamang daw kami kung may makuhang impormasyon. Abot abot
ang pagdarasal ko na sana'y huwag mapahamak ang anak ko, ang anak ko ang buhay ko ang inspirasyon ko, ang lakas ko kung bakit natitiis ko ang lahat nga hirap at pasakit na dinadanas ko sa buhay ko. Isa pa'y hindi narin ako magkakaanak pa nuon dahil nagkasakit narin ako sa matress dahil sa asawa ko pero naagapan agad ito at di na lumala.
    Pagakuwi namin ng bahay ay may tawag na kaagad mula sa pulisya natunton na ang anak ko kung nasaan pero humihingi ito ng malaking halaga na wala naman akong pagkukunan. Matapos magkasundo sa halagang hinihingi at maayos ang usapan sa tulong narin ng aking mga hipag ay saka lumabas ang totoo, na ang aking walanghiyang asawa ang may pakana ng lahat na kasama ang 2 kaibigan niya sa pagkuha sa sarili niyang anak. Halos isumpa ko ang aking asawa sa sobrang galit, napakasama niya para ilagay sa kapahamakan ang sarili niyang anak.  Kinabukasan ay sinabi ng anak ko sa amin na ang Papa nga niya at 2 kaibigan nito ang nagsama sa kanya sa isang bodega. Humingi ng 30,000 ang asawa ko na kaagad namang ibinigay ng byenan ko, nangako itong lalayo na at di na magpapakita pa. Umalis nga ito pero makalipas ang isang buwan ay muli itong bumalik, madalas na namang umuwi ng bahay, nagsimula na namang maging impyerno ang buhay naming mag ina. Kaya pala ganun ay
nagkakalabuan na sila ng kinakasma niyang vietnamese. Unti unti ay hinakot na ang mga gamit niya pabalik sa bahay, madalang narin itong umalis dahil nagkasakit ito,ubo ng ubo at di makakain, kaya ipinacheck up ito ng aking byenan at ng aking mga hipag at natuklasan na may digestive cancer ito. Makaraan ang 2 lingo ay inischedule itong operahan at matapos maoperhan ay ako pa ang inutusan ng byenan ko na magbantay sa hospital dahil walang magbabantay dito. Wala akong nagawa ayaw ko man ay napilitan akong mag absent sa trabho para bantayan siya, pero kahit sa hospital ay palagi parin niya akong sinisigawan kaya umuwi na lamang ako at ang aking anak na lamang ang pinagbantay ko dahil kinabukasan naman ay walang pasok. Makalipas ang isang lingo ay naiuwi na ito ng bahay. Maputla at payat na ito, hindi narin masyadong mkapagmura dahil inaatake ng ubo sa tuwing magsasalita. Hindi na nagpakita ang kinasama niyang vietnamese at hangang ngayon ay wala narin
balita dito.
    Sa ngayon ay patuloy parin ang pagchemo sa asawa ko sa tulong ng aking mga hipag, tatlong beses narin itong naoperahan, Kung minsan ay naninigaw parin ito pero di ko na pinapansin iniisip ko na lamang na marahil ay dala na lamang ito ng sakit na kanyang nararamdaman, natiis ko nga lahat ng hirap nuon nagyon pa na may sakit na siya, yan na lamang ang iniisip ko. Binibilan ko siya ng almusal bago ako pumasok sa trabaho minsan ay ako parin ang nagpapaligo sa kanya. Sa kabila ng aking " PAGTITIS...SAKRIPISYO AT PASAKIT" na naransan mula sa kanya ay hindi ko parin magawang pabayaan at talikuran ang pagiging asawa ko sa kanya. Sa kaibuturan ng aking puso  ay palagi parin siyang kasama sa aking mg dasal na sana'y bigyan pa siya ng Panginoon na maituwid ang lahat ng kanyang mga pagkakamali at mapunan ang lahat ng kanyang mga pagkukulang bilang anak, kapatid, asawa at ama ng aming anak. Ngayon ay madalas parin siyang magsungit sa mga pagkakataong medyo ok
ang
pakiramdam niya. Pero patuloy kong dinudugtungan ang paputol ko ng pasensiya at mas dinadagdagan ko pa ang aking pang unawa.
    Habang sinusulat ko itong aking kasaysayan ay walang tigil sa pagpatak ang aking mga luha, lahat ay muling nanariwa sa aking isipan ang sobra sobrang hirap na aking pinagdaanan at pinagdadaanan sa kanya. At sa kawalan ay may mga tanong parin akong pilit na inihahanap ng kasagutan. Iisa lang ang alam ko ngayon na sa lahat ng aking naranasan...nalampasan ay lalo akong pinatapang at pinatibay na patuloy na harapin ang dagok ng buhay. Totoong mapalad ang mga taong may mga mata upang makita ang tunay na kulay ng mundo, ang mga taong may mga tenga upang marinig ang bulong at sigaw ng bawat isa,...subalit para sa akin ay mas mapalad ang mga taong tulad ko na may Pusong handang umunawa, magtiis at magpatawad.
    Salamat sa Panginoon sa pag gabay niya sa akin sa lahat ng sandali ng aking buhay, salamat dahil hindi niya ako pinabayaan na sumuko sa lahat ng pagsubok na aking naranasan bagkus ay pinatatag niya ako na patuloy na harapin ang buhay. Ang buhay ay parang bagyo di mo alam kung kailan ito darating upang tayo'y salantain, sirain at kung mahina ang iyong pundasyon ika'y tuluyang tatangayin at dadalhin sa kawalan, pero kung ang ating pundasyon ay matatag at ang ating tiwala at pananampalataya sa Panginoon ay buo kailan man ay hindi tayo mabubuwag. Tulad ng bagyo ito ay dadaan lang sa buhay natin hihinto rin ito...kakalma at muli tayong makakapagsimula,
    Salamat sa mga taong naging bahagi ng aking buhay at karanasan, at sa aking anak na siyang dahilan upang ako'y maging matatag, upang ang lahat ng aking " PAGTITIS...SAKRIPISYO AT PASAKIT" sa buhay ay patuloy kong harapin at labanan. Salamat sa "TLAM"  at sa lahat ng bumubuo nito dahil sa inyo ay nagkaroon kaming mga migrants ng pagkakataon na maibahagi at maisalaysay ang bawat karanasan na aming naranasan at patuloy na dinadanas. Buhay at karanasang magsisilbing gabay, halimbawa at inspirasyon ng bawat  makakabasa nito. Maganda man o malungkot ang ating masilayan ang mahalaga'y mag iiwan ito sa atin ng magandang aral. Tulad ng gabi, ang kadiliman ay may hanganan...muling sisikat ang araw na magbibigay ng liwanag.....liwanag na magsisilbing gabay natin upang harapin ang bukas at magbibigay ng panibagong PAG-ASA!