2014-06-02 / Karen Grace B. Carino / RESIBO / Pilipinas 菲律賓 / Crystalwise Technology Inc.-Hsinchu
Akda ni: Karen Grace B. Carino
Crystalwise Technology Inc., -HSINCHU
Augusto 15, 2012. Kakaiba ang gising ko noong araw na un. Pakiyari ko akoy nananaginip, tila isang panaginip sa loob ng isang panaginip. Wari'y isang batang galak na galak dahil sa wakas sa unang pagkakataon, makakasakay na ko ng eroplano. Tila batang isip na walang inisip kundi Sa wakas makakalabas nako ng Pilipinas, sa wakas makakarating nako sa ibang bansa, sa wakas mabibili ko na ang mga gusto ko. Easy go lucky lang. Walang direksyon. Walang plano. Yan ang unang una sa isip ng mga gaya ko minsan bago tumapak ng ibang bansa. Di man aminin ng iba pero maraming kagaya ko. Hindi ko na kasi masyadong alalahanin ang aking mga magulang dahil may sarili na silang pinagkakakitaan at dahil sa nagiisa ko na lang na anak, ako na lang ang prinoproblema nila. Akala ko nung una madali lang ang buhay OFW. Akala ko naglalaro lang. Pag tinitignan ko kasi ang facebook ng aking mga kamaganak at kakilala noon manghang mangha ako. Nainggit ako sa kasalukuyan nilang pamumuhay bilang Ofw. Nakakatuwa dahil kung noon babaduy baduy, ngayon masasabi mo na talagang may angas na, may dating, in short astigin na. Kung dati'y walang wala, ngayon asensado na. Nakaiphone na. Nasabi ko tuloy sa sarili ko, aba buti pa to, samantalang ako mula pagkagradweyt ko ng kolehiyo nagtratrabaho na ako. Pero sa ilang taon na yun, ni hindi ko man lang nagawanh bumili ng pinapangarap kong laptop para sa sarili ko. Alam naman natin ang kapasidad ng pasahod sa Pilipinas, nagtratrabaho lang tayo doon para mabuhay. Ubos din lahat sa pang araw araw na gastusin, minsan nga kulang na kulang pa. Doon ko naisip na subukan magapply, nasambit ko na lamang bigla ang mga katagang, magaabroad din ako. MagOOFW ako. Walang mangyayari sakin dito sa pinas. Kaya magaabroad ako.
Bagay na hindi ko pagsisisihan sa tanang buhay ko.
Pagtapak ko ng taiwan hindi agad ako makapaniwala. Kung nooy napapanood ko lang sa teleserye ang bansang kinalakihan ni San Chai at Dao Ming Xi, heto't nandito na ako sa wakas. BitBit ang maliit na maletang iilan Lang ang laman. Di ko na mapigilang magusisa sa aking paligid, dahil nga naman perstaym, ang totoo nyan nagumpisa na yun sa airport pa lamang. Nasaksihan ko ang mga nagiiyakang mga mahal sa buhay na naghatid sa amin sa airport. Kakaiba. Mabigat. Dahil na rin marahil ito ay isang malaking pagsubok sa isang pamilya na malayo ang isang myembro nito. Lalayo upang makipagsapalaran. Hindi alam kung anong nagaantay pagdating sa kanyang bansang patutunguhan.
Nang akoy dumating sa Taiwan, Pakiramdam ko ako ay nagbuhay kolehiyo ulit. Inihahalintulad ko ito sa muli kong pagbabalik eskwelahan. OFW ang kurso ko. Ang kompanya ko ang nagsisilbi kong paaralan, ang dorm ko syempre ang aking dormitoryo, ang mga boss ko ang nagsisilbi kong guro, at kung dati ay ako ang binibigyan ng alawans, ngayon tungkulin ko na na ako ang magbigay nito. Wala din pagkakaiba sa mga ibang dormitoryo sa Pinas na napupuntahan ko noon. Makikisalamuha ka sa ibat ibang tao na may ibat ibang ugali, tradisyon, at lenguahe. Inilalarawan ko ito bilang isang puno na may ibat ibang klase ng bunga. May mansanas, santol, orange, ubas atbp. Nakakatuwang isipin na sa ibang bansa nagkalat pala ang mga kalahi kong pinoy, bagay na syang ikinatuwa ko. Di katulad ng ibang bansa na bilang lamang ang mga pilipino, dito sa Taiwan, kaliwat kanan ang mga pinoy kaya iisipin mo na ang taiwan ay para lamang din isang maliit na bahagi ng Pilipinas. Minsan naisip ko nasa taas lang naman ng Luzon ang Taiwan. Pwede na rin sigurong Taiwan, Luzon, Visayas, Mindanao. TALUZVIMINDA. :)
Nagsimula kong mapatunayan ang realidad nang magpunta na kami sa pabrikang naka destino sa amin. Doon nako unti unting nagigising sa akala kong isang panaginip lamang. Doon nako nakaramdam ng takot at pangamba sa mga mangyayari sa akin dito sa taiwan, dito nako nagsimulang magseryoso, dito nako biglang nagising. Mula sa hirap ng trabahong ipinasa sa amin hanggang sa mga ibang kalahing makakasalamuha namin. Lahat na siguro ng klase ng sama ng loob mararamdaman mo dito. Lahat ng klaseng pakikisama kailangan mong ilabas. Sa kapwa Pinoy man o ibang lahi, lahat ng pasensya, mula sa kaliit liitang pasensyang natitira sayo kailangan mong ipunin sa bawat araw na lumilipas. Tibay at Pasensya ng loob ang kakailanganin kung talagang gusto mong tumagal sa bansang ito. Sa bawat paglipas ng mga araw ko dito sa Taiwan unti unti akong natuto. Kung noon dati'y ako ay naglalaro lamang, ngayon natuto akong magisip ng prioridad sa buhay. Hindi pala madaling kitain ang pera na noon nilalaro laro ko lamang. Doon ko biglang naalala ang sinabi sa akin ng aking mga magulang na malalaman mo lang ang totoong hirap kapag nadanasan mo na ito ng magisa. Walang dinedependehang tao. Ikaw lang magisa. Natuto akong magtipid. Natuto akong magpart time. Dito ko natutunan ang halaga ko bilang isang anak kaya naman halos buwan buwan kong binibigyan ng kahit konging tulong man lang ang aking pamilya at mga kaibigan. Ang gaan pala ng pakiramdam na ikaw ang nagbibigay kesa humihingi. Iba pala ang pakiramdam ng nakakatulong ka, sa Pamilya mo at sa kapwa mo. Walang kapantay ang pakiramdam na yun.
Dito ko nasimulang danasin ang hirap ng isang buhay OFW. Ikaw ang magisang tataguyod ng mga pangangailangan mo, magluluto, maglalaba, magaayos ng mga gamit mo. Isa sa pinakamalaking pagsubok din ay kung ika'y magkakasakit, magisa mo itong haharapin. Magisa kang magapacheck up at di alam kung kailan kusang gagaling. Di rin naman kailangang lumiban ng matagal kapag nagkasakit dahil wala ka namang kikitain. Dito sa abroad, masusubukan ang pisikal, emosyonal, at mental na kapasidad ng tao. Dito din sa abroad bawal ang tamad, kundi wala kang mararating. Di rin minsan pwedeng asahan ang kapwa Pinoy dahil dito sa abroad, uso din ang tinatawag na ""crab mentality"" pero wag na nating talakayin yun dahil nakakastress lang. Nakakalungkot man isipin pero totoo ito. Minsan kapwa pinoy pa ang manlalalaglag sayo. Saksi ako sa ilang kaugalian na ito at masasabi kong hindi ito maganda para sa atin. Isabay natin sa mabilis na pagbago ng teknolohiya ang mga masasamang kaugalian na ito.
Minsan akala ng iba porket nasa ibang bansa, mayaman na. Dahil nga naman bili dito ng gadgets at kung ano ano, taliwas sa kaalaman ng iba na paraan lang ito minsan upang malibang at maging daan upang makita at matawagan ang mga naiwang pamilya sa Pilipinas. Dahil hindi katulad noon, hindi na uso ang lapis at papel, hindi na uso ang di sulat. Nandyaan na ang facebook, twitter, instagram, tango, yahoom, viber, skype atbp. Ito ang nagiging libangan naming mga ofw at nagsisilbing pamatay oras sa panahong kami ay nalulungkot. Sandata sa araw araw na pagod at puyat at magdamag na gawa sa pabrika. Maibsan man lang ang pangungulilang nadarama lalo na sa mga panahong dinadalaw kami ng labis na kalungkutan. Saksi ako sa ibat ibang istorya ng buhay ng aking mga kasamahan dito, para sa akin ito ang mga pagsusulit ng kurso ng pagiging isang OFW at kailangan mong maipasa ito upang makaahon, upang makapasa sa mga pagsubok na dumarating at darating pa sa ating hinaharap.
Dito sa abroad, karaniwang araw na din minsan ang mga okasyon tulad ng Birthdays, Christmas, New Year atbp., ok na kung maisipang magsalo salo minsan ng mga Pinoy, pero kadalasan yung iba mas pinipiling magtrabaho na lamang kesa magdiwang dahil para sa kanila lalo nilang madarama ang lungkot na malayo sa Pamilya. Naranasan ko ito, pagsapit ng oras ng mga okasyong ito, mapapaluha o kaya nama'y mapapangiti ka na lamang nang hindi mo namamalayan..
Minsan may nagsabing puro resibo lamang ng padala ang naipon kaya karamihan kahit na mahirap ay bumabalik pa din sa bansang ito, ang Taiwan. Na nagsilbing pangalawang tahanan ng mga kagaya kong uhaw sa asenso at kaunlaran. Ngunit bukod sa resibo, dapat nating ipagmalaki ang ating naiaambag sa bawat pamilyang Pilipino at pati sa ating bansa. Tayo mismo, bilang OFW, isa tayong klase ng resibo ng ating bansa. Patunay tayo bilang dekalidad at may mataas na kalidad pagdating sa trabaho. Kaya naman hinahanap hanap ang serbisyo natin kahit saan mang parte ng Mundo. Taas noo tayo. Saludo ako sa ating lahat dahil sa kabila minsan ng mga hindi magandang pangyayari na hindi inaasahan tulad nang pagpatay umano ng mga kapwa nating Pinoy sa isang fisherman na Taiwanese, pagpatay din umano sa isang may ari ng tindahan, andito pa din tayo, taas noo, pinapatunayan natin ang mas magandang kaugalian na nananalaytay sa lahi natin, kaya kahit ano mang pagsubok ang dumating, tayo pa din ang hinahanap hanap ng employer pagdating sa trabaho. At ito ang bagay na lubos nating maipagmamalaki sa ating bansa. Kaya tayo tinawag na Makabagong Bayani ng ating henerasyon dahil na kahit ano mang panganib na nakaamba sa atin, tumatayo pa rin tayo, tumitindig pa din tayo. Dahil Pilipino tayo!
Malapit na akong grumadweyt sa aking unang kurso bilang OFW. Ang gaan sa pakiramdam, nakakatuwa, nakakakilig. Sa unang pagkakataon, malapit ko ng makumpleto ang isang buong kontrata bilang OFW. Hindi ko man maisakatuparan sa ngayon ang natapos kong kurso sa kolehiyo, masaya pa rin ako dahil naging makabuluhan ang panahon na inilabi ko dito. Paguwi ko ng Pinas dala dala ko ang pinakamahalagang leksyon ng buhay na natutunan ko mula rito. Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit tinatawag na Bayani ang isang tulad kong hamak na OFW. Kung noon maliit lang na maleta ang dala ko. Ako'y nangangarap at umaasa na sa susunod ko pang tatahaking lugar, mas malaki at matibay na ang maletang bitbit ko, dala ang mas matibay na loob at puso na hinubog ko mula sa bansa kung saan akoy unang naging OFW, kung saan ako unang naging BAYANI, kung saan ako naging mas matibay na tao, ang bansang humuhubog ng maraming pangarap, ang bansang Taiwan. "