Sinag sa Takip silim

2015/5/26 / M.E Osan / Sinag sa Takip silim / Pilipinas 菲律賓 / Pinoy Across

Sinag sa Takip silim
M .E. Osan


Ang kwento ng aking buhay ay maihahalintulad ko  sa mga napapanood ko sa Teleserye o di kaya sa mga Pelikula, kung saan ang Bida ay api at naging tagumpay sa huli. Dati din akong manggagawa dito sa Taiwan bago ko narating ang maginhawang buhay ngayon, umalis ako sa amin dahil sa maling desisyon at pagsuway ko sa aking mga magulang. Maalwan ang aming pamumuhay, tatlo lamang kaming magkakapatid may yaya at maid sa bahay dahil kapwa nagtatrabaho ang aking mga magulang, ang Tatay ko ay isang dating Tagapangasiwa sa isang Departamento ng nooy sikat na “National Steel Corporation “ sa Iligan City Lanao del Norte (Mindanao), at ang Nanay ko naman ay isang dating Guro sa pampublikong Paaralan ng Suarez High School. Pinalaki kaming magkakapatid ng may takot sa Diyos, maging mapagkumbaba at maging magalang kahit kanino man.
Subalit sa kabila ng mga ito, magulo ang aming tahanan, kami itong tinatawag sa Ingles na “dysfunctional family” o di normal. Nakakahiya mang sabihin, ”Alcoholic” o Lasenggero ang aking Ama noong siyay nabubuhay pa, kasama sa pag-iinom niya ay ang pambababae , na naging kalbaryo ng aking Ina at ng buong mag-anak. Na-aalala ko pa mula ng ako’y tatlong taong gulang hanggang sa magdalaga lageh nalang nag aaway ang aking mga magulang, minsan pa nga dinala ng Tatay ang kanyang babae sa aming bahay, muntik ng masiraan ng bait si Nanay noon, buti nalang at nadala sa dasal at tinablan yata ng hiya ang “the other woman” ng aking ama dahil doon daw sana patitirahin sa amin, Diyos na mahabagin!!! di pa pinapalabas ang “the legal wife, two wives at my other woman” showing na kami. Dahil dito nawalan na ako ng ganang maging seryoso sa pag aaral at mas gusto ko pang laging nasa labas kaysa nasa bahay, tumigas ang ulo ko sa pamamalo ng aking Ina hanggang sa akoy magKolehiyo palo pa rin ang inaabot ko tuwing lalagpas ng alas singko ng hapon ang aking uwi at bawal dumalo sa kahit ano mang party.
Hindi ko rin masisisi ang aking Ina sa pagiging strikto at mainitin ang ulo kaya siya namamalo, dahil na rin siguro sa problema sa Tatay ko. Kaya noong magkaboyfriend ako ng seryoso, sumama na akong makipagtanan sa kanya at nagpakasal sa Huwes, ng malaman ng aking mga magulang galit na galit sila dahil kahit galing sa angkan ng mayayaman ang aking napangasawa, hindi nila gusto ang pag uugali nito at ng kanyang pamilya na kilalang matapobre at magulang sa negosyo (dati kasi naming Arkitekto sa isa naming bahay ang kanyang Ama noon, at tagapangalaga sa Konstruksyon na nagkaroon ng problema).
Hindi din ako naging masaya, siguro parusa ito sa pagsuway ko sa aking mga magulang. Tumakas nga ako sa magulo naming Tahanan mas lalo namang naging impyerno ang buhay ko sa aking napangasawa na seloso, at Uuuuubod (prolonged U) ng batugan, umaasa lang kung ano ang binibigay ng kanyang Ama. Lageh kaming nag- aaway at may kasama pang bugbogan (kung hindi tungkol sa pagseselos niya, ay sa mga walang kakwenta kwentang bagay), sa araw araw na lang na ginawa ng Diyos puro pambubulyaw at insulto ang naririnig ko sa kanya. Ang dating Senyorita at Prinsesa ng Tatay ko ay naging Alila na, patang pata ang katawan ko sa maghapong trabaho. Maaga akong gumigising para makapamalengke, nagtitinda kasi ako ng pagkaing pang-ulam at kakanin sa Kantina ng Tennis Court na pag- aari ng pamilya ng asawa ko. Kusinera, Tindera, Kahera at Serbidora, wala pa diyan ang pagiging Sekretarya ko sa Papa niya sa Opisina na 50pesos sa isang araw ang sahod, kung minsan nagpapart time din ako sa pagtuturo ng Ingles sa gabi para doble kita, dahil ako lang ang kumakayod. Habang ang maluho at tamad kong asawa ay pinoproblema kong anong oras makapaglaro ng Tennis o kung kailan ang susunod na Architects Convention na pagkakagastusan.
Kakayanin ko naman sana kasi paninindigan ko ang aking desisyon, ang kaso, hindi lang ang asawa ko ang aking kalbaryo kasama pa yung aking mga Biyenan, na hindi ako matanggap dahil walang titolo na nakadikit sa aking pangalan. Lageh nalang akong ikinukompara sa mga anak niyang Interior Designer, Piloto, Inhinyero, Abogado etcetera. Lalong lalo na sa manugang niyang babae na pinag aral sa U.S.,  dapat daw kasi kumuha din daw ako ng “Law” “naluko na , hirap pa nga sa pang araw- araw na gastusin eh mag aaral na naman ulit???? buti sana yung anak nila na batugan ay tinutulungan ako susme! Kaya, kung mata matahin ako ay ganoon-ganoon nalang at kung utos utusan ako parang katulong nila dahil ang liit ng tingin nila sa akin, ito pa, Sir at Ma’am ang tawag ko sa aking mga Biyenan hindi Mama at Papa ( ambisyosa pa ako ng lagay na yun huh! ). Halos di nga ako ipinakikilala bilang kapamilya at hinihiya pa ako sa harap ng mga bisita. Kahit anong sipag at pagpapakumbaba ang gawin ko para lang matanggap nila, wala pa rin, langaw lang ako na nakatuntong sa kalabaw daw nilang anak. Yun nga eh, kung sino pa yung minsang edukado sila pa itong parang walang pinag aralan kung umasta. Sa isip isip ko; hindi naman nasusukat ang pagkatao mo sa mga diploma, medalya , tropeo at kung ano ano pa, kundi kung paano ka makikipagkapwa tao, subalit kahit ano pa man sabihin ko sa mga taong nasa paligid ko , walang nakikinig, dahil habang wala kang napapatunayan, wala kang sinabi.
Labing-tatlong taon ko tiniis lahat yun pero noong isang araw na mag-away kami ng asawa ko, muntik ko ng matusok ng stick ng barbecue ang kanyang mata dahil sinuntok niya ako sa ulo, gutom ka na’t lahat ayaw ka pa niyang pakainin kasi hindi pa kumpleto ang kondimento (suka,toyo,sili at kung walang sili maghanap ka!!) para sa hapunan ng Hari, may kasama pang sigaw kasi ang bagal bagal ng kanyang “Aliping sagigilid” . Sagad na sagad na ako, naubos na ang kahit konting pasensya meron ako. Ang ingay ng bahay at napagod na ako sa walang katapusang bangayan,buong buhay ko puro nalang ingay at  walang katahimikan, kaya nagpasya na akong makipaghiwalay, salamat nalang at wala kaming anak dahil ayaw niya daw ng responsibilidad, kaya di kami nag anak.
Ayaw kong matulad sa Nanay kong nagtiis ng sobra, na wala ng itinira sa sarili, ayaw kong habang buhay akong luhaan. Sa kagustuhan kong magpakalayo layo at magsimula muli,  umalis  ako sa amin at nagtrabaho dito sa Taiwan bilang “Caregiver”, sabi ko; bahala na, basta makaalis lang ako sa Pilipinas kahit anong trabaho. At di ko akalain na dito din pala magbabago ng tuluyan ang aking buhay, dito ko nakilala ang lalaking tunay akong minahal, hindi kung sa ano pa man, kundi bilang ako.
Dumaan din sa maraming pagsubok ang aming pag-iibigan ngunit hindi niya ako sinukuan. Minsan ako ay nagkasakit at wala halos nagbabantay sa akin sa Ospital, dahil ang aking mga kaibigan  at kakilala ay di magkatugma ang “day off”, siya lamang talaga ang nagtyaga na magbantay sa akin at nag alaga  hanggang sa akoy gumaling. Inayos ni Antoine ang aking mga papeles papuntang Pinas at pinatigil na ako sa pagtatrabaho dahil naging sakitin din ako, pinag-aral din niya ako sa Switzerland ng kursong German Language at  Hotel and Business management at ng ako ay makatapos , nakapagtrabaho sa isang prestihiyosong Carlton Hotel bilang VIP Coordinator. Nakapaglibot libot din ako sa Europa sa pamamalagi ko sa Switzerland ng tatlong taon. Talagang “360 degrees” ang pag ikot ng aking buhay. Hindi nga natutulog ang Diyos, kailanman sa lahat ng pinag daanan ko hindi ako nawalan ng pag asa, dahil lagi kung sinasabi sa sarili ko; matatapos din lahat ng ito, may bukas pa at may bukang liwayway sa takip silim. Hindi ako natatakot lumaban sa buhay , habang may hininga sige lang”push mo yan”.
” I am nothing without God” wala ako kung di dahil kay Hesus. Sa hangarin ko na mapabuti ang aking buhay at magsimula muli hindi ko nakakalimutan ang magdasal, naging suwail man ako noon binabawi ko ngayun sa tuwing may mga problemang dumarating o may hihingin ako, itinataas ko lageh sa kanya, sinasabi ko; ang kalooban niya ang masusunod hindi ako ,dahil noong ako ay nasunod ay puro pasakit naman ang dinanas ko.
Ngayun ako ay isang masayang maybahay ng Italyanong Piloto ng China Airlines dito sa Taiwan. Masasabi kong masaya, kasi natuto akong makontento ang kung anong meron ako,mas napapahalagahan ko ang kahit na anong biyaya na dumarating sa akin munti man o malaki, lalong lalo na ang biyaya na pagmamahal. Minsan naiisip ko, ang layo ng buhay ko ngayon kaysa noon, kung magbigay ng biyaya ang Diyos sobra sobra. Iba talaga pag ibibigay mo lahat kay God at hindi yung nagdedepende ka lang sa sarili mong pang unawa sa buhay na wala siya.
Noong umuwi nga ako sa probinsiya namin galing ng Europa halos hindi nila ako nakilala , kasi wala pang Facebook noon at saka konti lang ang may Friendster ( hahaha tunay ngang ang tagal na noon), dati kasi akong patpatin at ngayon nagkalaman na. Feeling ko tuloy mag ala Nanette Medved sa pelikulang “Hiram na Mukha” sa madramang  “hindi niyo ba ako nakikilala???  Pero kasi hindi ako nakakalimot sa  aking pinanggalingan kaya walang naganap na ganitong eksena. Iniisip ko nalang kung hindi din dahil sa pinag daanan ko, hindi ko mararating ang Taiwan at matagpuan ang aking “Forevermore” hihihihi.
Nagpapasalamat ako na laging pina-aalala ng Diyos na kung ano man meron ako ngayun dapat nakatapak pa rin ang aking mga paa sa lupa,di ko nakakalimutang mamahagi ng aking biyaya, lalo na sa aking pamilya , sa Nanay ko na gusto kong maging maginhawa at  masaya sa mga huling yugto ng kanyang buhay at kalimutan ang mapait na nakaraan. Kailan man hindi ako nagtanim ng galit sa mga taong nagpahirap sa akin bagkus naging matalik na kaibigan ko pa ang aking dating hipag na babae sa dati kong asawa, sa katunayan  noong pagkatapos ng Chinese New Year 2015 dito sa Taiwan ay binisita nila ako at inikot ko sila sa mga magagandang lugar dito at isa na rito ang Yehliu Geopark, napatawad ko na rin ang aking dating asawa at okey naman kami pati na rin ang aking mga dating Biyenan. Nakakatuwa nga minsang nagpang abot kami ng aking dating Biyenan at dating asawa sa “Carwash Center” na may Restawran,  habang nag-aantay ako na matapos malinisan ang aking kotse at sila din ay naghihintay sa kanilang kotseng pinacarwash habang kumakain,  kinawayan nila ako at inimbitang makisalo sa kanila, noong una di ko alam ang gagawin, tawag ng kagandahang asal lumapit ako, pero di ako sumabay kumain dahil nakapananghalian na rin ako, ang ikinagulat ko lamang ay ng tinanong ako ng dati kong Biyenang lalaki ; kumusta ka na Madame? …Madame??? Nakakaasiwang pakinggan kaya sinagot ko siya ng; Miles nalang po Sir buhay lang ang nagbago, pero hindi po ako. Ganun pa man, masaya lang akong wala akong kinikim kim sa dibdib at nakakaharap ako sa kanila na nakangiti. Magaan sa dibdib na wala kang kaaway, maaliwalas ang buhay.

Tunay na ang  Diyos at ang aking “Amore” ang Sinag sa aking Takip-silim.