2014-05-28 / MANIKA / Pag-ibig / Pilipinas菲律賓 / Wala
Namatay ang aking ama nung taong 2010. Sa pagkamatay ng aking ama para tila bang gumuho ang aking mundo. Susunod sunod na ang dumating na problema huminto na rin ako sa pagaaral ko at mas piniling tumulong sa aking ina para magtinda na lamang. Namulat ako sa katotohanan na kailangan ko ng kumilos. Taong 2011 , buwan ng Mayo nagsimula ako makipagsapalaran sa pag apply sa isang agency pa taiwan. Napaka swerte ko at dininig ng Diyos ang aking dasal at ako ay nakapasa. Buwan ng Oktubre ng taong 2011 ang simula ng aking panibagong buhay, buhay isang OFW dito sa taiwan.
Nagpunta ng taiwan hindi lang para sa sarili kundi para rin sa pamilya. Marami ang nagsasabi bakit para nga bang wala akong problema. Isa sa mga natutunan ko dito sa taiwan ang maging matibay at bigyan ng kasiyahan ang sarili. Anumang dagok ang dumating sa buhay dapat patuloy pa din tayong nagiging matatag. Matuto tayong bigyan ang sarili ng kasiyahan , pawiin ang lungkot sa ating puso't isip.
Marami ang nagbago , mas nadagdagan ng mga kaibigan. Napawi ang lungkot ng pangungulila sa pamilya ng dahil sa mga kaibigan, na handa kang damayan sa lungkot at saya. Naging tila para kaming mga naging turista dito sa taiwan bukod sa pagiging isang OFW. Naglakbay kami sa iba't ibang lugar dito. Napakarami naming naging karanasan. Pero di ibig sabihin nito ay nakalimot na kami sa responsibilidad namin sa pamilya namin. Patuloy pa rin ang aming suporta sakanila. Binibigay ang mga kailangan nila.
Isa sa mga pinagmamalaki ko ang mabigyan ng bahay ang aking ina. Di ko man naibigay ang diplomang kanyang hiling, sa titulo ng lupa ako bumawi. Di man kalakihan masasabi kong ito'y akin. Masasabi kong ito ang naging bunga ng pagtatrabaho ko dito sa taiwan. Walang anak na mapapagod para sa magandang kinabukasan ng pamilya. Walang anak na susuko na lamang. Ang lahat ng ito at mga susunod pa ay sukli ng pagmamahal at pagpapalaki sa akin ng magulang ko. Di ko ikakahiya ang trabaho ko bagkus ipagsisigawan ko pa sa buong mundo. Dito nahubog lalo ang pagkatao ko , mas nakilala ko pa ang sarili ko.
Ako si ""Manika"" na ngayong ay bente tres anyos na ipagmamalaking isa akong factory worker (OFW) , ANAK , KAIBIGAN .. Na hindi mapapagod , susuko sa pagtulong sa aking pamilya at sa bayan."