2014-05-30 / prince carl garcia / Sa Puso ng Asya / Pilipinas 菲律賓 / champion broker
Ganito ilarawan ang pulo ng Taiwan ngayon.Dahil sa angkin nitong kagandahan,malinis na kapaligiran,kaakit akit na tanawin,kaya naman dinarayo ng iba't ibang klase ng lahi.Noong unang panahon pa lamang,ang mga manlalayag na Portuges ay nabighani na sa ganda ng Taiwan.Di naglaon,dumaan ang mga taon,dekada at marami pang mga panahon,pinabuti,pinag-igihan at pinagtulong tulungan ng mga mamamayan ang pag-aayos,pagpaganda ng pulong ito upang mapalaganap ang turismo.Ang Taiwan o Formosa ay maliit na probinsya lamang ng Tsina ngunit sa kasipagan ng mga tao dito kaya naman masasabi ko na maunlad ito.Maraming pabrika ang itinayo rito.Kaya naman ang iba't ibang lahing asyano ay nagsusumikap para lang marating ang lugar na ito.Ang mga karaniwang mga lahing andirito ay ang mga Pilipino,Indones,Biyetnames at Thai.Namamasukan hindi lamang sa mga pabrika kundi bilang mga kasambahay din.Lahat tayo ay may kanya-kanyang mga pangarap at layunin sa buhay kaya naman kahit na masakit at mahirap mapalayo sa pamilya,kasintahan at mga kaibigan,isinaalang-alang natin ito para mabigyan natin sila ng magandang kinabukasan.Iba't ibang dahilan ng mga tao kung bakit nililisan ang kani-kanilang bansa,gaya ng magpapaaral ng mga anak at kapatid,susuportahan ang mga magulang na may sakit o kaya naman tutulong sa gastusin sa bahay at kung ano-ano pa.Sa lugar na ito maraming mga karanasan,pangarap,pagkakaibigan at pagmamahalan ang nabubuo.Sa kabila naman nito marami din mga bagay na animo'y isang masamang panaginip,tulad ng pagkawasak ng pamilya,mas nabaon sa utang,paghihiwalay ng magkasintahan at pagkamatay o disgrasya.Ilan lamang ang mga ito sa mga bagay na kadalasang nangyayari dito.Kagaya ko isa lamang ako sa mga libo-libong Pilipinong pumila,nagbakasakali at nakipagsapalaran para mabigyan ng magandang buhay ang dalawa kong anak.Mag-isa kong itinatagayod ang aking mga supling.Noong akoy lumisan tatlong buwang gulang palang ang aking bunso at tatlong taon naman ang panganay ko.Ayaw ko ng bitawan ang aking sanggol at sa mga oras na yon nakatitig siya saakin.Ayaw ko ng lumingon sa kanila noong gabing ako'y kailangan ng bumiyahe pa Maynila.Sa pagtalikod ko naririnig ko ang panganay na umiiyak at sinasabing "mommy sasama ako".pumikit nalang ako at naglakad palayo habang tumutulo ang luha ko at may kasamang hikbi.Sobrang sakit sa dibdib.Napakahirap man minsan dahil sa tuwing naalala ko sila lalo na sa mga panahong sila ay may sakit,may espesyal na okasyon gaya ng kaarawan,pasko at bagong taon,di ko maiwasang di mapaluha.Gusto ko silang yakapin at alagaan ngunit di ko magawa dahil sila ay malayo.Bawat magulang ganito ang nararamdaman.Sino ba ang may gustong mawalay sa mga anak at at pamilya diba?Masasabi kong lahat ng nangingibang bansa ay may ganitong nararamdaman.Sakripisyo,lungkot,pagtitiyaga at pagtitiis ang baon ng mga taong nasa ibang bansa.Iba't ibang klase ng trabaho meron dito,may mga iba maswerte sa mga katrabaho at pinuno pati na rin sa kompanyang napasukan.Ngunit may mga iba naman halos sumuko na dahil sa pinapakitang pang-aapi,galit at minsan di patas na trato.Maraming mga manggagawang nakakaranas ng ganito.Sa ganoong pangyayari hindi maiwasang di umiyak,magalit at higit sa lahat naiisapang umuwi na lamang.Kaya nga lang di ganin kadali ang lahat dahil may kanya-kanyang obligasyon ang bawat isa sa pamilyang naiwan.Subalit ang kinagandahan nito kinakaya ng bawat isa dahil sa tulong na din ng poong Maykapal.May mga inspirasyon kung bakit nagagawang tapusin ang tatlong taong kontrata.Mahirap man ngunit di ko maikukubling sulit dahil pag-uwi makikita kong matutuwa ang aking pamilya.Salamat sa magandang pag-asa na dala ng lugar na ito dahil unti-unti kong nairaos ang lahat.Marami man naging masaklap na karanasan,marami rin napasyalang mga magagandang lugar na nagbigay aliw saakin,mga kaibigang Taiwanese na naging mabuti saakin.Hindi ko malilimutan ang polo na ito dahil dito nabuo ang aking magagandang pangarap at naisakatuparan ko ang ilan sa mga ito.Mga ala-alang mananatili sa aking puso kailan pa man,dito sa puso ng asya.