Article

2014-05-30 / Kimberly Kao / Article / Pilipinas 菲律賓 / Wala

Maliliwanag at makukulay na ilaw, organisadong sistema, malalaking karatula.. Ilan lang yan sa mga bagay na kapansin pansin dito sa Taiwan. Hindi ko rin maikakaila na sa kabila ng kaliitan ng bansang ito ay madalas rin itong dayuhin ng mga turista. Chiang Kai-Shek memorial hall ang isa sa mga tourist spot ng Taiwan. Malaki, mahangin, at napapaligiran rin ito ng mga iba't ibang halaman at bulaklak. Ito ang isa sa mga dapat mong puntahan kung mapagmahal ka sa kalikasan. Meron din namang 'Tamsui' na nagbibigay ng sariwang hangin at magandang tanawin ng isang malawak na dagat. Ngunit sa kabila ng mga kaaliw aliw na mga bagay at lugar dito sa Taiwan, ay siyang naipon na mga iba't ibang karanasan.
Ako si Kim, isang imigrante dito sa Taiwan. Hindi naman talaga ako isang makabayan, pero talaga namang hindi ko ma-ikakaila ang aking pagka-ulila sa mga bagay na aking nakagisnan mula sa bansang sinilangan, ang Pilipinas.
Beef noodles-isa sa mga paborito kong pagkain dito sa Taiwan. Ito rin ang madalas kong kainin tuwing lalabas kami. 'Baka' dito, 'Baka' duon, walang kasawa-sawang 'Baka' maghapon. Minsan pa nga akong nasabihan na baka daw tubuan na ako ng buntot at maging 'Baka' na rin ako.
 Isa sa mga pinaka na-eenjoy ko dito sa Taiwan ay ang transportasyon. Gaya ng ibang mga bansa, meron din naman ditong Taxi, MRT, at bus. Nakasalin din naman sa Ingles ang mga sulat sa mga mapa at lugar sa mga pampublikong sakayan kaya siguradong hindi ka mahihirapan. MRT ang madalas sakyan ng mga taong nagmamadali o may hinahabol na lakad. Kaya lang, dalawang bagay lang ang nakikita ko tuwing nakasakay ako dito- Ang mga mukha ng mga taong kasakay ko, at ang pader ng tunnel na dinadaanan nito.
 Bus talaga ang pinakagusto ko sa lahat. May aircon ito tuwing tag-init, at may heater din ito tuwing tag-lamig. Nakaka-aliw din sumakay sa bus dahil may malaking bintana ito at kitang kita mo ang mga lugar na nadadaanan niyo. Maaari ka rin mag-isip o mag-muni muni, ngunit huwag ka nga lang masyado maaliw dahil baka lumagpas ka ng sampung istasyon gaya ko.
 Sa halos tatlong taon ko nang pamamalagi dito sa Taiwan, hindi ko rin maikakaila ang hirap sa pag-aaral ng kanilang salita, ang Mandarin. Naalala ko pa noong unang araw ng pasukan na ang tanging bitbit ko lamang ay ang tatlong salitang alam ko: Wo bu zhidao (Hindi ko alam).  Magdadalawang taon na rin akong nakakaraos sa eskuwelahang pinapasukan ko. At sa halos dalawang taon na iyon ay marami narin akong mga nakakatuwa, nakakainis at nakakaiyak na karanasan. Una na nga rito ay nang tawagin kong 'Ayi' (Tita) ang opisyal ng eskuwelahan namin na hindi ko naman ka-ano ano, dahil nakalimutan ko kung paano sabihin sa Chinese ang salitang 'Prinsipal'. Kahit  wala pang isang linggo ay nagkaroon naman agad ako ng kaibigan, yun nga lang..inabot muna ako ng isang sem bago ko na-memorize ang kanyang pangalan..chinese kasi eh.
 Naranasan mo na bang umiyak habang nagme’memorize ng Chinese words? Ako, oo. Pero wala nang mas sasarap pa sa feeling na mapatunayan ko na kaya ko ring makipagsabayan sa kanila kahit magkaiba pa ang aking wika. Paano? Na-perfect ko lang naman ang exam namin isang beses. Syempre speechless silang lahat. Pero ang hindi nila alam, sa limampung tanong na nakasulat sa testpaper na yun, lima lang ang talagang naintindihan ko.
 Sa dami ng aking mga karanasan, kakaiba man o pang-karaniwan, ang pinakahindi ko makakalimutan ay ang mga karanasan ko dito sa Taiwan.