Artikulo



2014-05-28 / MaryGrace A. Calderon / Artikulo / Pilipinas菲律賓 Wala

Ako si MaryGrace Calderon, 25 taong gulang. Nagmula sa San Ildefonso, Bulacan, Pilipinas. Nakatapos sa kursong Agribusiness Management sa Bulacan Agricultural State College taong 2009. Noon pa man ay pinangarap ko ng magkaroon ng sariling negosyo at maiahon sa kahirapan ang aking pamilya. Minsan din sa aking buhay ay naranasan kong kutyain ng mga tao dahil sa antas ng aming pamumuhay. Inapakan at dinuraan ang aming pagkatao. Kung kaya’t nakipagsapalaran akong magtrabaho sa Taiwan. Umasa ako na ito ang siyang magiging daan para matupad ang aking mga munting pangarap.

Taong dalawang libo’t sampo (2010) sa edad na bente dos anyos (22) nang unang makarating ako sa Taiwan. Natutunan kong tumayo sa sarili kong mga paa at mamuhay ng malayo sa pamilya. Hindi nagtagal at nagkaroon ako ng mga kaibigan at masayang nanirahan sa nasabing lugar. Bagaman malayo ako sa pamilya hindi ko pa rin naiwasang mag-alala sa kanila. Subalit hindi ito naging hadlang sa akin para sumuko bagkus sila ang naging inspirasyon ko sa araw araw.

Nagsumikap ako, pinagbutihan ang trabaho at maayos na nakisama sa mga tao. Sa bawat buwan na aking kinita ay pinalad akong nakabili ng kapirasong lote sa aming lugar kung saan ako isinilang sa halagang $87,000 nt na may sukat na humigit kumulang sa 500 square meter. Laking tuwa ko nalang ng nabili ang bakanteng lote na iyon at umasa na dito na marahil unti-unting mabubuo ang aking pangarap na magkaroon ng sariling negosyo. Negosyo na may kinalaman sa kursong aking natapos.

Bagaman nakatapos ako ng apat na taon sa kolehiyo hindi alintana sa akin ang maituring na isang ’FACTORY WORKER’ sa Taiwan. Inisip ko na isang ”steppings stone” ito para makamit ko ang inaasam kong tagumpay. Hindi lingid sa inyong kaalaman na gabi-gabi sa aking pagtulog laging kong hinihiling sa Poong Maykapal na dinggin ang aking panalangin. Panalangin na sana balang araw ako’y maging isang matagumpay na“Business Woman/ Manager”. Mamamahala sa isang negosyo na tatawagin natin “ Grace Agri and Poultry Supplies”.

Sa pagtatapos ng aking dalawang taon kontrata sa Taiwan ay masaya akong umuwi ng pinas. Hindi mailarawan ang saya na aking nadama nang nakita kong muli ang aking pamilya at ang kauna unahang lupa na nabili ko. Ilang buwan pa lang ang lumipas noon ay tila ba ako’y hinihila ng pabalik sa Taiwan para ituloy ang mga bagay na aking nasimulan.

Makalipas ang limang buwan pananatili sa Pilipinas ay nabigyan muli ako ng pagkakataong masilayan at muling mamuhay sa Taiwan. Taong 2012 nang muling makabalik ako sa Taiwan.Sa tatlong taon kontrata binigay sa akin ay batid ko ang aking kasiyahan. Nabuhayan ako ng loob at nagkaroon ng pag-asa na muli kong maisasakatuparan ang aking mga hangarin sa buhay.

Ilan buwan muli ang lumipas ay pinalad akong nakabili ng bukirin o lupang sakahan malapit sa aming lugar na may sukat na humigit kumulang sa 1.7 hectares sa halagang $200,000 nt. Ang kikitain ng bukid ay maaari kong maging puhunan para sa pagpapatayo ng aking pangarap na negosyo.

Unti-unti kong nakikita ang katas ng paghihirap ko dito sa Taiwan. Sapat na ang mga bagay na nabili ko pra masabing ”proud” ako bilang isang ’manggagawa’. Hindi ko pinagsisihan na nakarating dito bagkus laking PASASALAMAT ko sa Taiwan ng nabigyan nila ako ng pgkakataon. Pagkakataon na malaman ng tao na hindi hadlang ang kahirapan para makamit natin ang mga pangarap natin. Na hindi habangbuhay mahirap tayo. Bukid ang ating pasyalan at kalabaw ang mga kaibigan.

Ang buhay natin ay parang gulong lang ang kawangis, umiikot pailalim at umiikot paitaas. Minsan sa ilalim tayo at minsan din ay nasa ibabaw. Sipag, tiyaga, determinasyon at kompiyansa sa sarili ang puhunan para maabot natin ang tugatog at rurok ng tagumpay.