Estranghero

2015/5/29 / Mark ADG Mapili  / Estranghero / Pilipinas 菲律賓 / Wala

""Estranghero""

Aking nakilala ang Isang kaibigang nagmula sa munisipyo ng Munyos sa bansang Pilipinas. Isang bansang sagana sa agrikultura, yamang dagat at yamang lupa. Mayaman sa manggagawa dahil sa humigit kumulang 70-80 libung manggagawa ang nagmula sa kanilang bansa. Estranghero na matatawag sa masaganang bansa ng Taiwan.

Ang aking kaibigan na si Anthony ay walong taon pa lamang sya ng magsimulang mangarap. Nangarap makatapos ng pag aaral, nangarap magkaroon ng totoong kaibigan, at nangarap makarating ng ibang bansa. Dahil simula pagkabata nakagisnan na nitong maka tanggap ng pasalubong na nasa loob ng malalaking karton at bagahe mula sa kamag-anak galing sa malalayong bansa. Kayat ng makapagtapos ng High School taong 2000 sa tulong ng isang ka mag-anak na namamasukan sa isang ahensya ng gobyerno. Nakumbinsi syang lumipat at sa makatuwid unang naging estranghero sya sa Syudad ng Heneral Santos, sakop ng isla Mindanao sa dulo ng kanilang bansa. Dito natuto ng maraming bagay at salita. Mahirap maging estranghero, dahil baguhan sa isang lugar maraming Di alam at kailangang matutunan. Nag trabaho Ito upang matustusan ang kanyang pag aaral hanggang sa makatapos ng Management sa kolehiyo ng Notre Dame of Dadiangas University noong 2004. Dala dala ang mga dokumentong pinaniniwalaang magagamit hakbang sa paglago at pagkamit ng mga pangarap sa buhay. Taong 2012 nang sinubukang maging pangalawang estranghero sa lungsod ng Maynila ang aking kaibigan ngunit matagal bago Ito nakapaghanap ng trabaho dahil sa dami ng ka-kompitensya at sa maliit na magiging sweldo.

Isang sugal maging estranghero. At dahil Isa sya sa mga matatapang na aking nakilala at naging kaibigan, sa pangatlong beses ay tinahak muli maging estranghero dito sa bansang Taiwan. Aking nalaman na isa sa mga kadahilanan nito ng paglipat ay para maka tulong na maibalik ang mga lupaing naisanla at pangkabuhayang agrikultura na nawala dahil sa hirap ng buhay. Sa pag aakalang makakaahon sa buhay sinikap nito makarating dito sa bansa. Ibang kultura, iba ang mga salita, kasama ang iba't ibang lahi ay tinaggap ang trabaho na sa pagdating ay Hindi alam Kung kakayanin sa bigat ng gawain. Nakita ko pano sya nagsimula, pano nahirapan sa pakikitungo sa kapwa trabahante, pano nahirapan mag adjust sa pagkain, at nasaksihan ko pano Nya sinikap malampasan ang pangungulila sa pamilya. Isang linggo pa lamang nagbalak na itong umuwi, at nakaranas madala sa pagamutan. Ngunit dahil sa katapangan at determinasyon nito di nya napansin nakakayanan at nalalampasan nito ang mga pagsubok na dumarating habang tumatagal ang pamamalagi nito.  Pagsapit ng taglamig hindi alintana ang hirap ng sitwasyon makapasok lamang at magampanan ang tungkulin nito. Sa aming pagkakaibigan naibahagi nya ang Ilan sa kanyang mga natutunan sa kanyang pagiging estranghero, masagana ang bansang Taiwan dahil sa pagpapahalaga sa oras at sa paniniwalang pagsisikap ang magdadala sa pag angat sa buhay. Isang beses nilapitan ko Ito at tinanong pano mo hinaharap at kinakaya ang mga pagsubok sa buhay?, sinagot ako nito ng ilang kataga, ""Hindi ko kasalanan na ipinanganak akong mahirap, ngunit magiging kasalanan ko Kung mananatili akong mahirap"". Hanga ako sa kanya dahil sa mga kaka ibang ipinamamalas nito sa loob at labas ng pagawaan. Sa tatlong taon na pamamalagi dito sa bansa nasabitan ito ng tatlong medalya mula sa Intensive Training for Emerging Leaders, nagpapayo sa mga kapwa na gustong maging responsible sa buhay, nakaka tanggap ng consistent performance bonus simula ng mag trabaho sa pagawaan at sa pagtatapos ng kanyang 3 taon na kontrata pabaon nito ang kagalakan at pusong malapit sa bawat Isa, ibang lahi man o mga nakatataas sa pagawaan Isang estranghero sya na panalo sa Puso at isipan naming lahat.