2015/3/11 / Mereced V. Cheng / Talambuhay/ kwento / Pilipinas 菲律賓 / Phil-Tai Organization
Ako po si Mereced Valenzuela Cheng,pangsiyam sa sampung magkakapatid at laking Northern Samar.
Sabi ng iba ang mga Waray daw ay matatapang,sabi ko naman may kanya kanyang interpretasyon
ang pagiging matapang,tulad ko masasabi ko na matapang ako sa pagharap sa hamon ng buhay.
Simula pagkabata nasaksihan ko ang kahirapan ng pamilya ko.Ang mga magulang ko ay isang magsasaka
kahit magkanda kuba sa bukid sa pagtatanim ng palay hindi kami makakain ng tatlong beses sa isang araw
maswerte na kami kung maganda ang ani ng palay pero pagsinamahan pa ng sunod sunod na bagyo gutom ang aabutin namin.
Isang araw hindi ko na matiis ang sakit ng tiyan ko sa gutom,bilang isang walong taon gulang na bata noon kinapalan ko mukha ko.
Nakiusap ako sa kapatid ng tatay na nakakaangat ang buhay,na baka pwede makahingi ng makakain.Pero syempre bago makakain
kinakailangan ko magbanat muna ng buto kapalit ng makakain.At salamat naman nag offer ang tita ko
na pag aralin ako pero sa kondisyong maninilbihan ako sa kanila at sa kagustuhan ko na
makapagtapos ng pag-aaral tiniis ko ang lahat ng hirap.After high school graduation lumuwas ako ng Manila para makipagsapalaran.
Nagtrabaho ako sa iba't ibang parte ng Manila bilang factory worker,maid,service crew,saleslady.
Sa kagustuhan na makapag-ipon ng pangmatrikula sa kolehiyo isinakripisyo ko ang lahat ng luho sa buhay makapag-aral lang ako.
Pero di nagtagal itinigil ko rin ang pag-aaral ko sa kolehiyo.Ang hirap ng naging buhay ko sa Manila
at may araw na hindi na ako kumakain dahil iniisip ang budget ko lang sa sarili ko kulang na
paano pa kaya ako makakatulong sa pamilya ko.Kaya nagdesisyon ako na mangibang bansa kahit na
takot at nanginginig ang tuhod pagka naiisip ko na kailangan ko nang mangibang bansa dahil
sa hirap ng buhay sa Pilipinas.Sa isip isip ko di bale nang maghirap sa ibang bansa malaki naman kita kesa sa Pilipinas lang ako kahit magpahirap ako sa kakatrabaho ganon pa din wala naiipon.
Taong 2005 ng June nagtungo ako sa bansang Taiwan magtrabaho bilang caretaker.sabi ko sa sarili ko noon,
ayoko mangibang bansa dahil nakakatakot makisama sa ibang lahi pero ginawa ko pa rin dahil may malubhang karamdaman
ang nanay at matanda na rin si tatay kinakailangan matustusan ang pangangailangan sa bahay at pagpapagamot.Hindi nagtagal binawian din ng buhay ang nanay at pagkalipas ng ilang taon sumunod naman si tatay.Masakit ang mawalan ng mga magulang lalo na't nasa bansang Taiwan ako pero kailangan tanggapin at magpatuloy ang buhay ko para sa mga mahal ko sa buhay. Sa awa ng diyos nakatagpo ako ng mababait na mga amo,yon nga lang hindi kami magkaintindihan ng mga amo ko pati alaga ko pero ayos lang dahil sa araw araw na pagmamasid sa kilos at galaw ng mga kamay nila nakukuha ko kung ano ibig sabihin ng sinasabi nila.Pagkalipas ng halos isa't kalahating taon binawian ng buhay ang alaga ko na matanda,at blessing in disguise din dahil nakilala ko ang taiwanese husband ko na kakilala ng amo ko.Naging magkasintahan kami ng dalawang buwan dahil sa pakiramdam ko sya talaga ang taong tinitibok ng puso at gustong makasama habang buhay sumang ayon ako sa proposal na magpakasal.
Taong 2007 umuwi at nagpakasal kami sa Pilipinas at sa ngayon may dalawa na kaming anak,isang anim na taong gulang na babae at isang apat na taong gulang na lalaki.Hindi naging madali ang naging buhay ko bilang isang maybahay at nakikipisan pa sa mga byenan,mahirap makisalamuha lalo na't hindi magkaintindihan sa linggwahi.Pero dahil sa tulong ng gobyerno sa Taiwan unti unti ko nakasanayan ang kultura ng Taiwan sa pamamagitan ng libreng edukasyon para sa mga foreign spouse na tulad ko.Ang oportunidad na ito ay hindi ko pinalagpas noon habang wala pa kami anak,nagsipag at nagsunog ng kilay ng tatlong taon na matuto sa linggwahing mandarin hanggang makapagtapos.Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mandarin lalo na sa pagbabasa at pagsusulat ay masasabi ko na malaking achievement ko at dahil dito naging matatag ako sa kabila ng maraming hamon bilang may asawang Taiwanese.Kaya malaki ang pasasalamat ko sa Taiwan government dahil sa tulong at suporta sa mga foreign spouse na katulad ko naging madali ang pakikisalamuha ko.
Kaya sa mga katulad ko na may asawang Taiwanese huwag na huwag iisipin na walang tumutulong sa inyo pagkailangan mo ng tulong.Ang kailangan mo lang gawin ay magreach out huwag magmukmok sa isang tabi,ang buhay ay napakaganda para manirahan sa Taiwan pag alam mo kung sino at saan pwede lumapit at humingi ng tulong.God bless po sa ating lahat.