Tatlong Bituin, Isang Araw

2015/5/21 / Jean Mantes / Tatlong Bituin, Isang Araw / Pilipinas 菲律賓 / Wala

Ang buhay ay puno ng pag-asa, puno ng pakikibaka at pakikipagsapalaran. Mga pangarap na hahamon sa bawat kakayahan natin. Mga pagsubok na susukat sa katatagan at tagumpay na magsisilbing marka ng minsang kabiguan natin. Sa maikling salita, ang buhay ay isang siklo ng paglalakbay.
Bitbit ko sa ikalawang pagkakataon ang karugtong ng aking mga pangarap. Sa pangalawang pagsabak ko sa buhay abroad...dala ko ang dagdag na determinasyon at tapang, lakas ng loob at mas malawak na kaisipan...yan ang magsisilbing sandata ko para maging mas malakas sa panibagong hamon sa pangingibang bayan. Sa ikalawang pagtapak ko sa bansang unang nagbigay ng pagkakataon para maranasan ko ang buhay  na malayo sa pamilya at sa bayang sinilangan...dala ko ang mas nakakahigit na ako.
Sa paglipad ng sasakyang naghahari sa himpapawid, kasabay nitong lumilipad ang aking kaisipan para sa mas mataas na hangarin ko sa buhay. Kasabay ng paghalik nito sa ulap...nandoon ang pag-aasam kong magkaroon ng katuparan ang lahat ng aking mga pinapangarap para sa aking pamilya. Pamilyang iniwanan ko, inspirasyon at pamilyang makakasama ko hanggang sa huling hamon ng kapalaran. Sa paglapag nito sa bansang magsisilbing tahanan ko sa loob ng ilang taon...nandoon ang kasiyahan at pananabik ko para harapin muli ang tinatawag na ""buhay OFW"".
Kasabihan nga ng karamihan...SANAYAN LANG SA BUHAY. Tama nga naman, dahil sa bawat karanasan at pagkakamaling nagagawa natin, mayroon tayong aral na natututunan na magsisilbing daan para mahubog tayo upang maging mas kapaki-pakinabang.
Bilang isang migrante o manggagawa sa ibang bayan...hindi lang para sa sarili ko at pamilya ang bawat paghihirap na aking mararanasan. Hindi lang sarili ko ang dala ko kundi pati na rin ang bansang pinagmulan ko at ang lahing taglay ko.
Isang sugal ang pangingibang bayan...sugal na sarili mo mismo ang iyong magiging kalaban. Kung magiging mahina ka at hindi mo magagawang aralin at matutunan ang paraan para tumagal sa pakikipaglaban...hindi mo makakamit ang magandang buhay na hinahangad mo.
Mga dayuhan kaming manggagawa sa itinuturing naming dayuhang bansa, kami ang magsisilbing lakas ng aming Inang Bayan...dagdag puhunan kami para sa pag-unlad. Bagong bayani kung tawagin kami ng lahat, sa gitna ng pagsubok sa ibayong dagat...sa bawat problemang hinaharap at pinaglalabanan...dala ko ang lakas ng loob at tatag ng paniniwalang makakaya ko kahit anupaman ang mangyari. Tatak ng lahing mayroon ako, ang maging matibay sa gitna ng unos at mga pagsubok.
Iba't iba man ang pinagmulan namin, kanya-kanya man kami ng paniniwala at sariling kakayahan...iisa ang hangarin namin sa pag-alis, yun ay ang mabigyan ng magandang buhay ang iniwan namin. Mabigyan ng katotohanan ang bawat ninanais namin para sa aming pamilya para sa kaginhawaan na mararanasan  namin sa oras na matupad lahat ng binuo naming pangarap.
Alipin man kami ng dayuhang bansa, balutin man kami ng kalungkutan...mabago man ang takbo ng buhay na aming kinagisnan...hindi iyon magiging hadlang para tumigil kaming abutin ang aming nasimulan.
Sa bawat hamon, sa bawat luhang nailalabas namin dala ng matinding pangungulila, sa bawat patak ng pawis dahil sa kapaguran...mga kalyong kumakapal sa kamay man o sa paa dahil sa bigat ng trabaho. Mga matang uhaw sa tulog at katawang napapagal...kaya naming tiisin para sa magandang bukas.
Ako ay isang manggawa...isang taong may pangarap. Lumalaban sa iba't ibang hamon at naglalakbay sa samu't-saring byahe ng buhay.
Sa PERLAS NG SILANGANAN ako isinilang...lahing Pilipino ang aking pinagmulan. Sa ilalim ng kinang ng TATLONG BITUIN at init ng walong sinag ng ISANG ARAW, mananatiling nakatayo at mangingibabaw ang lahing kahit anong mangyari...taas noo kong ipagmamalaki.
PILIPINAS ang bansa ko...LAHING PILIPINO ang taglay ko. Isang bansa...isang lahi...matatag para sa TAGUMPAY.
MANGGAGAWANG PINOY...DANGAL NG BAYAN! ISANG SALUDO BILANG PAGHANGA...PILIPINAS, MABUHAY KA!