Aking Karanasan sa Taiwan

2014-04-27 / Luzviminda Abanto / Aking Karanasan sa Taiwan / Tagalog / Yilan County Fishermen's Labor Union


"AKING KARANASAN SA TAIWAN
Dahil sa hirap ng buhay gustong guminhawa ang pamilya, mabigyan ng magandang kinabukasan mga anak kaya sinubukan kong mangibang bansa. Maaga ang gising upang hindi mahuli sa sasakyan, malayo ang biyahe papuntang Maynila. 
  Bitbit ang mahalagang dokumento at may pag-asang bukas makaalis sa bansa. Di nagtagal nasa loob na ako ng agency, doon ako kinabahan nang kinausap ako ng secretary na kaya ko bang mangibang bansa, kaya ko bang mag-alaga ng matanda o bata at sinabi ko na kaya ko. Kinuha lahat ang aking dokumento sinabing bumalik ako kinabukasan para sa interview. Diyos Ko, sana makapasa ako at makaalis agad. Kinabukasan kahit mabigat ang katawan sa pagod sa biyahe, isasakripisyo muna ang oras ng pagkain, gusto kong nasa una ako ng pila. Pagdating sa aking pupuntahan, nagulat ako sa dami ng aplikanteng mas nauna pa sa akin.
  Pagkatapos ng interview, pinapunta ako sa NBI at mga iba pang kailangan at sinabi nila kung may pangbayad sa medical at training. Pinagmedikal ako at pinadiretso sa training center kung saan ako nagtraining nang 2 weeks. Pagkatapos ng training, pinauwi muna ako sa amin at doon nalang ako maghintay ng tawag.
  Dalawang buwan nakalipas tumawag sa akin na magreport ako kinabukasan. Ang problema ko noon, wala akong pera papuntang Maynila. Kung saan kami nangutang. Pagdating sa agency sinabi nila na mag sign na ako ng kontrata at maghanda na ng pera para placement fee. Nagulat ako. Sabi ko Lord dapat ko bang ituloy ito. Saan ako kukuha ng ganong halaga. Ano ka ba kaya mo yan sinabi ko nalang sa sarili ko. Nagpaalam ako sa secretary na kailangan ko munang umuwi. Kailangan magdelihensiya maboo ang pera para sa placement fee at iba pang gastusin.
  At ito na nga ba ang simula ng katuparan ng aking pangarap para sa kapakanan ng aming mga anak. Umuwi muna ako sa probinsya para maghanap ng pera. Naibenta lahat ng mga alaga na baboy at kalabaw at kulang pa kaya nakautang kami ng 5’6. At matapos ang lahat sabi ko sa Dios na dapat ba akong umalis na kaya kong iwan ang aking pamilya. Maliliit pa mga anak. Oo kailangan ko itong gawinpara ito sa inyong mga anak.
  Araw ng aking pag-alis, ito na ba talaga ang makaalis sa bansa. Hindi ako makapaniwala diba ito ang gusto ang hanapin ang magandang kapalaran kaya dapat masaya, matatag, lakasan ang loob. Umalis ako sa bahay na tulog pa mga anak na ayaw kong lumingon sa kanila na may luha sa mga mata impit na pag-iyak ko. Sabi ko Lord, ito lang ang paraan mabigyan ang magandang kinabukasan ang aming mga anak. Tuloy-tuloy na akong lumabas ng bahay hindi na ako nagpahatid sa asawa ko dahil sa walang mag-alaga sa mga anak.
  Araw ng aking pag-alis, nagtaxi na lang ako papuntang airport. Pagbaba ko ng taxi, doon ako ninerbios lumamig ang aking kamay at tuloy-tuloy dumiretso sa pintuan. Ang daming tao, nag-iyakan, nagyakapan don ako napaiyak.
  Pagdating sa Taiwan, sinundo ako ng amo ko sa agency. Pagdating sa bahay tinuruan na ko sa gawain na paano ko umpisahan sa trabaho. Pasalamat ako at marunong silang magsalita ng Inglish. Lola lolo kasama ko sa bahay. Stay out amo ko lalaki at ang pamilya niya ay nasa Canada nakatira. Makalipas ang isang linggo don ko naramdaman ang aking pagkahomesick. Walang gabi na di ako iiyak. Kinabukasan, tumapat ako sa salamin at kinausap ko ang aking sarili na huwag ka nang umiyak. Ang Dios di ka niya pababayaan makakaya mo yan. Pagdating ng hapon oras ng pagtapon ng basura tuwing naririnig ko ang kanta ng truck don na naman tumulo ang aking luha. Sabi ko Dios Ko, ganito ba talaga ang buhay abroad. Hanggang may nakilala akong Pinay don unti-unting nawala ang pagkahomesick ko na sabi niya ganon din siya nong una. Na gusto ng umuwi makapiling ang mga mahal sa buhay. Dahil sa dami ng utang, tiisin na lang muna. Isang araw dumalaw amo ko at pagdating naghanap agad ng makakain at tinanong niya sa mga magulang kung anong kinain namin. Sabi ng ina, nagpainit ng batchang at tinanong niya kung kumain ako. Sabi ko kumain ako ng isa at yon naman ang sabi ni Lola. Sabi niya bakit daw ako kumain at para lang daw sa kanila yon at laking gulat ko nang sabi niya kaltasin sa sahod ko at kinaltasan talaga ako ng 150NT. Umiyak nalang ako noon at sabi pa niya na pag lumabas kami na kakain sa restaurant, kain daw muna ako sa bahay bago umalis para di na daw ako kakain sa restaurant at pag hindi ko sinunod, kaltasin na naman daw sa sahod ko at totoo don lang ako sa gilid o sa labas ako maghintay sa kanila. Hanggang sa pagtitiis makamit ang magandang kinabukasan, natapos ko ang aking kontrata at hindi ako pinabayaan ng Maykapal.
  Habang maliliit pa mga anak sinubukan ko ulit nag-aplay ipasapalaran na sana makahanap ng mabuting amo di nagtagal tamang-tama na man pagdating sa agency, maraming dumating na Job Order kaya meron agad akong employer at sa may konting ipon, hindi na ako naghanap ng pangplacement fee at di nagtagal, narating ko na naman ang bansang Taiwan. Pagdating sa pangalawang amo, laking gulat ko palang sa bahay ay may malaking restaurant sa baba at hanggang 5th Floor ang lilinisan at may isang lola na nakaupo sa wheelchair. Sabi ko sa sarili ko na makaya ko ba ito. Mabait naman sila sa akin pero ang problema ko ay ang trabaho at gutom dahil walang agahan at mag-aalas dos na ako kakain ng tanghalian at 10 pm ako kakain ng gabi dahil isang katumpak na hugasan at kulang pa sa tulog. At ang ayaw ko sa kanila ay ang bigay nilang pagkain galing sa customer. Dahil sa sobrang gutom, wala akong magawa. Kinain ko yon at nong nakita ko na ganon, bumili nalang akong sarili kong pagkain. Dahil sa hirap ng buhay gustong madagdagan ang puhunan, natapos ko rin ang kontrata ko. At sabi pahinga muna, nagpatayo kami ng konting sari-sari store dahil sa konti lang ang income, lumalaki ang aming mga anak. Dalawang taon ako nagpahinga sa Pinas. Sinubukan ko na naman makipagsapalaran dahil sa may experience na madaling makaalis. Wala pang dalawang taon, nakaalis na naman ako sa bansa at di nagtagal nasa bahay na naman ako ng magiging amo at ang aalagaan ay kambal na babae. Mabait sila sa akin pero pagod sa trabaho, kulang sa tulog. Gusto kong humingi ng day-off para man lang makapagpahinga pero sabi nila ang kontrata ko ay walang day-off kaya wala akong magawa. Kaya hindi ko natapos ang 3-year kontrak. Hanggang 2 years lang ako at ayaw na kong payagan ng asawa ko kaya pahinga nalang muna at binuksan ko ulit ang aming tindahan. At makalipas ang isang taon, sabi ko sa asawa ko, magka-college na ang panganay namin kaya sabi ko isang go nalang. Sayang din kasi na-extend na ng 12 years kaya nag-oo naman ang asawa ko at di nagtagal, andito naman ako sa bansang Taiwan. At laking pasalamat ko, nakahanap ako ng mabait na amo at walang masyadong trabaho. Sabi sa Lord, thanx at ito ang sinasabi nila na sa huling ako suwertihin at tutoo nga. Talagang mabait at ang saya-saya ko dahil hindi ko naranasan ang pagkahomesick ko dahil ang amo kong babae ay Pinay. Napakasuwerte ko sabi ko sa Lord na sana ma-extend pa ulit kahit 15 years.
"