Sanaysay Hinggil sa “ Taiwan ; Magandang Ehemplong Bansa”
Sa labindalawang taong aking pamamalagi dito sa Taiwan bilang isang manggagawa ay aking masasabi na ito ay isang napakahalagang karanasan. Una sa lahat ang pagkakaroon ng oportunidad na magtrabaho dito ay laking tulong sa akin at sa pamilya ko. Mataas ang respeto ko sa bansang ito,sa mga tao,kultura at pamamahala ng gobyerno nila.
Ang mataas na pamamantayan ng kanilang ifrastraktura ay nagpapahiwatig ng katatagan ng kanilang ekonomiya at patuloy na tagumpay. Ang Taiwan ay isa sa bansa sa mundo na may pinakamaayos at mabilis na sistema ng transportasyon. Ang bansang ito ay isang magandang halimbawa sa mga kalapit nitong bansa lalo na sa aspekto ng pamamahala ng kanilang ekonomiya. Naniniwala ako noong sinabi sa akin ng isang doktor dito na ang Taiwan ay isa sa bansa sa buong mundo ang may pinakamura at maayos na sistema ng pamamahala ng kalusugan. Ako mismo ay isang patunay sa kagandahan ng kanilang sistema ng kalusugan dahil sa bawat pagkakataon na ako ay nangailangan ng serbisyo mediko ay murang halaga lang po ang binabayaran ko. Sana mayakap ng aking bansang Pilipinas ang ganitong pamamalakad. Pinapahalaghan ng gobyernong Taiwan hindi lang ang kanilang mga tao pati na rin mga dayuhang legal na nagtatrabaho dito kagaya ko.
Ang pagiging bukas ng Taiwan sa mga dayuhang manggagawa ay nagpapahiwatig na meron itong puso hindi lang sa pansariling pag-unlad ng kanilang bansa kundi pagtulong din sa ibang bansa.. Maganda ang programa nila hinggil sa pangangalaga at pagprotekta ng mga karapatan ng mga dayuhang manggagawa.
Taong 2013, nagkaroon ng hindi magandang sitwasyon ang Pilipinas at Taiwan partikular sa naganap na pagpatay ng mga mangingisdang taga Taiwan. Nagdulot ito ng takot sa aming mga Pilipinong manggagawa dito sa Taiwan dahil sa mga panahong iyon ay nangingibabaw ang sakit at galit sa mga Pilipino ng ibang mamayan ng Taiwan. Nagdulot pa ito ng pansamantalang hindi pagtanggap ng mga manggagawa na galing Pilipinas. Sa pagkakataong ito ay napatunayan at naipakita ng gobyerno ng Taiwan na hindi makitid ang utak ng kanilang pinunong tagapamahala dahil nangibabaw pa rin ang pagkamakatwiran nila sa desisyon na ibalik at ipagpatuloy ang maayos na relasyon ng Taiwan at Pilipinas.
Ang kullturang Taiwan ang nakaantig sa aking puso at pananaw sa buhay. Ano mang meron ang bansang ito, luma o bago,simple o moderno ay makikita mo pa rin ang kaugnayan ng kanilang kultura. Isang lohikal na dahilan ang pagyakap ng pagbabago o paggamit ng dayuhang ideolohiya kung ito ay magdudulot ng ikakabuti ng buong bansa. Dito sa Taiwan, naihalo man nila ang ibang dayuhang konsepto sa kanilang sariling pamamaraan ay mapapamangha ka dahil kaya nilang itatag ang pagkaorihinal nila.
Maraming bagay at mabuting dahilan na pagkakakilanlan ng bansang Taiwan sa buong mundo at sa larangan ng teknolohiya ang nangingibabaw. Isa ito sa bansa sa buong mundo na nangunguna sa paggawa ng mga dekalidad na produktong teknolohiya na puwedeng gamitin ng buong mundo upang makamit ang mas mabilis at makabuluhang pamumuhay sa aspekto ng teknolohiya.
Base sa karanasan ko dito sa Taiwan ang mga nabanggit ko sa mga naunang parte ng aking sanaysay ay mga personal kong pananaw kung bakit ko nasabing ang Taiwan ay isang magandang modelong bansa. Saang parte man ako dalhin ng tadhana ay laging nakatatak sa isip at puso ko ang kahalaghan ng aking mga obserbasyon at karanasan dito sa Taiwan.