2015/3/6 / Ekong Java / Karanasang Nagbigay Katuparan Sa Isang Pangarap / Pilipinas 菲律賓 / wala
“Karanasang Nagbigay Katuparan Sa Isang Pangarap”
Lahat tayo ay may mga karanasang di malilimutan.Mga karanasan sa pamilya,sa kaibigan at sa pag-ibig.Lahat ba ng mga karanasang ito ay natatandaan mo pa?Siguro kulang pa ang isang libro para mailathala ang naging karanasan ng aking asawa.
High school pa lang siya ng maulila sila sa ama.Ang kanyang ina naman ay di nakapag-aral kung kaya wala rin itong mahanap na trabaho.Lima silang magkakapatid at siya ang panganay.Kung kaya siya na ang tumayong padre de pamilya.Pinagsasabay niya ang pag-aaral at paghahanap-buhay.Kadalasan umaabsent pa siya sa klase para lamang makasama sa pag-aani ng palay.Ng sa gayon may makakain ang kanyang mga kapatid.
Gayunpaman,nakapagtapos pa rin naman siya ng high school.Hindi na siya nag-aral pa ng kolehiyo.Bagkus,nag-apply na lang siya sa Maynila.Hindi naman agad siya natanggap sa trabaho dahil high school lamang daw ang natapos.
Ngunit hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa.Hanggang sa natanggap siyang truck driver ng isang pabrika ng mga plastic.At dito tumagal siya ng higit limang taon ng pagiging isang driver.Hanggang sa naisip niyang hindi sapat ang kita niya para matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid.At dito na nga siya nag-try na mag-apply sa Taiwan.At sa kabutihang palad,natanggap naman siya dito.
Naging maganda naman ang trabaho niya dito sa Taiwan.Nagkaroon siya ng maraming kaibigan mapa-Pinoy man o Taiwanese.Nakakapagpadala siya ng malaking halaga sa pamilya niya sa Pilipinas.Natustusan niya ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid.Nakapagtapos din ng high school ang kanyang mga kapatid.Dalawa sa mga ito ay nakapagtrabaho na rin dito sa Taiwan.At yung bunso ay kasalukuyang nag-aaral ng Engineering at nangako sa kanya na pagbubutihin niya ang kanyang pag-aaral para balang-araw siya naman ang kanyang tutulungan.
Ang kanyang mga naging karanasan ay hindi nagbigay hadlang sa kanyang pag-abot ng kanyang mga pangarap.Ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon at lakas ng loob para makamit ang kanyang pangarap hindi lamang para sa kanyang sarili kundi pati sa kanyang mga kapatid.