Sino nga bang hindi mabibighani sa taglay mong ganda? Kaibig-ibig ka sa paningin, mga nagtataasan mong istraktura, makasaysayan mong mga templo, maaaliwalas mong parke, makukulay mong mga karatula, at magigiliw mong mamamayan. Hindi kataka takang ika’y pinangalanang Formosa na nangangahulugang magandang Isla. Ika’y kaaya-aya rin sa pandinig. Hindi ko man lubos maunawaan ang iyong lengwahe, tila isa pa rin itong musikang sumasalamin sa iyong kultura. Idagdag pa riyan ang hinahain mo sa pagkainan, masarap sa panlasa na talaga namang hahanap hanapin ng sinoman. Oh Taiwan, nais kita lubos pang makilala, ako’y nahuhumaling sa iyong kariktan. Bukod sa taglay mong pambihira, ikaw rin ay may mabuting hangarin. Ang walang sawa mong pagbibigay tulong sa iyong mga kapatid sa timog-silangang Asya sa pamamagitan ng pinagkakaloob mong trabaho ay talaga namang kapuri-puri. Puspos na pasasalamat at kagalakan ang aking nadarama sa walang humpay mong pagaaruga at pagbibigay pag-asa sa aming mga migrante
Una mong kinupkop sa iyong bisig si Lily, ang aking butihing ina. Ako’y musmos pa lamang, taong 1997, noong nilisan nya ang lupang sinilangan upang ika’y paglingkuran, gaya ng aking amang si Lito, isang marino at ng milyong milyong Pilipinong handang magsakripisyo at mawalay sa mga mahal sa buhay mabigyan lamang sila ng magandang kinabukasan Nakalulungkot mang isipin na parehong magulang na ang kailangang mangibang bansa maging maayos lang ang pamumuhay naming apat na magkakakapatid, ngunit kami’y nagpakatatag, hindi ininda ang lumbay at hindi sumuko sa hamon ng buhay.
Naging kalugod lugod ang naging trato mo kay Lily. Ikaw ang naging instrumento upang maisakatuparan ang lahat ng aming mithiin at mapunan ang aming bawat pangangailangan. Nakakakain na ng tatlong beses sa isang araw, at hindi na kalian man kumulo ang aming tiyan, nakapag-aaral sa maayos na eskwelahan, nakabibili na ng mga gamit na kailangan at nakatutulog sa desenteng tirahan. Naging maayos ang aming pamumuhay dahil sa oportunidad na iyong ipinagkaloob. Malayo man kung tutuusin, masasabi kong naging maunawain kami sa sitwasyon at hindi nagkulang ang aming magulang sa pagaaruga sa aming magkakapatid.
Ngunit hindi pa rin naging madali ang lahat. Magbubukang liwayway, sa hindi inaasahang pagkakataon, ay bumisita ang aking tiyahin na may bitbit na balita at tila may nais iparating. Akin siyang tinanong at malumanay niyang sinagot na may malubhang karamdaman raw ang aming mahal na ama. Mababatid mong may pagdadalamhati sa kanyang tinig. Kinahapunan, isa isa nya kaming kinausap at sinabi ang totoong kalagayan ng aming ama. Isang aksidente ang naganap sa barkong pinagtatrabahuhan niya, at sa kasawiang palad ay hindi ito nakaligtas. Mistulang gumuho ang apat na sulok ng aming bahay. Ang haligi ng tahanan ay wala na. Isa na marahil ito sa pinakamalungkot na pangyayari sa tana ng aking buhay. Mahigpit akong niyakap ng aking tiyahin, at parehong basa ng luha ang aming mga mata.
Umuwi si Inay Lily na mabigat ang pasaning dinadala. Tila huminto ang oras at dumilim ang paligid nang sandaling nakita nyang muli ang kabiyak na sa pagkakataong ito’y isa nang malamig na bangkay. Hindi nya lubos maisip ang nangyari. Hindi napigilang humagulgol at maglupasay sa sinapit ng kanyang mahal na asawa. Sakbibi ng lumbay, sadyang mahirap pagmasdan, at masakit sa puso. Wala kaming magawang magkakapatid para huminahon si inay. Nang mahimasmasan, matapos ang ilang oras, ay ikinwento nya ang kalbaryo ng aming ama makasampa lamang ng barko. Kung ilang beses siya nagpabalik balik sa iba’t ibang ahensya at kung ilang beses din siyang tinanggihan. Noong unang sampa nya’y naudlot pa dahil sa pagkakaroon ng malubhang sakit sa apendiks, na inakalang simpleng sakit ng tiyan lamang. Pagkatapos ng libing, hindi man niya naisin, ay kinailangan na niyang muling bumalik sa pagtatrabaho. Mahirap mang tanggapin kaylangan pa ring ipagpatuloy ang buhay at harapin ang bukas.
Isang malaking dagok sa buhay ni ina ang pagkawala ni ama. Patuloy na dumating ang mga pagsubok sa aming pamilya. Gaya na lamang ng hindi wastong pamamahala ng gastusin ni Gail, ang aming panganay na kapatid. dahilan upang isanla ang aming bahay at lupa. Dumagdag pa ang pagbubulakbol sa eskwela ni Ann, ang isa ko pang ate na nagresulta sa pagkakabuntis nito ng maaga. At naging sakitin naman ang nakababata kong kapaitd na si John na malaking nakaapekto sa kanyang pag-aaral. Ako nama’y napabarkada ng husto at nalulong sa masamang bisyo tulad ng alak. Tila nagsunod sunod ang suliranin sa loob ng aming tahanan. Ngunit gayunpaman ay hindi ko naalalang nagalit ng husto ang aming nanay, Naaalala ko lang noong panahong umiiyak siya sa kabilang linya ng telepono tuwing kami’y pinagsasabihan. Naging masalimuot man ang naging kinahinantan, hindi ito naging hadlang upang maitaguyod ni inay ng mag-isa ang aming buong pamilya. Nagsikap siya ng husto at hindi ininda ang mga hamong dumating. Hindi naglaon ay bumalik naman sa maayos na kalagayan ang aming pamumuhay.
Naging malaking tulong upang maiahon ang buong pamilya sa hindi mawaring pagkalugmok mula sa kasawian ay ang kaibigang Taiwanese ng aking ina na si Umpong na pagkalipas ng ilang taon ay muling nag patibok sa kanyang puso. Mapalad kaming maituturing sapagkat may malinis na hangarin at sadyang busilak ang kalooban ng aking naging pangalawang ama. Siya rin ay palangiti, masayahin at mapagkawang-gawa. Nais nya kaming makausap kaya pilit itong nagsasalita ng tagalog na sadyang kaaliw-aliw. Makikita mo ang kanyang pagpupursige na mapalapit ang loob sa aming magkakapatid. Agad naman niyang nakuha ang aming tiwala at pinatunayan na maganda ang kanyang hangarin. Isa rin siya sa nagbigay ng payo sa aming mga personal na problema kaya’t unti unti na ngang nanumbalik ang sigla sa loob ng aming tahanan.
Kinalaunan ay nagbunga ang kanilang pagmamahalan at nadadagdagan pa ng dalawang miyembro ang aming pamilya. Ang tahimik ngunit palatawang si Peichun, at malambing at bibong si Yieshin. Sila ang naging inspirasyon ko upang pag-aralan ang salitang Mandarin. Nais ko silang makausap. Matanong ang mga simpleng bagay tulad ng ‘Kumain ka na ba?’ O kaya naman ‘Kamusta na ang pag-aaral mo?’ Gusto kong mapalapit sa kanila, Nais ko silang makabiruan at makakwentuhan. Nais kong kilalanin nila ako bilang isang nakatatandang kapatid. Natatanungan ng mga problema, napagsasabihan ng mga hinaing sa buhay. Gusto kong ipahiwatig sa kanila kung gaano ko sila kamahal at gaano sila kaimportante sa aking buhay. Sa tulong ng aming ina’y unti unti kaming nagkakaunawaan. Naipaparating ang nais ipahiwatig ng bawat isa. Sa ngayo’y hindi ko man sila direktang nakakausap, masaya na rin ako sa tuwing sinasambit nila ang salitang kuya tuwing ako’y kanilang tinatawag, nakukuntento sa mga yakap at mga simpleng tawanan.
Labing walong taon mula noong una mong inabot ang iyong kamay upang magbigay ng tulong, heto kami ngayon taos pusong nagpapasalamat sayo. Nakapagtapos na lahat ng pag-aaral at masigasig na pinagbubutihan ang trabaho sa napiling propesyon. Si Gail na dati’y hirap sa pamamahala ng salaping ipinapadala ni inay ay isa nang Marketing Manager sa Maldives, si Anne na noo’y tumatatakas sa eskwelahan ay abala sa pagtuturo ng Ingles sa mataas na paaralan, at si John na madalas ay may karamdaman ay nagtatrabaho bilang isang rehistradong siyentipiko sa isang prestihiyosong hospital sa Maynila. Si mama Lily at papa Umpong ay masaya pa ring nag sasama at naninirihan sa iyong magandang lupain kasama ang dalawa nilang supling. At ako’y piniling sumunod sa kanyang mga yapak at maglingkod sayo bilang isang Electronic technician.
Dito na nagsimula ang ating istorya. Buwan ng Marso, taong 2013, noong una kitang masilayan. Malamig pa rin nang mga panahong yon. Gayun pa man hindi maititago sa aking mukha ang kasabikang dulot ng ginaw, ito kasi ang unang pagkakataong nakaranas ako ng taglamig. Sa katulad kong lumaki sa isang mainit na bansa isang nakakasabik na karanasang maituturing ang ganitong prebilehiyo. Masarap sa pakiramdam, tila ako’y nasa isang malaking pridyeder na noong bata ay pilit pinagkakasya ang sarili sa maliit na sisidlang pangyelo maibsan lamang ang init na nadarama. Nakatulong naman ang mainit na pagsalubong sakin ng aming Coordinator. Hanggang sa dumating kami sa aming tutuluyan hindi na nabura ang ngiti sa aking labi. Agad na ngang na-love at first sight at lubusang nahulog ang loob ko sayo, oh Taiwan.
Nangingibabaw ang sabik at ligaya . Naguumapaw sa saya ang nadarama noong sa wakas ay nakita ko na rin ang mga lugar at pasyalan na noo’y napagmamasdan ko lang sa litrato ni inay Lily. Hilig rin ni papa Umpong ang maglakbay kung saan-saan kaya naman ay nagkakakasundo kami sa oras ng galaan. Aking nang nasilayan ng malapitan ang pamosong Taipei 101. Narating ang pinakamalaking palahayupan sa asya ang Taipei Zoo. Nasaksihan ang iba’t ibang kapistahan at pagdiriwang tulad ng Dragon Boat Festival, Moon Cake festival at Chinese New Year. Kahit ang simpleng pamamasyal sa parke, gilid ng lawa at iba’t ibang halamanan ay kalugod lugod ring maituturing. Ang makapaglakbay kasama ang mga mahal sa buhay ay isa sa pinakamasayang karanasang aking natamo sa pamamalagi ko saiyong magandang isla na aking babaunin panghabang-buhay.
Bagama’t naging makulay at masigla ang aking napagdaanan, naging masalimuot naman ang mga unang buwan ko sa kompanyang aking pinpapasukan. Mali rito, mali riyan, hindi magkaintindihan, masyadong mabagal, sakit dulot ng usok sa makina, ay ang ilan lamang sa naging suliranin na aking ikinaharap. Dumating pa sa puntong pinagpasyahan ko na lamang na lisanin ang dayuhang bansa at umuwi ng Pilipinas. Ngunit sa tulong ng aking mga kasamahan sa trabaho, unti-unting naging maayos ang aking paggawa. Malaking tulong ang binahagi ng kapwa ko mga Pilipino, mga kasamahang Vietnamese, Thai at Indonesian upang mapaghusayan ko ang aking trabaho. Iba’t iba man ang kultura, tradisyon at pinanggalingan., lahat kami’y handang lumingap at magtulungan upang mapagbuti ang gawain ng bawat isa.
Mahigit dalawang taon na ang lumipas noong una mo akong tinanggap sa iyong tahanan. Isang nilalang na wala pang kamuang muang sa mundo, isang nilalang na hindi pa lubos maunawaan ang nais sa buhay, isang nilalang na naghahanap ng sagot sa mga tanong na bumabagabag sa kanyang isipan. Ngayon ay masasabi kong naging malaking tulong ang pagpunta ko sa iyong magandang lupain upang lubos kong maunawaan ang buhay hindi lamang sa ibayong dagat kundi ang buhay sa pangkalahatang aspeto. Ito na marahil ang pinakamakabuluhang bahagi ng aking kamakailang buhay kung saan ako’y mistulang sumuot sa mismong sapatos ng aking butihing ina. Mas naintindihan ko ang kanyang mga karanasan, ang lungkot at pighati ng pagkakawalay sa pamilya, ang mga masasayang ala-ala dulot ng paglalakbay at pakikiksalamuha sa iba’t ibang lahi, at walang sawang paglaban at pagbangon tuwing hinahamon ang katatagan ng loob at pagtitiwala sa poong maykapal.
Oh Taiwan, naging nakapakabuti mo sa akin at sa aking pamilya. Walang humpay at labis ang saganang pasasalamat ko. Isa kang huwaran at magandang ehemplo hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo. Nararapat lamang na ika’y kilalaning isang lubos na malayang bansa at ganap na soberanya na kayang tumayo sa sarili nitong mga paa. Mula sa iyong kapatid sa timog silangang asya, Taiwan, mabuhay ka!