Hamon ng Buhay
Walang sinuman ang di naghangad ng magandang buhay lalo na kung para sa kapakanan ng mga anak. Maliit pa lang ako nasaksihan ko na ang mga pagsisikap ng aking mga magulang para itaguyod kaming 6 na magkakapatid. Parehong di nakatapos ng elementarya ang aking mga magulang, ngunit sa tiyaga, diskarte at walang kapagurang pagtatrabaho, nairaos nila ang aming mga pangangailangan hanggang napagtapos kaming lahat sa pag aaral. Nag aangkat lang sila ng mga paninda kung kani kaninong mga may pwesto sa palengke (gulay, pagkain,prutas,sopdrinks, at kung anu ano pa na pwedeng pagkakitaan) hanggang makaipon sila ng konting halaga para makapag umpisa ng sarili nilang negosyo. Nagba bayan-bayan sila kung saan merong tinatawag na “Market Day””. Alas kuwatro pa lang ng madaling araw ay umaalis na sila para magbyahe at gabi na umuuwi habang naiiwan kami sa pangangalaga ng aming lolo at lola na nasa poder din ng aking mga magulang(side ng aking nanay) Maaga naming natutunan ang klase ng kanilang hanapbuhay dahil tumutulong kami pag walang pasok sa eskwela . Ganun ang takbo ng buhay nila sa araw araw.
Nang matapos ko ang kursong Bachelor of Science in Business Administration, pinili kong mag negosyo kaysa mag opisina. Binigyan nila ako ng konting puhunan . Nagkaroon ako ng grocery store sa palengke. Lumago ito noong ako’y mag asawa. Isang lalaking walang maipagmamalaki, lumaki sa ibat ibang tao sa pagtatrabaho. Maagang naulila sa mga magulang at walang pamilyang nasisilungan. Awa ang nagtulak sa akin para tanggapin sya sa aking buhay.
Sa pagtutulungan naming mag asawa madaling umunlad ang aming kabuhayan. Nagkroon kami ng maliit na poultry at piggery. Nagtitinda na rin kami ng sako sakong bigas. Meron na rin kaming mga palayan na inaasahan tuwing tag ani. Masagana ang aming pamumuhay hanggang biyayaan kami ng tatlong anak na lalaki.
Kuntento na ako sa aming pamumuhay. Masayang pamilya at sapat na kabuhayan. Hindi ko naisip na hindi lahat ng bagay na gusto natin ay nangyayari ayon sa mga plano natin.
Kalamidad ang humadlang sa mga pangarap na aming binubuo. Malaking dagok sa aming buhay nang salantain ng bagyo ang aming mga kabuhayan. Nabaon kami sa utang, hanggang di nakayanan ng asawa ko ang responsibilidad. Umalis sya at iniwan kami ng 3 kong anak.
Taong 1997, unang pakikipagsapalaran ko sa bansang Taiwan. Hindi pa masyadong uso ang cellphone at computer sa mga OCW noon. Sulat at 100nt IC card for 10mnts sa 7 Eleven ang tanging gamit na komunikasyon para kumustahin ang 3 kong anak na naiwan sa pangangalaga ng aking ina at nakababatang kapatid.
Pangalawang hamon sa aking katatagan ang pagtatrabaho ko sa isang Textile Factory sa Neihu District. Maraming Pinoy at Lokal ang mga kasama ko sa trabaho.
Hindi sinusunod ng may ari ng kompanya ang nakasaad sa aming kontrata. May sarili siyang batas at patakaran sa factory. Mababa ang basic salary at ang overtime pay ay halos kalahati lang. May salary deduction din kapag nakadamage ka. Tatlong division ang factory, Quality control, taga gawa ng sinulid at finishing na tela. Bentekwatro oras ang takbo ng makina at shifting ang mga manggagawa. Naassign ako sa finishing. 14 na makina ang binabantayan ko at sa 12 oras, wala na akong ginawa kundi ikutin ang lahat ng mga makina. Dalawang beses lang kaming bigyan ng pagkain, lunch at dinner, bahala na kami sa almusal. Kapag na late ka ng 3 beses, equivalent to 1 absent at isang libo ang penalty. Minsan mahaba pa ang oras naming inilalagi sa factory kaysa sa dormitory lalo na pag naghahabol ng quota. Ang dose oras ay nadadagdagan pa.
Kaya hindi ako nagtataka kung bakit halos replacement ang mga kontrata . Maraming umuuwi na di makayanan ang trabaho. Ang masaklap, binabawasan pa ang sasahurin dahil breach contract daw. Wala din kaming lakas ng loob na magreklamo dahil basta ka na lang pauuwiin. Wala din kaming alam kung sino at saan hihingi ng tulong lalo at mga first timer pa. Hindi rin kami basta basta nakakalabas dahil may time in and out. Maaga din ang curfew. Tanging 7 eleven sa kalapit na factory ang aming nasasaglitan. Carrefour ang tanging mall na kilala namin dahil isang beses sa isang linggo dinadala kami ng van para mamili ng aming mga pangangailangan . Isang beses sa isang linggo ay may pumupunta rin para sa mga gustong magpadala ng pera sa pamilya. Sa ganun tumatakbo ang buhay namin sa loob ng 2 taon. Ang hirap at pagtitiis ay sinarili na lng. Matira ang matibay. Nakapagpahinga lng kami kapag nagkatrouble ang makina. Gusto kong isigaw sa kanila na” hindi kami mga makina, tao kami na kailangan ding magpahinga at ikondisyon ang mga katawan para sa susunod na mga araw na pagtatrabaho. Hindi kami pwedeng magkasakit at maraming umaasa sa amin”…
Pagkatapos ng kontrata, umuwi akong force savings na 5000/month at tax refund lang ang dala. At dahil wala pang extension noon, di ko na rin hinangad na mag aplay sa ibang bansa. Ang perang dala ko ay pinuhunan ko uli sa negosyo. Nakipagsosyo ako sa supplier ng diesel at crude oil, binalikan ko uli ang pagtitinda ng bigas. At dahil marami na rin ang kapitalista sa aming bayan, naging mabagal ang pag usad ng aking negosyo.
Naging inspirasyon ko ang mga pinagdaanan ng aking mga magulang. Hindi ako nakitaan ng pagsuko. Patuloy ang aking laban. Nakipagsabayan ako sa kompetisyon ng negosyo, kahit nandun ang pag alala na habang lumalaki ang mga anak ko ay lumalaki din ang gastusin.
Nang magkaroon ng batas na pwede na uling magtrabaho ang mga ex-taiwan, hindi ako nagdalawang isip na makipagsapalaran uli.
Malaki na ang ipinagbago ng Taiwan. Marami ng English billboard. Pati sa bus ay may English na rin. Hindi na gaanong mahirap ang komunikasyon , di tulad noon na lagi kang nangangapa kung paano kayo magkaintindihan at kailangan pa ng interpreter.
Wala pa rin akong swerte sa napasukan kong trabaho. Caregiver ang nakasaad sa kontrata pero all around pa rin ang aking gawain. Hiwalay sa asawa ang amo kong babae at laging nasa china sa pag aasikaso ng negosyo. Matandang lalaki at 3 bata ang lagi kong kasama na inaasikaso. Walang disiplina ang mga bata. Walang mga manners at spoiled brat na tinotolerate ng ina at lolo. Nasa high school na ang dalawa at elementary naman ang bunso. Halos wala ng kapaguran ang pagtatrabho sa pagsunod sa lahat ng kilos nila. Parang masama pa ang loob nila pag nakikita kang walang ginagawa. Madamot sila, mas gustuhin pa nilang magtapon kaysa ipamigay. Walang privacy. Sa isang storage room ang tulugan ko kung saan nakatambak ang sari saring gamit. Walang orasan ang kanilang tulog kaya habang gising sila ay dilat din ang yung mga mata. Wala ding orasan kung gisingin ka nila pag may kailangan. Wala ka man lang maramdaman kahit kaunting pagpapahalaga o respeto. Kahit ganun ang trato nila sa akin, hindi ako nagrereklamo. Tahimik ko pa ring ginagampanan ang tungkulin ko sa kanila. Masakit lang minsan isipin na sarili kong mga anak ay di ko maalagaan, pero kailangan ko silang isakripisyo para sa maganda nilang kinabukasan. Tinanggap ko na rin sa sarili ko na ganito ang kapalaran ko sa pag aabroad, pero di ako susuko, alam kong mahirap pero kakayanin ko. Lagi ko na lang dinadasal sa Poong Maykapal na bigyan pa ako ng lakas at tibay ng loob sa pagharap sa mga darating pang pagsubok.
Ang tanging konsolasyon ko sa kanila ay ang ilang oras na dayoff tuwing linggo. Alas sais pa lang ng umaga lumalabas na ako ng bahay para mag abang ng bus para makahabol sa unang misa sa simbahan. Pagkatapos kong maghanap ng almusal mamimili na ako ng mga kakailanganin ko para sa isang linggo. Kapag may oras pa, nakikipag umpukan ako sa mga kapwa ko OFW sa parke. Doon na rin kami nagsasalo salo ng mga pagkaing dala habang nagpapalitan ng mga hinaing tungkol sa mga kinasadlakang trabaho. Tawanan, iyakan, tuksuhan. Sa ganung paraan na lang namin nailalabas ang mga sama ng loob na kinikimkim.
Naisip ko, marami din pala ang katulad ko na walang swerte sa amo. Yung iba, mas masahol pa ang nararanasan. Merong tinatakot, sinasaktan, hinihiya kahit sa publiko at merong di pinapasahod. Ang kagandahan lang, marami ka ng malalapitan para hingian ng advise o tulong. Dahil sa mga Pilipinong Organisasyon at mga NGO local, Nasosolusyunan at nababawasan ang paglala ng mga problema ng migranteng manggagawa.
Kung sana maramdaman at maunawaan ng mga amo ang hirap na pinagdaanan namin bago makarating dito. Ang pabalik balik na pag aaplay sa mga agency at kung paano makalikom ng sapat na pera pang placement fee. Kung gaano kalaki ang naitulong namin sa kanila para mapagaan ang kanilang mga trabaho kahit pa sabihing binabayaran kami. Malayo kami sa aming mga mahal sa buhay, ngunit di namin hinangad na ituring na kapamilya o magkaroon ng importansya dahil alam namin kung saan kami nakalugar. Ang mabigyan lang ng konting konsiderasyon at pagpapahalaga bilang tao ay sapat na.
Lingid sa kaalaman ng aking pamilya ang lahat ng mga hirap na pinagdadaanan ko. Ayokong mag alala sila sa akin. Batid nila kung gaano ako katatag. Naging saksi sila kung paano ko hinarap mag isa ang mga trahedyang dumating sa akin noong akoy nasa pilipinas. Ramdam ko ang kanilang paghanga at respeto kaya gusto kong manatili sa isipan nila yun saan man ako makarating.
Isang buwan kong nakapiling ang aking pamilya bago uli ako bumalik ng Taiwan. Panibagong kontrata, panibagong amo. At last, God is Good! Nakatagpo ako ng butihing amo. Masasabi kong nasa average lang ang kanilang pamumuhay pero may ugaling makatao. Itinuring nila akong isang kapamilya na tumutulong sa kanila sa pang araw araw na gawain. Engineer ang lalaki. Walang trabaho ang babae na syang nag aalaga ng 2 nilang anak. Nakapisan sa kanila ang lolo at nanay ng lalaki. Sa kanila din nakatira ang 2 kapatid na pawang may mga trabaho. Hindi ko maramdaman ang bigat ng trabaho dahil lahat sila nagtutulungan. Hindi ko rin problema ang pagkain at pamamahinga. Ramdam ko ang kanilang pag aalala lalo na sa aking kalusugan. Maluwag din sila sa day off ko, walang curfew at may sarili akong susi. Sabado pa lang pinapayagan na nila akong matulog sa mga kaibigan. Kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makasali sa mga organisasyon ng mga Pilipino. Nagagawa ko ring makapag participate sa mga sayaw at sports.
Sa kabila ng lahat, di ko magawang samantalahin ang privilege na binibigay nila sa akin, bagkus ay lalo kong pinagbuti ang trabaho ko. Gusto ko ring maramdaman nila kung gaano kalaki ang aking pasasalamat at hindi ko sisirain ang kanilang pagtitiwala. Isinasama din nila ako kahit saan sila magpunta . (mamasyal man o kumain sa labas)
Namangha ako sa kagandahan ng Taiwan. Salusalungat na mga tulay, nagtataasang gusali at naglalakihang mga Mall. Marami na ring Asian Restaurants. Hindi na rin mabilang ang dami ng turistang nagbibisita sa bansa. Hangang hanga din ako sa mga klase ng transportasyon na nagpapabilis ng byahe. Maliban sa mga bus at pribadong sasakyan merong High speed train, LRT, MRT, motorbike at bicycle.
Maunlad ang bansang Taiwan, kaya hindi nakapagtataka na maraming lahi ang naghahangad na dito magtrabaho. Sa kabila ng maraming issue tungkol sa harassment, discrimination, maltreatment at marami pang iba, mas pinili pa rin ng mga OCW na makipagsapalaran.
Ang batas ng extension na manatili pa ng ilang taon ay malaking tulong hindi lng sa mga migranteng manggagawa kundi pati na rin sa mga among pinapasukan, dahil hindi lahat ng worker na makukuha nila ay makapag adjust sa mga trabahong kanilang ibinibigay .
Nasaksihan ko rin minsan ang protesta ng mga lokal. Walang pinag iba sa Pilipinas at sa ibang bansa. “Pagbabago” ang laging isinisigaw. Sa aking pananaw, mas mabilis makita ang pagbabago sa kapaligiran kung uumpisahan natin sa ating mga sarili. Mababawasan ang problema sa mundo kung huwag na nating idagdag ang ating mga sarili.
Parang kailan lang, kung ibabalik tanaw ko ang aking pakikibaka para mabago ang takbo ng buhay ko kasama ng aking mga anak. Mga katagang lagi kong sinasambit, “Konting tiis lang mga anak, makakaraos din tayo, pangako ko, matutupad ang mga pangarap nyo”.
Naging inspirasyon nila at gabay ang mga pangaral ko sa palagiang komunikasyon. Salamat sa makabagong teknolohiya, hindi naging hadlang ang pagitan ng dagat. Ang pangungulila sa bawat isa ay naiibsan.
Maraming ring temptation na nasa paligid lamang na pwede sumira sa iyong katinuan at pangarap na binubuo. Lahat tayo ay may kahinaan, determinasyon lng ang kailangan. Kung maging focus ka lng sa mga priorities mo at maging pursigido para matupad ang mga layunin sa pakikipagsapalaran sa kahit aling bansa, lahat yan ay hindi mahirap iwasan.
Nakapagtapos na ng ComputerEngineering at Business Administration ang dalawa kong anak. Magtatapos na rin sa kursong Turismo ang bunso. Ngayon, musika sa aking pandinig ang mga katagang, “Konting tiis na lang Ma, malapit ka ng makapagpahinga, Pangako namin, sa iyong pag uwi, ikaw naman ang aming pagsisilbihan”. Masarap damhin na nagtagumpay ka sa sariling pagsisikap. Na walang sinisisi o sinasagasaan para lang makamit ang mga minimithi. Ngayon ko napatunayan na walang imposible kung gugustuhin mo. Ang pagbabago ay nasa atin at wala sa iba.
Salamat sa Diyos Ama na tangi kong sandalan, sa pagbibigay Niya sa akin ng lakas at tibay ng loob para malagpasan ko lahat ng pagsubok. Salamat din sa bansang Taiwan na naging instrumento para ako maging matatag at maipanalo ko ang aking Hamon ng Buhay!
By: JiLL. J