2014-05-30 / Ernest James / Hamon Ng Buhay / Pilipinas 菲律賓 / Wala
Buwan ng Hunyo taong Dalawang libo at pito, taon na kung saan busog na busog ng mga matatayog na pangarap ang aking isipan, pangarap na gustong matupad at maisakatuparan. Mamahaling kagamitan, baro, gadyet, sapatos, bahay at lupa, mapag aral sa magarang paaralan ang mga anak, mga kataga at pangakong binitawan sa aking pamilya bago lumisan ng lupang tinubuan. Habang lulan ng eroplano baon baon ko ang mga masasayang sandali na kasama ko sila, tawanan at mga harutan.
Papalapit na ang paglapag ng eroplano sa paliparan ng Taiwan, magkahalong kaba at saya ang aking nararamdaman na hindi ko maipakuwari sa aking sarili, kaba na nagsasabing kaya ko ba ito? saya na nagsasabing "ito na ang simula ng katuparan ng aking mga pangarap", at ang masilayan ang mga magagandang tanawin at nagtatayugang mga gusali ng bansang Taiwan na tanging sa mga larawan ko lamang namamasdan, ngayon heto na abot kamay at kitang kita pa ng dalawa kung mata.
Lumipas ang mga araw, gabi at buwan ng aking pagta-trabaho, naging maayos ang lahat at higit sa lahat ang kinikita ko kung ikukumpara sa aking kita sa Pilipinas, sobrang laki ng pagkaka iba. Ang komunikasyon sa aking pamilya ay maayos na maayos, tatlong minutong tawag bago pumasok ng trabaho at tatlong minuto bago matulog, nagiging mahaba lang ang usapan pag merong okasyon, maiksing pag-uusap na nagdudulot sa akin ng kasiyahan, kasiyahan na pumapawi sa aking pagal na katawan at pagkasabik. Madali akong natuto sa aking trabaho sa tulong ng kapwa ko pilipino mahirap na madali ang aking trabaho at ibang iba sa naging trabaho ko sa Pilipinas. Gayunman isa lang lagi ang nasa isipan ang kumita ng pera at matupad ang mga pangarap, kaya kailangan tiisin ang hirap at pagod.
Sumapit ang buwan ng Marso unang linggo petsa kwatro ng taong dalawang libo at walo, takbuhan, sigawan ang aking narinig habang nasa oras ng pagta-trabaho. Nasusunog ang pabrikang aking pinapasukan, takot ang aking naramdaman nasa ika limang palapag ang aming dormitoryo, ang mga naipundar na kagamitan, pera ay na andun naiwan, at ang nasusunog ay nasa ikalawang palapag, papa-akyat ang sunog, pulasan palabas ng pabrika ang lahat ng tao.
Nakatanaw na lamang dahil hindi na pinalapit ng mga boss. Mahirap patayin ang apoy sa aming pabrika dahil purong magnessium ang aming ginagawa, tanging buhangin lamang ang makaka apula dito. Naging mahirap sa aming mga Pilipino ang nangyari, inilipat kami pansamantala ng dormitoryo at ito ay malayo sa pabrika, maaga kaming nagigising upang pumasok dahil mahaba haba ang biyahe. Sakripisyo ang nangyari at tiyaga para kumita. Buwan ang lumipas at naging maayos na muli at balik na sa dati ang trabaho.
Ilang buwan ang lumipas taong dalawang libo at walo nagkaroon ng krisis, pagkabahala ang aking naramdaman baka makasama sa mga pabrikang magpa uwi itong aking pinapasukan, paano na ang aking mga pangarap? maglalaho nalang ba itong parang bula? mga katanungan na gumulo sa aking isipan. Pasalamat sa Panginoon ng malaman namin na hindi ito kasama. Lumipas ang mga buwan at heto na naman ang bagong pagsubok para sa aming mga Pilipino, umugong ang balitang ililipat ng Tsina ang aming pabrikang pinapasukan at ang malapit na matapos ang kontrata ay hindi na palalawigin ng isang taon. Panlulumo ang aking naramdaman hindi na maisasakatuparan ang aking mga pangarap. Nangyari ang balitang iyon, pinatapos lamang ang aming kontrata.
Buwan ng Hunyo dalawang libo at siyam araw ng pagbabalik sa lupang tinubuan. Magkahalong kagalakan at kalungkutan ang aking dala dala papauwi ng Pilipinas. Galak na kung saan muli kuna naman makakapiling ang aking pamilya, kalungkutan na ang mga pangarap at pangako kung binitawan ay hindi naisakatuparan. Masayang masaya ako ng lumapag sa paliparan ang eroplano, gustong gusto kunang lumabas kaagad upang mayakap ang aking maybahay dahil tanging siya lamang ang sumundo sa akin sa kadahilanang masyadong malaki ang gagastusing pamasahe pag pumunta pa silang lahat. Dalawang taong hindi nagkita sobrang pananabik sa isat isa ang nararamdaman, kaya walang katapusang yakapan at kumustahan ang nangyari. Kinabukasan lumipad kami pauwi upang mayakap at makapiling ang aking mga anak. Masaya ang aming pagkita kitang muli, sobrang pananabik yakap, halik at pakarga agad. Akala ko masaya ang aabutan ko, isa palang napakalaking pagsubok ang naghihintay sa akin. Araw at linggo ang lumipas marami akong napapansin sa aking asawa at sa mga kapitbahay. Tuwing dumaraan ako ay nagbubulongan sila na hindi ko naman ang dahilan. Nag usisa ako iba ang aking nararamdaman, nagtanong tanong sa mga kamag anakan niya iisa ang sagot sa akin, merong iba ang iyong asawa bukod sayo. Parang binagsakan ako ng isang gusali sa aking narinig.
Hindi ko alam ang aking gagawin, nabingi ako sa katahimikan, napatingin sa isang direksyon, natulala, hindi mapakali at ang init ng pakiramdam. Galit ang pumasok sa isip ko, saan ba ako nagkulang? ano ba ang nagawa ko? Sa kabila ng paghihirap ko sa ibayong dagat, ganito pa ang ganti sa akin. Hindi lang sakit ang aking naramdaman bagkus sobrang sakit, durog na durog ang puso ko. Ganito ba talaga ang nag a-abroad pag uwi sumasakabilang bahay na ang mga naiwan. Pinilit kung buuin ang aking pamilya ngunit huli na, siya na ang umaayaw.
Umuwi ako sa aking mga magulang na malungkot at walang pera. Mahabang paliwanagan na madali naman nilang naintindihan ang nangyari. Payo at dasal ang naging sandigan namin upang malagpasan ko ang napakabigat na dagok ng aking buhay. Buwan ang lumipas unti unti na akong nakakangiti at nakaka usap ng maayos. Wala akong ibang kapatid na pwding lapitan, nag iisa lamang akong anak. Mahirap lang ang aking mga magulang, nagsasaka ang aking ama at maybahay naman ang aking ina. Isang araw lumuwas ako ng bayan at napabili ako ng amplifier sa isang tindahan. Hindi ko akalain na ang babaeng nagbenta sa akin ay siyang magpapatibok ng puso ko. Siguro dahil sa gusto kung makalimot kaya nagawa kung buksang muli ito. Naging masaya ako ng sagutin niya ako sa kabila ng agwat ng edad namin dise otso siya noon at ako nama'y trenta y uno. Tinanggap niya ako ng buong buo sa kabila ng mga nangyari sa akin. Dalawang taon akong namalagi sa probinsiya na tanging pamumulot ng niyog, pag gawa ng walis tingting at lubid na mula sa bunot ng niyog ang pinagkaka kitaan. Kakarampot ngunit kuntento at masaya ako.
Hindi ako nawalan ng pag asa at muling sumubok na mangibang bayan, halos maubos kuna ang mga ahensiya ngunit hindi parin pinalad, ng isang araw naka usap ko ang aking kaibigan na kasama ko dati sa trabaho at magkakaroon ng interbyew ang kanyang pabrikang pinapasukan. Agad niya akong pinaki-usap sa kanyang boss sa Taiwan. Hindi naglaon at natupad ang pangarap kung makabalik ng Taiwan sa tulong ng aking kaibigan. Taong dalawang libo labing isa ng makabalik ako. Umalis ako ng Pilipinas na punong puno na naman ng pangarap, masakit, malungkot ang pag alis ko, kapapanganak pa lamang ng aking asawa, tatlong araw ko lang nasilayan ang aking anak at ako'y lumipad na. Iniwan ko siya sa aking magulang at naging maayos ang lahat. Sa loob ng tatlong taon natubos ko ang sakahan ng aking ama, nakabili rin ako lupa upang pagtayuan ng bahay, nabayaran ang mga utang, sa ngayon nag aalaga na rin sila ng baboy.
Umuwi akong masaya noong Enero taon ng kasalukuyan. At nakabalik muli ako nitong buwan ng abril petsa biente tres, kasalukuyang taon ng dalawang libo labing apat. Bumalik ako sa dating kumpanya parin. Pagbabalik upang ipagpatuloy ang mga nasimulang pangarap. Alam ko na hindi pa dito nagtatapos ang Hamon ng aking buhay. Ito pa lamang ang simula. Kaya kahit anong pagsubok pa muli ang dumating, tuhudin na lamang ito "lumuhod at magdasal".
Dahil siya lamang wala ng iba ang ating kakampi sa lahat ng oras.