Bakit Puso Ang Anyo ng Pag-Ibig

2014-05-23 / Jacky E. Baris / Bakit Puso Ang Anyo ng Pag-Ibig / Pilipinas 菲律賓 / MECO

Bakit Puso ang Anyo ng Pag-ibig!

Palaisipang sumasagi sa aking alaala at isip
Pilit na inihahanap ng paliwanag at nililirip
Kung bakit hugis puso ang anyo ng pag-ibig
May uka sa ibabaw may tulis sa ilalim!

Bakit nga ba anyong puso ang pag-ibig?
Katanungang pilit na inihahanap ng katugunan
Bakit nga ba hindi na lamang bilog o parisukat?
O kaya’y parihaba o bituin sa kalangitan?

Bakit nga ba may ukit sa ibabaw ng puso?
Tila ito ay laging nakalaang tumanggap ng kahit ano
Kapara nito ay nakaawang nakabukas na pinto
Handang sumagap ng pagmamahal at pagsuyo!

Maari rin namang ito’y magkamit ng pasakit at kirot
Mula sa balatkayong pagmamahal na siya nitong dulot
Dusa at hilahil ang maaring ang sa puso’y pumasok
Salo ang lahat maging ito’y hirap at siphayo!

Ang ilalim ng puso mapupunang ito’y matulis
Na tila ba laging ang isa ito ay may magmumula
Kawangis ay mayamang dibdib ng isang ina
Binubukalan ng pagmamahal lagiang nagpaparaya!

Kahulugan din naman nito’y hindi pagiging sakim
Handang ihandog ang lahat pati na rin ang sarili
Nakalaang, magkaloob magbata at magtiis
Matamo lamang ang hangad na pagtangi!

Nararapat nga lang puso ang anyo ng pag-ibig
Ang dalisay na pagsinta’y laging tumanggap ng pasakit
Hain ang wagas na pag-irog ang lahat ay iaalay
Ito man ay munting yaman sukdulang maging buhay!