2015/3/15 / Gina Lim / Ang Trabaho Linis Ay Hindi Biro / Pilipinas 菲律賓 / Gen Huang
Bawat tao na nakarating sa ibang bansa ay may iba-ibang layunin. Hindi dahil may mataas na kinanapusan ay madali na makahanap ng trabaho. Karamihan sa atin ay isa lang ang sinasabi kapag narinig nila ang trabaho ng isang tao ay taga-linis: madali ito. Dahil daw wala kailangan aralin o kakabisaduhin. Nagkakamali ang mga taong ganito ang akala at isip. Bawat klase ng trabaho ay may iba-ibang hirap at matutunan.
Sa Holiday KTV, kinakailangan araw-araw maaga maglinis ng apat na palapag habang hindi nag-bubukas. Bawat palapag ay may maraming kuwarto, may nakatoka sa kubeta. Sa bawat kwarto, pupunasan ang mga dingding, pinto, sopa, telebisyon at lamesa. Kailangan din mag walis. Kung papakinggan ang mga ito, napaka-dali lang gawin, pero pag tayo ang nakatayo sa lugar nila, dun natin malalaman ang pagod at hirap. Wala ng ginawa kung hindi yumuko at lumuhod, itaas ng mga kamay para sa dingding. Sa mga taong taga-linis ng kubeta ang pinaka-mahirap na parte. Walang brush na pwede gamiting. Guwantes, sponge at sabon lamang ang ginagamit para sa inidoro. Nakakadiri at nakakasuka sa unang bukas ng pintuan. Nakakalat ang tae sa inidoro, kadalasan ay hindi naka-flush. Mga pagkain ay naka-kalat sa semento, cake na nakadikit sa dingding at pintuan. At sa taong nakatoka para mag-linis ng kubeta, siya ang mag-lilinis ng lahat noon. Buong kubeta ay kailangan linisin, at bago mag-bukas ang KTY ay iimbestigahan kung nailinis mabuti. Kung hindi, papaulitin nila ito. Ang pag-check ng inidoro ay ginagamitan ng salamin, sinisilip mabuti kung may naiwan na dumi. Iniisip ko dati kung talaga sinadya na ganito ka-dumi, pero hindi natin masisisi ang mga tao. Nasa isip nila ay may taga-linis naman ng kanilang mga kalat.
Sa bangko, iba din ang klase ng linis. Sa aking karanasan, dalawang oras lang winawalisan, mop at hakutin ang basura sa bawat lamesa at pupunasan pagkatapos, pati na din ang salamin ng mga pinto. Ipaghihiwalayin ang mga pagkain para sa kanin baboy, mga bote, plastic, karton at papel ay kailangan din hiwalayin at antayin ang trak para i-recycle. At minsan ay kailangan linisan sa labas, sa daanan ng maraming tao.
Isip din ng tao ay madali ang linis sa hotel. Siguro nga, para sa mga nag-lilinis ng mga kuwarto dahil grupo sila, pero para sa mga may hawak sa lobby mahirap, mag-isa lang into ginagawa.Buong lobby mula sa harap hanggang likod, pati sa smoking area ay kami ang taga-ligpit ng kalat at walang tigil sa kaka-punas ng lamesa, hindi din pwede may basa, pati sa semento. Maagayos ng diyaryo, magazine, booklet. Pupunasan ang mga computer table ta malaking salamin na pinto na walang tigil ang pasok ng mga tao, at hindi pwede may fingerprints sa salamin o hawakan ang bintana. Hinahakot ang mga basura ng mga opisina at intinatapon sa lugar na punong-puno ng iba pang basura. Napakahirap kapag umuulan. Susundan mo ang mga paa ng taong pumapasok dahil hindi lahat sila ay nag-pupunas ng paa, at kami din ang mag-lilinis ng dumi at putik ng kanilang sapatos. At kahit umuulan, hindi pwede ihinto ang rounds sa lobby tuwing labing-limang minuto para mag-ligpit ng kalat at mag-punas ng lamesa. Mayroon din suka ng mga lasing sa labas ng building ng hotel, kami rin ang taga-linis.
Sa kubeta naman ay halos parehas lang sa mga Holiday KTV. Wala man supervisor na taga-check, ang mga customer naman ang mga nag-susumbong sa counter na hindi sila nasiyahan sa linis nito. Kung sa kubeta ng dining area naka-assign ang isang tao, wala sila tigil sa pag-kolekta ng tissue sa basurahan ng bawat sulok, babantayan din para mapalitan kung sakali maubusan ng tissue. Sa pang lalaki at babae ang hawak ng mga naka-assign sa kubeta, at kahit na may gumagamit na tao sa loob ay kailangan pa rin linisin. Kailangan lagi tuyo ang lababo at malinis ang salamin at semento dahil kapag may nadulas o nasaktan, i-rereport sila at sila ang masisisi.
Ang tinatawag naman natin na ""katulong"" na sa bahay lang nag-lilinis ay mas madali kumpara sa iba. Parang lang nag-lilinis ng sariling nating bahay. Mayroon stay-in, at mayroon rin per-hour, ang pinagkaiba ay hindi pwede ipa-bukas o ihinto kung sakali man mapagod ang katawan o kapag inantok kung per-hour ang isang tao. Kailangan tapusin lahat ng gawaain sa loob ng oras na ibinigay. May bahay na malaki, maliit, mayroon din makalat at mayroon din kailangan lang i-maintain ang bahay. Laba, walis o vacuum, plantsa, hugas plato, parang lang talaga nag-lilinis ng sariling bahay.
Nalaman ko sa lahat ng aking naranasan kung gaano kahirap ang trabaho ng linis. At sa bawat ng lugar na nilinisan ko, may napulot ako ng bagong kaalaman, at natutunan ko kung gaano ang hirap na dinadanas ng mga taong hindi natin napapansin. Kailangan maging matiyaga, makisama sa mga katrabaho at higit sa lahat maging masipag. Ang mga hotel, bangko at Holiday KTV ay may sariling pamamaraan kung paano lilinisin, at kailangan mahalin ang trabaho. Hindi ito tungkol lamang sa suweldo. Napansin ko ang impluwendyang naidulot nito. Sa bahay, natuto ako mag-organize ng mga damit, tuwalya, malaki man o maliit para mag-kasya sa cabinet. Ang pag-lilinis ay hindi lang isang klase ng trabaho, isa itong pamumuhay. Matutunan itong mahalin at maging tapat sa ginagawa. Sa ganun, magiging malinis at maayos ang lahat.