2014-05-23 / Rheda Fuentes / Sa Silong Ng Langit / Pilipinas 菲律賓 / Samahang Makata International (SMI)
SA SILONG NG LANGIT
Sa gitna ng bukid aking natatanaw,
Dalisay na kasipagan ni ama sadyang umaapaw,
Sa kadiliman ng damdamin kong bahaw,
Nabubuo ang nais na kay inay magpapasayaw.
Alingawngaw sa isip unti unti naklaklaro,
Pangarap na makaahon ang daing ng mundo,
Pangambang mararamdaman pilit itatago,
Mapunan lamang buhay na siphayo.
Di maparam na luha taglay sa mga mata,
Kalakip sa diwa ang buhay na pag-asa,
Paglapag ng eroplano dito sa bansang tsekwa,
Dalangin ko nawa'y makayanan ang kultura.
Tatlong taon ang sarili sa lagda itinali,
Sa lugar kung saan pag-iisa ang maghahari,
Di nakasanayang paligid pilit kinakandili,
Tunay na pangingibang-bayan ay pakikipagtunggali.
Sa pakikihamok sa panahon aking narurok,
Mapanglaw na karanasan ay naghihimutok,
Sa among nangungunyapit,ano't napakapusok,
Sa silid kinukulong kapag inabutan ng amok.
Pakikibagayan kanilang kakaibang ugali,
Tatalima sa bosing,may matang mapanuri,
Sasang-ayon na lang ng walang pasubali,
Kitain ang salapi di talaga ganon kadali.
Sa matandang alaga nama'y lubos na pasensya,
Mura at kurot,pambabatok at pandudura,
Pilit iniilagan,di na lang alintana,
Ngingiti sa harap,pagtalikod na lang ang luha.
Sa kawalan naninimbang,hanap ay mahuhugutan,
mahingahan ng kalooban dito sa dibdib dumagan,
Tanging Sa Iyo na lamang po Panginoon,
Mga agam-agam ko nawa ay may tugon.
Heto ako,muling nakatingala sa kalangitan,
At pinagmamasdan bawat bagsak ng ulan,
Binabalot ng pangungulila sa mahal na magulang,
Pinapahiwatig ng mga luhang naglalandasan.
Saksi yaring pluma sa piping pag-iyak,
Habang ang mga luha'y nag-uunahan sa pagpatak,
nananabik,naninimdim ang pusong umaantak,
Tanging bulong ay malampasan ng di hamak.
Kung maaari ko lamang tawirin ang karagatan,
At lakarin yaong lawak ng kalupaan,
Gagawin ko ng walang pag-aalinlangan,
Maibsan lamang ang paghihirap na nararamdaman.
Ngunit batid kong sa silong ng langit,
Kaganapan ang tanglaw ng pamilyang kimpit,
Sa hapag ng laban katatagan ang bitbit,
Sa latag na dahon tagumpay ang makakamit.